Hesperian Health Guides

Sanhi ng masamang kalusugan ng kababaihan

Sa kabanatang ito:

Madaling tukuyin ang mga direktang sanhi ng problema sa kalusugan ng kababaihan. Halimbawa, masasabing ang mga impeksyon na naihahawa sa pagtatalik (INP) ay dulot ng iba’t ibang mikrobyo; ang mahinang nutrisyon ay dahil sa kakulangan ng tamang pagkain; ang mga problema sa pagbubuntis ay madalas mula sa di-sapat na prenatal na pangangalaga. Pero nasa likod ng mga ito ang dalawang ugat na dahilan—kahirapan at mababang katayuan ng kababaihan— na sangkot sa maraming problema sa kalusugan ng kababaihan.

Kahirapan

Mahirap ang 2 sa bawat 3 babae sa mundo. Mas malamang na mahirap ang babae kaysa lalaki. Pero bukod pa rito, mas madalas din na babae ang pinakamaralita sa hanay ng mga maralita.

Milyun-milyong babae ang ipit na sa siklo ng kahirapan bago pa man sila isilang. Ang sanggol ng mga babaeng kulang sa pagkain habang buntis ay mas malamang na maliit at mabagal ang paglaki. Sa pagkabata, mas malamang na kulang ang nakakain ng batang babae kaysa sa lalaki, kaya lalo pang nauudlot ang paglaki. Madalas wala o kaunti ang edukasyon ng mga babae, kaya sa kalaunan, puwersado sila sa trabahong di kailangan ng kasanayan, at tumanggap ng sahod na mas maliit sa lalaki (kahit pareho ang ginagawa). Sa bahay, walang bayad ang araw-araw na trabaho. Ang sobrang pagod, masamang nutrisyon, at kakulangan ng maayos na pangangalaga habang buntis ay naglalagay sa babae, at muli sa mga anak, sa panganib ng masamang kalusugan.

Napupuwersa siya ng kahirapan na mamuhay sa ilalim ng mga kondisyong nagdudulot ng maraming problema sa katawan at isip. Halimbawa, ang mahirap na babae ay madalas:

mahirap na babaeng nakaupo sa labas ng kanyang bahay
  • nasa giba-giba at di-makataong tirahan, na kaunti o walang tubig o pasilidad sa kalinisan
  • kulang sa tamang pagkain, at gumugugol ng mahalagang oras at lakas sa paghahanap ng murang pagkain
  • napupuwersang tumanggap ng gawaing mapanganib o sobrang haba
  • di-kayang magpagamot, kahit libre pa ito, dahil di nila kayang lumiban sa trabaho o sa pag-aalaga ng pamilya
  • abalang-abala na makapantawid-gutom, kaya wala halos panahon o lakas na alagaan ang sarili, magplano para sa hinaharap, o mag-aral ng bagong kasanayan
  • minamaliit at sinisisi sa pagiging mahirap


Madalas tinutulak ng kahirapan ang mga babae na pumasok sa relasyong nakaasa sa lalaki para mabuhay. Kung nakaasa lang sa lalaki para buhayin ang sarili o mga anak, matitiis niya ang mga bagay na mapanganib, para lang pasiyahin ang lalaki. Halimbawa,baka tiisin niya ang karahasan, o ang di-ligtas seks dahil takot na mawalan ng sustento.

Mababang katayuan ng kababaihan

malungkot na babaeng nakatayo nang mag-isa habang tinuturo ng iba

Ang “katayuan” ay ang halaga ng isang tao sa kanyang pamilya at komunidad. Apektado ng katayuan kung paano tinatrato ang babae; paano niya pinapahalagahan ang sarili; anong aktibidad ang puwede niyang gawin; at ang klase ng pagpapasya na pinauubaya sa kanya. Sa karamihan ng pamayanan sa mundo, mas mababa ang katayuan ng babae kaysa sa lalaki. Tumutungo ito sa diskriminasyon—o ang masamang pagtrato o pagbabawal ng mga bagay dahil lang sa pagiging babae. Iba’t iba ang anyo ng diskriminasyon sa iba’t ibang komunidad, pero palaging apektado ang kalusugan ng kababaihan.

