Hesperian Health Guides

Ang kuwento ni Mira

Sa kabanatang ito:


babaeng nangangarap na kapiling niya ang isang guwapo at mabait na asawa

Noong bata pa si Mira, pangarap niyang makatira sa isang malaking bahay. May kuryente. Baldosa ang sahig. Guwapo at mabait ang asawa, at magagawa niya ang anumang naisin. Pero mahirap ang pamilya ni Mira, at siya ang bunso sa apat na babaeng anak. Minsan, binubugbog ang kanyang ina ng lasing na ama na umiiyak pa sa kamalasan na napakarami ng anak niyang babae.


Noong mag-14 na taon si Mira, sapat na ang edad para ipakasal, umiyak siya nang malamang hindi na matutupad ang kanyang pangarap. Areglado na ang lahat: ipapakasal siya sa lalaking napili ng ama. May kaunting lupa ang lalaki, at naisip ng kanyang ama na makikinabang ang pamilya nila sa kasunduang ito. Walang boses sa pagpapasya si Mira.


Sa paglabas ng ikalawang anak na lalaki ni Mira, tumigil na ang asawa niya sa madalas na paggiit na makipagtalik. Natuwa si Mira. Hindi nananakit ang asawa, pero madami itong kulugo sa ari na pinandidirihan niya. Sa loob ng 20 taon, naka-6 na anak pa siya, kasama ang isang babaeng 3 taon nang mamatay, at isang lalaking namatay sa pagsilang.


Isang araw, nasa kasilyas si Mira nang mapansing may madugong lumalabas sa ari kahit hindi pa dapat magregla. Hindi pa siya nakapagpatingin ni minsan sa manggagamot. Pero ngayon, nagpaalam si Mira sa asawa kung puwede. Sabi ng lalaki, wala raw siyang tiwala sa mga doktor, at wala daw siyang igagastos sa bawat pag-aalala ni Mira.


Edad 40 si Mira nang magsimulang makadama ng tuloy-tuloy na pananakit ng puson. Nababalisa siya, pero hindi alam kung sino ang kakausapin. Ilang buwan ang lumipas, nagpasya na rin si Mira na baliin ang sabi ng asawa at magpatingin sa manggagamot. Natatakot siyang mamatay, at nangutang na lang sa isang kaibigan.


Sa health center, binigyan nga si Mira ng ilang gamot para sa lumalabas sa kanyang ari, pero hindi siya ineksamin ng health worker. Gabi na nang makauwi si Mira. Patang-pata at nabubuwisit dahil sinuway niya ang asawa at nagastos pa ang inipon ng kaibigan. Sa paglipas ng ilang linggo, patuloy na lumala ang kalagayan niya, at pinanghinaan siya nang loob dahil malinaw na hindi gumaling ang kanyang problema.

Si Mira na nakahiga sa kama at mukhang may matinding sakit, habang nakapaligid ang kanyang asawa at mga anak


Sa kalaunan, hinang-hina na si Mira at naniwala na rin ang asawa na maysakit nga siya. Nagmakaawa sila para makasakay patungo sa ospital sa isang malayong lungsod. Matapos maghintay ng ilang araw, natingnan din sa ospital si Mira. Sinabi na may kanser siya sa cervix, at malala na ito. Sabi ng doktor, puwede raw sanang tanggalin ang matris, kaya lang ay kumalat na ang kanser. Ang tanging lunas na maaaring magligtas ay nasa ibang bahagi pa ng bansa, at napakamahal. Tinanong ng doktor, “Bakit hindi ka regular na nagpa-Pap smear? Kung nakita namin ito nang mas maaga, madali sana itong lunasan.” Pero huli na ang lahat. Umuwi na lang si Mira, at namatay makalipas ang dalawang buwan.


Bakit namatay si Mira

Narito ang ilang madalas na sagot sa tanong na ito:

Baka sabihin ng isang doktor na...

WWHND10 Ch1 Page 10-1.png

Namatay si Mira mula sa malubhang kanser sa cervix dahil hindi siya nagamot habang maaga pa.
O ng isang guro...
WWHND10 Ch1 Page 10-2.png
Namatay si Mira dahil hindi niya alam na kailangan pala niyang magpatingin ng cervix o magpa-Pap smear.
O ng isang health worker...

