Hesperian Health Guides
Mga problema sa cervix
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 24: Kanser at mga tumutubo > Mga problema sa cervix
Mga nilalaman
Karaniwang mga problema sa cervix
Nabothian cysts. Ito’y mga maliit na butlig sa cervix na puno ng likido. Walang mga palatandaan, pero makikita ito sa pelvic exam (gamit ang speculum). Walang masamang epekto ang mga ito, kaya walang kailangang panlunas.
Polyps. Mga tumutubo ito na kulay madilim na pula, na minsan nasa cervix. Tumutubo rin ito sa loob ng matris. Hindi kailangang lunasan ang mga ito. Para sa dagdag na kaalaman, tingnan ang ‘Karaniwang mga Tumutubo sa Matris’.
Pamamaga ng cervix. Maraming impeksyon sa puwerta—tulad ng trichomonas—at ilang mga INP ang may epekto sa cervix, at nakakapagdulot ng mga tumutubo, pagsusugat, o iritasyon at pagdurugo matapos makipagtalik. Para sa impormasyon sa ganitong tipo ng problema at paggamot nito, tingnan ang kabanta sa “Mga Impeksyon na Naihahawa sa Pagtatalik at iba pang mga Impeksyon sa Ari”.
Kanser sa cervix
Kanser sa cervix ang pinakakaraniwang sanhi ng kamatayan sa kanser sa maraming bahagi ng mundo. Human papilloma virus o HPV ang pangunahing sanhi nito. Ang ibang strain ng ganitong virus ang siya ring sanhi ng kulugo sa ari.
Pangkaraniwang impeksyon ang HPV na makukuha ng maraming tao sa takbo ng kanilang buhay. Nawawala lang ang karamihan sa mga impeksyong ito kahit hindi ginagamot. Pero maaaring dahan-dahang magdulot ng kanser ang impeksyon ng HPV na hindi nawawala. Dahil mabagal ang pagtubo ng kanser na ito, may panahon na maaga itong makita at ganap na mapawi o mapagaling. Sa kasamaang-palad, maraming babae ang namamatay mula sa kanser sa cervix dahil ni hindi nila alam na meron sila noon.
Pinakamabuting panahon na magpasuri para sa kanser sa cervix kapag bandang 30 ang edad, at tuwing 5 taon pagkatapos.
Mas malaki ang tsansang magkakanser sa cervix ang mga babaeng may HIV dahil mas mahina ang kakayahan ng immune system nila na lumaban sa HPV. Dapat masuri sila para sa kanser sa cervix kahit mas bata sa 30. Pagkatapos, dapat ulitin tuwing 12 buwan kung kakayanin.
Dagdag na impormasyon
Ang Kuwento ni MiraMga palatandaan ng panganib:
Madalas walang panlabas na palatandaan ang kanser sa cervix hanggang sa kalat na at mas mahirap gamutin. (Madalas may maagang palatandaan sa cervix, na makikita sa pelvic exam. Kaya mahalaga ang regular na pelvic exam.)
Maaaring palatandaan ng malalang problema—kasama ng abanteng kanser sa cervix—ang hindi normal na pagdurugo sa puwerta, pagdurugo matapos makipagtalik, o 'hindi normal na discharge o masamang amoy mula sa puwerta. Kung may alinman sa mga palatandaang ito, sikaping magpa-pelvic exam at Pap smear test.
Pagtuklas at paglunas ng kanser sa cervix
Kung isa kang health worker, sikaping makakuha ng pagsasanay sa pagtest para sa kanser sa cervix. Himukin ang inyong komunidad na magbukas ng screening para sa kanser at panlunas na mababang-halaga (cryotherapy).
Dahil kayang mapagaling o mapawi ang kanser sa cervix kung maagang makikita, pero walang maagang babala, pinakamabuting regular na magpasuri. May 3 klase ng test o pagsusuri na naghahanap ng maagang palatandaan ng kanser sa cervix. Lahat ay ginagawa habang nagpe-pelvic exam at nangangailangang dampian ng bulak o maliit na brush ang cervix. Hindi ito masakit.
VIA o visual inspection with acetic acid
Sinisipat ng health worker ang cervix gamit ang speculum. Pagkatapos, lalagyan niya ng suka (acetic acid) ang bulak at ipapahid sa cervix. Mamumuti ang anumang abnormal na selyula o bahagi ng cervix dahil sa acetic acid. Malalaman mo agad ang resulta at madalas puwede kang malunasan sa araw ding iyon. Mura lang ito at madaling matutunan kung paano gawin.
Pap test
Sa test na ito, maingat na kumukuha ng mga selyula mula sa cervix at ipinapadala sa laboratoryo para masuri gamit ang microscope. Naghahanap ang test ng mga abnormal na selyula na kanser o patungong kanser. Kailangan mong bumalik matapos ang 2–3 linggo para makuha ang resulta.
