Hesperian Health Guides
Para sa Health Worker
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 2: Paglutas ng mga problema sa kalusugan > Para sa Health Worker
Pagtulong sa kababaihan na tulungan ang sarili
Sa kabanatang ito, mahalagang papel ang nagawa ni Ka Pedro at Valeria sa pagtulong sa kababaihan sa komunidad ni Juanita na malutas ang isang problema sa kalusugan. Naging epektibo ang dalawa dahil hindi nila pinagsabihan sina Juanita at mga kaibigan niya kung ano ang gagawin. Sa halip, tinulungan nila ang mga babae na matutong tulungan ang sarili.
Kaya mo ring makatulong sa mga babae sa iyong komunidad. Sundin ang halimbawa ni Ka Pedro at Valeria. Maaari kang:
- Magbahagi ng iyong kaalaman. Para matulungan ang sarili, kailangan ng kababaihan ng impormasyon. Maraming problema sa kalusugan ang maiiwasan kung alam ng tao kung papaano. Pero tandaang hindi kailangan na alam mo ang lahat ng sagot para makatulong. Madalas walang madaling sagot. Tama lang na umamin kung hindi mo alam ang isang bagay. Matutuwa ang mga katrabaho mo sa iyong katapatan.
Ibahagi ang iyong kaalaman sa ibang babae, ibang health worker, at mga taong gumagawa ng pagpapasya sa inyong komunidad.
- Igalang ang kababaihan. Dapat tratuhin ang bawat tao na kaya niyang maintindihan ang sariling problema sa kalusugan, at gumawa ng mainam na desisyon sa pagpapagamot. Huwag sisihin ang babae sa kanyang problema o sa mga desisyon na nagawa na niya.
- Panatilihing pribado ang mga problem sa kalusugan. Huwag pagusapan ang mga problema sa kalusugan sa lugar na madidinig ng iba. Huwag ikuwento sa iba ang sakit ninuman, maliban kung pumayag muna ang taong maysakit.
- Tandaang mas mahalaga ang pakikinig kaysa sa pagpapayo. Madalas kailangan ng isang babae ng makikinig sa kanya nang walang paghuhusga. Sa pakikinig, naipapaabot mong nagmamalasakit ka at mahalaga siya. At habang nagsasalita siya, baka matuklasan niyang hawak niya ang ibang kasagutan sa problema.
- Lutasin ang problema kasama sila, hindi para sa kanila. Kahit napakalaki at kumplikado ng mga problema ng isang babae at hindi lubos na malulutas, madalas may mga hakbang pa rin siyang puwedeng pagpilian. Matutulungan mo siyang makita ito at maghanap ng impormasyon para gumawa ng sariling desisyon.
- Matuto sa mga taong tinutulungan mo. Sa pagtulong mo sa iba na lutasin ang problema nila, mas huhusay ka sa pagtulong sa marami pang tao (at minsan, pati sa sarili mo).
- Igalang ang mga tradisyon at kaisipan ng iyong kababayan. Hindi hawak ng makabagong siyensya ang lahat ng kasagutan. At marami sa makabagong medisina ang mula sa pag-aaral ng mga halamang gamot at tradisyonal na panggagamot. Kaya mahalagang igalang at gamitin ang nakabubuti sa bawat pamamaraanâat isaisip na parehong nakakapinsala ang makabago at tradisyonal na paraan kung mali ang paggamit.
- Alamin kung ano nga ang gustong matutunan ng tao. Madaling madapa sa maling ugali na nagbibigay ng impormasyon kahit hindi alam kung makakatulong ito. Madalas ito sa mga health worker na may nakahandang leksyon. Pero kung uusisain muna ang gusto ng tao, makakapulot sila ng kaalamang may pakinabang sa kanila, at maidudugtong nila ang bago sa dati na nilang
- Magplano kasama ang tao, hindi para sa tao. Sa pagplano mo ng iyong trabaho, tiyakin na makipag-usap muna sa kababaihan at kalalakihan sa komunidad. Alamin kung ano ang pagtingin nila sa problema na inaasikaso mong malutas. Pag-usapan ninyo nang sama-sama kung ano sa palagay nila ang mga sanhi ng problema at paano nila ito gustong malutas. Samasamang pagkilos ang nagdudulot ng pinakamainam na resulta!