Hesperian Health Guides
Mga problema sa suso
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 24: Kanser at mga tumutubo > Mga problema sa suso
Mga nilalaman
Mga bukol sa suso
Karaniwan sa maraming babae ang mga bukol sa suso, laluna yung mga malambot na may likido (tinatawag na cyst). Madalas nagbabago ang mga ito sa takbo ng pagregla, at minsan ay masakit kung pisilin. Kakaunti sa mga bukol sa suso ang kanser. Pero dahil palaging posibilidad ang kanser sa suso, dapat sikapin ng babaeng suriin ang kanyang mga suso para sa bukol nang minsan bawat buwan (tingnan ang mga ‘babalang palatandaan’ sa baba).
Discharge mula sa utong
Kung nagpasuso sa nakaraang isang taon, madalas normal ang mala-gatas o malinaw na discharge mula sa isa o parehong utong. Maaaring palatandaan ng kanser ang kulay tsokolate, berde o madugong discharge—laluna kung galing sa isang utong lang. Magpa-eksamin ng suso sa isang health worker.
Impeksyon sa suso
Dagdag na impormasyon
impeksyon sa susoKung nagpapasuso at magkaroon ng mainit, mapula at namamagang lugar sa suso, malamang may mastitis o abscess. Hindi ito kanser at madaling pagalingin. Kung hindi nagpapasuso ang babae, maaaring palatandaan ito ng kanser.
Kanser sa suso
Madalas mabagal lumaki ang kanser sa suso. Kung maagang matutuklasan, minsan ay napapagaling ito. Mahirap malaman kung sino ang magkakaroon. Maaaring mas mataas ang panganib ng babaeng nagka-kanser sa suso ang nanay o kapatid na babae, o babaeng may kanser sa matris. Mas karaniwan ang kanser sa suso sa mga babaeng lampas sa edad 50.
Mga palatandaan ng panganib:
- matigas na bukol na hindi masakit, hindi pantay ang hugis, nasa isang suso lang, at hindi gumagalaw sa ilalim ng balat
- pamumula o pamamaga sa suso na hindi gumagaling
- balat sa suso na nahatak paloob, o magaspang at uka-uka, tulad ng balat ng kahel (orange) o dayap
- utong na nagbabago at nahihila palubog
- hindi normal na discharge mula sa utong
- may umuumbok o bumubukol sa ilalim ng braso na hindi masakit at hindi nawawala
- pananakit sa suso na hindi nawawala matapos ang 4–6 na linggo
Kung may alinman sa mga palatandaang ito, magpunta agad sa isang health worker na may tamang kasanayan.
Pagtuklas at paglunas sa kanser sa suso
Kung regular mong susuriin ang iyong mga suso, mas malamang mapapansin mo kung may anumang pagbabago o may bagong bukol na tutubo. May ispesyal na X-ray na tinatawag na mammogram na kayang makakita ng bukol sa suso habang napakaliit pa nito at mas hindi delikado. Pero maraming lugar ang walang mammogram, at napakamahal nito. Hindi rin nito matitiyak kung kanser nga ang bukol.
Biopsy ang tanging paraan para matiyak kung may kanser sa suso. Tinatanggal ng siruhano (surgeon) ang lahat o bahagi ng bukol, gamit ang karayom o panghiwa, at pinapasuri iyon sa laboratoryo
Magpatingin kaagad sa isang health worker kung nagkaroon ka na ng kanser sa suso at makakita ng iba pang bukol sa suso, o makapansin ng iba pang palatandaan ng kanser.
Nakabatay ang panlunas sa kung gaano na kaabanse ang kanser, at kung anong panlunas ang nasa lugar ninyo. Kung maliit ang bukol at maagang matuklasan, maaaring mabisa na ang pagtanggal lang nito. Pero sa ilang kaso, maaaring kailangan operahan para alisin ang buong suso. Gumagamit din minsan ang mga doktor ng gamot at radiation.
Hindi pa rin alam kung paano mapigilan ang kanser sa suso. Pero alam natin na kung maagang makikita at malulunasan, mas malamang ang lubusang paggaling. Para sa ilang babae, hindi na ito bumabalik. Sa ibang babae, maaaring bumalik ang kanser makalipas ang ilang taon. Puwedeng bumalik ito sa kabilang suso o, mas madalang, sa ibang parte ng katawan.