Hesperian Health Guides
Iba pang karaniwang kanser
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 24: Kanser at mga tumutubo > Iba pang karaniwang kanser
Mga nilalaman
Kanser sa baga
Nagdudulot ng kanser ang paninigarilyo. |
Pareho sa tuberkulosis (TB) ang mga palatandaan ng kanser sa baga. Humingi ng tulong medikal kung may ganitong mga palatandaan.
Isang lumalaking problema ang kanser sa baga na madalas dulot ng paninigarilyo. Mas madalas ito sa kalalakihan, dahil mas malakas manigarilyo ang mga lalaki. Pero dahil kasinglakas na ng lalaki kung manigarilyo ang maraming babae, tumataas na rin ang bilang ng kanser sa baga nila. Sa ilang mga bansa, mas marami na ang babaeng namamatay sa kanser mula sa paninigarilyo kaysa sa anumang klase ng kanser. At sa maraming lugar, nagsisimulang manigariliyo ang mga batang babae na kasing-aga at kasing-lakas ng mga batang lalaki. Habang dumadami ang mga babaeng naninigarilyo, mas maraming babae ang magkakaroon ng kanser sa baga.
Madalas hindi apektado ng kanser sa baga ang mga tao hangga’t hindi lumalampas ng edad na 40. Kung hihinto sa paninigarilyo, mababawasan nang malaki ang panganib na magka-kanser sa baga. Lumalabas ang mga palatandaan (pagubo ng dugo, pagbawas ng timbang, kahirapang huminga) kapag abanse na ang kanser at mahirap nang pagalingin. Kabilang sa panlunas ang operasyon para tanggalin ang bahagi ng baga, mga gamot at radiation.
Kanser sa bibig at lalamunan
Maaaring dulot ng paninigarilyo, pagnguya ng tabako, at ilang uri ng HPV (human papilloma virus) ang kanser sa bibig at lalamunan. Kung mayroon kang pamamaos, sakit sa paglulon, o pagsusugat sa lalamunan o bibig na hindi gumagaling, kumuha ng payong medikal.
UGALIIN ANG
MAS LIGTAS
NA PAGTATALIK at
MAGPABAKUNA!
Kanser sa atay
Ang ilang naiimpeksyon ng hepatitis B o C ay tinutubuan ng kanser sa atay pagkaraan ng ilang taon. Lumolobo na tiyan at pangkalahatang panghihina ang mga palatandaan ng kanser sa atay. Magpatingin sa isang health worker kung sa palagay mo ay may kanser ka sa atay.
Maiiwasan ang hepatitis B at C sa pamamagitan ng mas ligtas na pagtatalik, at may bakuna sa hepatitis B. Puwedeng bakunahan ang mga sanggol pagkasilang, at ang mga nakatatanda sa anumang oras.
Sikaping magkaroon ng hepatitis B na bakuna sa inyong komunidad.
Kanser sa tiyan
Dagdag na impormasyon
INPMaaaring magkaroon ng kanser sa tiyan ang mga lalaki at babaeng lampas sa edad 40. Madalas walang palatandaan hanggang sa abanse na ito. Operasyon lang ang tanging panlunas, at maaaring hindi maging matagumpay.
Minsan, dulot ng bacteria (H. pylori) ang kanser sa sikmura. Kayang malunasan ang bacteria ng partikular na mga gamot, at kayang mapigilan ang kanser bago pa ito magsimula. Hawig sa hindi natunawan o pangangasim ng sikmura (heartburn) and mga palatandaan. Kung madalas lumabas ang mga palatandaang ito, o matagal o nang nadarama, kumonsulta sa isang health worker tungkol sa pagkuha ng test at panlunas.