Hesperian Health Guides

Karaniwang inaalala at problema

Sa kabanatang ito:

Pangamba na kulang ang gatas, o na hindi sapat na ito lang ang ipakain

kabataang babae na nag-iisip
Doon sa isa kong anak, punung- puno ang suso ko...

Maraming babae ang nakakaisip na hindi sapat ang kanilang gatas. Halos palaging mali ito. Sa pangkalahatan, nakakagawa ng sapat na gatas kahit mga nanay na hindi sapat ang nakakain.

Umaayon ang dami ng gatas na ginagawa ng suso sa lakas ng pagsupsop ng sanggol. Mas malakas sumupsop, mas maraming gagawin. Kung lalaktaw ka ng ilang pagpasuso at gagamit ng ibang gatas, babawasan din ng katawan ang ginagawa nito.

May mga araw na parang gusto palaging sumuso ng sanggol. Kung papasusuhin mo siya tuwing gutom, dadami din ang gatas mo. Sa loob ng ilang araw, mapapansin mong mukhang kontento na uli siya. Nagpapadami rin ng gatas ang pagpasuso sa gabi. Sikaping hindi maniwala sa iba—kahit pa health worker—na nagsasabing kulang ang gatas mo.

Hindi kailangan na parang puno ang suso para ito makagawa ng gatas. Mas marami na ang napasuso, mas bawas din ang pakiramdam na puno ang suso. Kaya ng maliit na suso na gumawa ng kasindaming gatas na gawa ng malaking suso.

Nakakakuha ng sapat na gatas ang sanggol kapag:

  • maayos ang paglaki nito, at mukhang masaya at malusog
  • umiihi siya ng 6 na beses o higit pa at dumudumi ng 1–3 beses sa isang araw at gabi. Madalas, malalaman mo ito paglampas ng 5 araw ng sanggol, kapag mas regular na ang pag-ihi at dumi niya.


Dahil iba ang itsura ng gatas ng ina sa iba pang gatas, natatakot ang iba na mahinang klase ito. Pero nasa gatas ng ina ang lahat ng kailangan ng sanggol.

Maaaring hindi dumumi araw-araw ang sanggol na mas matanda sa 2 linggo. Kung mahusay siyang kumain, umiihi, at mukha namang kuntento, dadating din ang kanyang dumi.

Alalahanin at problema tungkol sa utong

Dapa o papaloob (inverted) na utong

Kayang magpasuso nang walang problema ang karamihan ng babaeng may utong na dapa o papaloob. Sa suso kasi sumusupsop ang sanggol, hindi lang sa utong. Wala kang kailangang gawin para ihanda ang utong mo habang nagbubuntis.

Hindi mahalaga ang laki at hugis ng iyong utong—sa suso sumusupsop ang sanggol, hindi lang sa utong.

WWHND Ch7 page 114-2a.png WWHND Ch7 page 114-2b.png WWHND Ch7 page 114-2c.png WWHND Ch7 page 114-2d.png
karaniwang utong mahabang utong dapa na
utong
papaloob na utong

Baka makatulong ang mga ito sa pagsupsop ng sanggol:

WWHND Ch7 page 115-1.png
Ibigay ang buong suso, para mas madali sa sanggol na maisubo ito nang husto.
  • Magpasuso agad pagkatapos manganak, bago pa mapuno ng gatas ang suso mo. Tiyaking naisusubo niya nang husto ang suso.
  • Kung mapuno masyado ang suso mo, maglabas ng gatas gamit ang kamay para lumambot ito. Mas madadalian ang sanggol na maisubo nang husto ang suso.
  • Himas-himasin o paikut-ikutin ang iyong utong bago magpasuso. Huwag pisilin.
  • Subukang sapuhin ng palad ang suso at itulak palikod para umusli nang husto ang utong.
Namamaga o nagbibitak na utong
WWHND10 Ch7 Page 115-2.png
nagbibitak na utong

Kung masakit ang pagpapasuso, malamang kulang ang naisusubo ng sanggol. Kung sa utong lang sumusupsop, sandali lang ay mananakit o magbibitak ito. Madaling maimpeksyon kung may bitak sa utong. Matuturuan ang sanggol na mas malaking bahagi ng suso ang isubo. Eto ang ilang puwedeng gawin:

Pag-iwas at paglunas:

Dagdag na impormasyon
Impeksyon sa suso
  • Sa pagpuwesto sa sanggol, tiyakin na kaya nitong isubo nang husto ang suso (tingnan ang Paano hawakan ang sanggol).
  • Huwag mong hatakin ang suso palabas sa bibig ng sanggol. Hayaan siyang sumuso hanggang gusto. Kung tapos na, bibitaw siya nang kusa. Kung kailangan mong huminto bago pa umayaw ang sanggol, hatakin mo paibaba ang kanyang baba o marahang ipasok ang dulo ng malinis na daliri sa kanyang bibig.
  • Para guminhawa ang namamagang utong, gamitin ang sariling gatas. Kapag tapos na ang sanggol sumuso, magpalabas ng ilang patak ng gatas at ipahid sa bahaging namamaga. Huwag gumamit ng sabon o pamahid na krema. Gumagawa ang katawan ng natural na langis na nagpapanatiling malambot at malinis sa utong.
  • Iwasan ang magaspang o masikip na damit.
  • Para makatulong sa namamagang utong, hayaan ang suso na mabilad sa hangin at araw, kung kaya.
  • Gamitin ang magkabilang suso. Kung masyadong namamaga o nagbibitak ang isang utong, magsimula sa mas mabuti-buting suso at lumipat sa kabila kung dumadaloy na ang gatas.
  • Kung matindi ang sakit sa pagsupsop ng sanggol, magpalabas ng gatas gamit ang kamay at painumin ang sanggol sa tasa o kutsara (tingnan ang Paano magpakain sa sanggol gamit ang tasa). Gagaling ang bitak sa loob ng 2 araw.

