Hesperian Health Guides
Kanser
Mga sanhi ng kanser
Hindi impeksyon ang kanser. Hindi ito ‘nakakahawa’ at hindi naikakalat mula sa isang tao papunta sa iba.
Hindi alam ang direktang sanhi ng karamihan ng mga kanser. Pero maaaring mas malamang na magka-kanser ka dahil sa mga ito:
- paninigarilyo, na kilalang sanhi ng kanser sa baga, at nagpapalaki rin ng panganib na magkaroon ng karamihan ng iba pang kanser
- ilang impeksyon mula sa virus, tulad ng HIV, hepatitis B o ilang klase ng HPV (Human Papilloma Virus)
- mga pagkaing sobra ang taba o may nakakasamang kemikal
- paggamit ng estrogen na hormone nang solo at matagalan matapos huminto ang pagregla
- pagtrabaho o pagtira malapit sa ilang mga kemikal (tulad ng pestisidyo, tina, pintura at mga pangtunaw o solvents)
Dagdag pa, kung may kamag-anak na kadugo ang babae na nagkakanser, maaaring mas mataas ang panganib niya na magkaroon ng parehong kanser (tinatawag itong namamanang panganib).
Dagdag na impormasyon
pananatiling malusogMakakapigil sa maraming kanser ang malusog na pamumuhay. Nangangahulugan ito ng masustansyang pagkain at pag-iwas sa mga bagay na maaaring magdulot ng kanser. Halimbawa:
- Huwag manigarilyo o magngata ng tabako.
- Iwasan ang mga nakakasamang kemikal sa iyong tirahan o pinagtatrabahuhan, pati kemikal sa pagpapalaki o pagpreserba ng pagkain.
- Protektahan ang sarili mula sa mga impeksyon na naihahawa sa pagtatalik (INP).
Napakaliit ng selyula ng kanser. Kailangan ng microscope para makita ito. |
Maagang pagtuklas at paglunas ng kanser
Makakasagip sa buhay ng babae ang maagang pagtuklas sa kanser dahil maaga siyang malulunasan, bago pa kumalat ang kanser. May palatandaan ang ibang mga kanser na nagbibigay babala na may masamang nangyayari. Madalas, ang mga kanser na walang maagang palatandaan ay kayang matuklasan ng mga screening test —mga pagsusuring ginagawa sa malulusog na tao para makita kung normal ang lahat. Ang Pap smear test at VIA ay parehong screening test para sa kanser sa cervix. Ang mammogram ay screening test para sa maagang palatandaan ng kanser sa suso.
Madalas sa mga screening test natutuklasan ang mga kanser na walang maagang palatandaan. Mga regular na test ito para makita kung normal ang lahat. Ang Pap smear test para sa kanser sa cervix ay isang klase ng screening test.
Kung may mga palatandaan ka, o test na nagsasabing maaaring may problema, huwag nang maghintay. Sundin ang payo sa kabanatang ito para malaman at malunasan ang problema sa pinakamaagang kakayanin.