WWHND10 Ch1 Page 10-3.png

Namatay si Mira dahil hinawahan siya ng asawa ng kulugo sa ari at iba pang mga impeksyon. Kaya nalagay siya sa malaking peligro na magkakanser sa cervix.

Tama lahat ang mga sagot na ito. Totoong mas malaki ang panganib ng babae na magka-kanser sa cervix kapag maagang nakikipagtalik at nahahawahan ng kulugo sa ari. At kapag maagang nadiskubre ang ang kanser (sa pamamagitan ng pagpapatingin sa cervix o Pap smear test) , halos palagi na kaya itong pagalingin.

Pero nagpapakita ng limitadong pag-intindi sa problema ang mga sagot. Lahat ito’y naninisi ng isang tao—si Mira o ang asawa niya— at hindi na nagpapalalim pa. Mas malaki ang panganib ni Mira na mamatay sa kanser sa cervix dahil mahirap siyang babae na nakatira sa mahirap na bansa.

Kasama sa mga sanhi ng masamang kalusugan ang maagang pag-aasawa, kawalan ng boses at lakas sa loob ng relasyon, kakulangan ng kaalaman sa kalusugan, kawalan ng pambayad sa serbisyong pangkalusugan, mga manggagawang pangkalusugan o health worker na hindi sinanay sa kalusugan ng kababaihan, at kakulangan ng mga serbisyo para sa kalusugan ng kababaihan
Parang dugtong-dugtong na kawing ng kadena ang mga dahilan sa pagkamatay ni Mira. Ito rin ang parehong kawing na sanhi ng maraming problema sa kalusugan ng kababaihan.

Paano nagsabwatan ang kahirapan at mababang katayuan ng kababaihan sa pagkamatay ni Mira

Puwede mong mausisa ang ugat ng pagkamatay ni Mira o iba pang problema sa kalusugan sa paggamit ng ehersisyong tinatawag na “Pero Bakit?”.

Mahirap si Mira at ang pamilya niya, kaya napilitan siyang magpakasal at makipagtalik nang napakabata. Kahit nang magka-edad na, wala pa rin siyang kapangyarihan sa loob ng relasyong mag-asawa. Wala siyang kontrol kung kailan at ilang beses manganganak, o sa mga relasyon sa ibang babae ng kanyang asawa. At dahil sa kahirapan, buong buhay na napinsala si Mira ng masamang nutrisyon, na nagpahina sa kanyang katawan at nagpataas ng peligro na magkasakit.

Kahit kulang ang komunidad ni Mira sa serbisyong pangkalusugan, may ilang serbisyo para sa kababaihan ang health center, tulad ng pagpaplano ng pamilya at impormasyon sa pagiwas sa HIV/AIDS. Pero walang impormasyon o kasanayan sa ibang problema sa kalusugan ng kababaihan ang mga health worker, kahit sa mga seryosong sakit tulad ng kanser sa cervix. Hindi sila marunong mag-pelvic exam (pagsusuri sa puwerta, cervix at iba pang parte ng ari ng babae) o mag-Pap smear.

Kaya kahit pa mas maagang nagpatingin si Mira, hindi rin siya matutulungan ng mga health worker. Kaya kailangang magbiyahe si Mira nang malayo at gumasta nang malaki para matingnan ng doktor na makakapagsabi kung ano ang sakit niya. Nang magawa niya ito, huli na ang lahat.

At pinakahuli, mahirap ang bansa ni Mira at maliit ang kayang gastusin para sa kalusugan. Tulad ng maraming mahirap na bansa, pinili ng kanyang gobyerno na tumutok sa ibang mahalagang serbisyo sa kalusugan, pero hindi sa kalusugan ng kababaihan. Tapos, sa mga mahal na ospital pa sa malalaking lungsod napunta ang anumang gastos para sa kalusugan ng kababaihan, sa halip na sa mga programa sa komunidad na maaabot ng mga babaeng tulad ni Mira. Ibig sabihin, walang serbisyo para maagang makita at malunasan ang kanser sa cervix—at marami pang ibang problema sa kalusugan ng kababaihan.

Humambalos kay Mira ang kahirapan at mababang katayuan ng kababaihan sa tatlong antas—sa kanyang pamilya, komunidad at bansa—para lumikha ng problema sa kalusugan na kanyang ikinamatay.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017