Pananakit at pamamaga ng suso

babaeng nakatingin sa mga susong namimintog sa gatas

Punung-puno ang suso ng babae (pamimintog)

Sa unang pagdating ng gatas, madalas parang bundat at matigas ang suso. Puwedeng mahirapan ang sanggol na sumupsop, at magresulta sa pamamaga at pagsakit ng utong. Kung babawasan ang pagpapasuso dahil sa sakit, mababawasan din ang daloy ng gatas.

Pag-iwas at paglunas:
  • Magpasuso agad sa unang oras pagkapanganak.
  • Tiyaking maayos ang paghawak sa sanggol (tingnan sa Paano hawakan ang sanggol).
  • Pasusuhin nang madalas ang sanggol — tuwing 1–3 oras o higit pa. Gamitin ang magkabilang suso. Matulog na malapit ang sanggol para mas madaling magpasuso sa gabi.
  • Kung hindi makasupsop nang maige ang sanggol, magpalabas muna ng sapat na gatas gamit ang kamay para lumambot ang suso. Pagkatapos ay hayaang sumupsop ang sanggol.
  • Pagkatapos magpasuso, dampian ng sariwang dahon ng repolyo o malamig na basang tela ang suso.


Tapos ng 2 o 3 araw, dapat ay mabawasan ang pamimintog ng suso. Kung hindi, maaari magka-mastitis (mainit at masakit na pamamaga ng suso).

suso ng babae kung titingnan mula sa gilid, pinapakita ang mga daluyan papunta sa utong
baradong duct
utong

Baradong daanan ng gatas (duct), mastitis

Kung may mamuong masakit na bukol sa suso, baka may duct na nabarahan ng makapal na gatas. Kung tumigil ang pagdaloy ng gatas sa isang bahagi ng suso, puwedeng pagmulan mastitis. Kung may lagnat ang babae at may parte ng suso niya na mainit, namamaga at masakit, malamang ay mastitis ito. Mahalagang ituloy ang pagpapasuso para masaid ang duct at hindi maimpeksyon ang suso. Ligtas pa rin ang gatas para sa sanggol,

Impeksyon sa suso (mastitis na may impeksyon)

babaeng may hawak na basa at maligamgam na telang nakalapat sa suso
Makakatulong sa duct na barado at mastitis ang maligamgam at basang tela.

Kung may palatandaan ng mastitis na walang pag-ige matapos ang 24 oras, o matinding pananakit, o bitak sa balat na puwedeng pasukan ng mikrobyo, magpagamot na agad para sa impeksyon sa suso.

Panlunas:

Pagtuloy-tuloy ng madalas na pagpapasuso ang pinakamahalagang bahagi ng panlunas. Ligtas pa rin para sa sanggol ang gatas mo. Kailangan din ng mga gamot at pahinga. Kung kaya, magbakasyon ka muna mula sa trabaho at kumuha ng makakatulong sa gawaing bahay. Sundin mo rin ang panlunas para sa baradong duct at mastitis. Kung kailangan para patuloy na dumaloy ang gatas, puwedeng magpalabas ka ng gatas sa pamamagitan ng kamay o ng mainit-init na botelya.

Gamot para sa Impeksyon sa Suso
Gamot Gaano kadami Kailan at paano ibibigay
PARA SA IMPEKSYON
dicloxacillin 500 mg 4 na beses bawat araw sa loob ng 7 araw. Inumin 30 minuto o higit pa bago kumain.
Kung walang dicloxacillin o allergic ka sa penicillin, ito ang gamitin:
erythromycin 500 mg 4 na beses bawat araw sa loob ng 7 araw.
Bago gumamit ng gamot, tingnan ang mga “Berdeng Pahina.”
PARA SA LAGNAT AT PANANAKIT
paracetamol (acetaminophen)      500–1,000 mg o aspirin hanggang sa mawala ang sakit.
MAHALAGA! Kung hindi magamot agad ang impeksyon sa suso, lalala ito. Madadama mong parang puno ng likido (nana) ang mainit at masakit na pamamaga. Kung magkaganito, sundin ang panlunas dito AT magpatingin sa health worker na marunong magsipsip ng nana gamit ang isterilisadong kagamitan.

Thrush

Pagtimpla ng Gentian Violet sa malinis na tubig para makagawa ng 0.25% na halo:

MARKA SA GENTIAN VIOLET

GUMAMIT NG

0.5%.........

1 parte ng Gentian Violet sa 1 parte ng tubig


1%............

1 parte ng Gentian Violet sa 3 parte ng tubig


2%............

1 parte ng Gentian Violet sa 7 parte ng tubig

Kung tama ang hawak mo sa sanggol para maginhawa siya at maayos kumain, at lampas 1 linggo na ang sakit ng utong mo, baka dulot ito ng thrush sa bibig ng sanggol. Puwedeng madama mo ito na makati, tumutusok o mahapding pananakit na lumilibot sa suso. Puwedeng may mga maputing marka o pamumula sa iyong utong at sa bibig ng sanggol.

Panlunas:

Magtimpla ng gentian violet sa malinis na tubig sa tapang na 0.25% at ipinta sa utong at mga namumuting marka sa bibig ng sanggol minsan bawat araw sa loob ng 5 araw, o hanggang 3 araw matapos ganap na gumaling. Gumamit ng malinis na tela o daliri sa paglalagay. Kung hindi ito iige, tingnan ang mga “Berdeng Pahina” para sa ibang gamot. Puwede kang patuloy na magpasuso. Hindi makakasama ang gamot sa iyo, sa gatas mo o sa sanggol.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017