Pagnanais ng anak na lalaki kaysa babae. Mas matimbang sa maraming pamilya ang lalaking anak dahil mas nakakaambag sa yaman ng pamilya; nakakasuporta sa magulang sa pagtanda; namumuno sa seremonya sa pagkamatay ng magulang; at nagpapatuloy sa pangalan ng pamilya. Dulot nito, mas mabilis itigil ang pagpapasuso sa batang babae, mas kaunti ang ibinibigay na pagkain at pangangalagang medikal, at wala o kulang ang pagpapaaral.

Dahil karamihan sa trabaho ng kababaihan ay di-kinikilala o tinitimbang, madalas ay wala silang legal na proteksyon sa lugar ng trabaho.

Kakulangan ng ligal na karapatan o kapangyarihang magpasya. Sa maraming pamayanan, hindi puwedeng makawahak o magmana ng ari-arian ang babae, kumita ng salapi o makautang. Kung makipaghiwalay sa asawa, maaaring hindi mapasakanya ang mga anak o kagamitan niya. Kahit na may karapatan sa batas, puwedeng pagkaitan siya ng kontrol sa sariling buhay dahil sa tradisyon. Madalas hindi makapagpasya ang babae kung saan gagastahin ang pera ng pamilya o kung kailan magpapagamot. Hindi siya makabiyahe o makasali sa pagpapasya ng komunidad kung walang pahintulot ang asawa.

Sa ganitong pag-alis ng kapangyarihan sa kababaihan, kailangan nilang kumapit sa kalalakihan para mabuhay. Kaya hindi madali para sa kanila na igiit ang mga bagay na mabuti sa kalusugan, tulad ng pagpaplano ng pamilya, mas ligtas na pagtatalik, sapat na pagkain, pangangalaga sa kalusugan, at karapatang hindi madahas.

Kababaihan ang bumubuo ng kalahati ng mundo, pero siyang pumapasan sa 2 sa bawat 3 oras ng trabaho sa mundo, tumatanggap ng 1/10 lamang ng kita sa mundo, at nagmamay- ari ng 1/100 lamang ng ari-arian sa mundo.

Sobrang daming anak, o sobrang lapit ng panganganak.

Puwede ring tumungo ang diskriminasyon sa kababaihan sa mas madalas na pagbubuntis, dahil baka sa pagpapadami lang ng anak makatamo ng sapat na katayuan para sa sarili o sa kapartner nila.

Sa lahat ng mga kondisyong ito, kulang ang babae sa malusog na pamumuhay at pangangalaga. Madalas din na tinatanggap nila ang mababang katayuan dahil pinalaking mas mababa ang pagtingin sa sarili kaysa sa mga lalaki. Baka ituring nilang bahagi ng kapalaran ang masamang kalusugan, at maghanap lang ng tulong kung malubha o ikamamatay na ang problema.

Hindi nasasagot ng sistemang medikal ang pangangailangan ng kababaihan

Bukod sa paglikha ng problema sa kalusugan, pinapahina din ng diskriminasyon ang kakayahan ng sistemang medikal na bigyan ng kailangang serbisyo ang kababaihan. Maaaring magpatong pa sa problema ang mga patakaran ng gobyerno at pandaigdigang ekonomiya.

Sa mahihirap na bansa, maraming tao ang walang mapagkunan ng anumang serbisyong pangkalusugan. (Nasa baba ang isang paliwanag sa paglala pa nito.) At dahil sa diskriminasyong nabanggit, malamang hindi sa kalusugan ng kababaihan mapupunta ang anumang maliit na pondo. Dahil dito, hindi makakuha ng maayos na pangangalaga ang babae— kahit kaya pa niyang magbayad. Baka may ilang serbisyo sa kalusugang reproduktibo na naibibigay, pero para masagot ang lahat ng pangangailangan sa kalusugan, malamang kailangang pumunta sa kapitolyong lungsod o di kaya’y lumabas ng bansa.

Sa maraming bansa, ang mga kasanayan sa pangangalaga ng kababaihan ay tinuturing na “ispesyal” at mga doktor lang ang puwedeng gumawa. Pero marami dito ang kayang ibigay sa mas murang halaga ng mga sinanay na mga health worker sa komunidad.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017