Makakasagip ng maraming buhay ang regular na pagtesting para sa kanser sa cervix |
HPV test
Gaya ng Pap test, kumukuha ang health worker ng mga selyula mula sa cervix at ipinapadala sa laboratoryo para masuri kung may HPV. Hindi nito nalalaman kung may abnormal na selyula ka na kailangang lunasan. Kailangan mong bumalik sa loob ng 2–3 linggo para makuha ang resulta. Kung positibo ang resulta at may HPV ka, hindi nangangahulugang may kanser ka. Kailangan mo pa ring mag-Pap test o VIA.
Iba pang mga pagsusuri
Ginagamit minsan ang mga test na ito para maghanap ng kanser kung may makitang mga abnormal na selyula sa Pap test o VIA.
- Colposcopy. Gumagamit ang doktor ng ispesyel na lente para lumaki sa paningin ang cervix at sa gayon mas madaling makita ang mga palatandaan ng kanser.
- Biopsy. Kumukuha ng maliit na piraso ng himaymay ng cervix at pinapadala sa laboratoryo para masuri kung may mga selyula ng kanser.
Dagdag na impormasyon
pagpasya sa pagpapagamotPanlunas:
Kung lumabas sa isang pagsusuri na may mga selyula ka na patungong kanser o kanser na, kailangan mo ng panlunas. Simple ang panlunas sa selyula na patungong kanser, gamit ang mga paraan para tanggalin o lipulin ang mga abnormal na himaymay. May tinatawag na cryotherapy, na nagagawa sa maliit na klinika, kung saan ginagamitan ng matinding lamig ang cervix para mapatay ang mga selyula na patungong kanser. Ang ibang paraan naman ay operasyon sa cervix para tanggalin ang bahagi nito (cone biopsy o LEEP – Loop Electrosurgical Excision Procedure).
Baka kailangan mong pumunta sa isang malaki at ispesyal na ospital para magpagamot sa kanser.
Sa ilang lugar, may cryotherapy kung saan pinapatay ng lamig ang kanser. May cone biopsy din—tinatanggal ang bahagi ng cervix. Maaaring isa rito ang pinakamahusay kung gusto pang magkaanak at hindi pa kalat ang kanser, dahil puwedeng manatili ang matris. Kung makikita ang kanser at malulunasan bago kumalat, puwede itong mapagaling.
Kung tumubo na nang matagal ang kanser, maaaring kalat na ito lampas sa cervix tungo sa iba pang mga parte ng katawan. Sa ganitong kaso, madalas ay kailangan ng operasyon para tanggalin ang cervix at matris (hysterectomy). Minsan nakakatulong ang radiation therapy.
Maiiwasan ang pagkamatay mula sa kanser sa cervix
Mapapababa ang panganib ng kanser sa cervix kung makikita at magamot nang mas maaga. Maari nating:
- aralin kung ano ang nagpapalaki sa panganib ng babae, at samasamang kumilos para bawasan ito. May ispesyal na halaga ang kakayahan ng mga batang babae na maghintay umabot sa hustong gulang bago makipagtalik. Dapat ding may kakayahan ang lahat ng babae na protektahan ang sarili mula sa mga INP at HIV/AIDS.
- tulungan ang kababaihang umiwas o huminto sa paninigarilyo.
- aralin ang screening sa kanser at gawing mas abot-kamay. Makakasagip ng buhay ang maagang pagtuklas ng kanser sa cervix.
Parang magastos ang mga programa sa screening, pero mas mura ito kaysa paglunas. Makakatulong ang screening sa pinakamaraming babae sa pinakamurang halaga kung:
- tumutok sa nakakatandang babae. Puwedeng magkakanser sa cervix ang mas bata, pero pinakamapanganib sa lampas 35 ang edad.
- magtest ng pinakamaraming babaeng kakayanin, kahit na mangahulugan na mas madalang ang pag-test sa bawat isa. Makakatuklas ng mas maraming kanser ang pag-test ng lahat ng babaeng nasa panganib tuwing 5–10 taon, kaysa sa mas madalas na pag-test ng iilan.
- magsanay ng mga lokal na health worker kung paano mag-Pap smear test at gumawa ng pagsusuri gamit ang solusyon ng suka.
May bagong bakuna na proteksyon ng kabataan sa kanser sa cervix. Pero dahil sa pagtatalik naipapasa ang HPV na sanhi kanser na ito, may naniniwalang masama ang bakuna. Sa halip, dapat daw ituro sa kabataan na makipagtalik lang kapag kasal na (abstinence). Sinisikap nilang mapatigil ang bakuna. Alamin kung may bakuna sa lugar ninyo.