Hesperian Health Guides

Ispesyal na sitwasyon

Sa kabanatang ito:

Puwedeng pasusuhin ang mga sanggol na may ispesyal na pangangailangan


a woman holding a small baby with her arm around an older baby
Dapat idikit sa katawan mo ang sanggol na sobrang liit o sobrang aga pinanganak.

Maliit na sanggol. Kung hindi makasuso ang maliit na sanggol nang sapat para mapakain ang sarili, kailangan mong maglabas ng gatas gamit ang kamay at ibigay sa tasa. Magsimula pagkapanganak, at ituloy-tuloy kahit kaya nang dumede ng sanggol. Makakatulong ito na gumawa ang suso ng dagdag na gatas. Kung mas magaan siya sa 1œ kilo (3œ pounds), baka kailangan ng ispesyal na pangangalagang medikal, tulad ng tubo na dumadaan sa ilong papunta sa sikmura. Puwedeng dito padaanin ang gatas mo. Makipag-usap sa health worker.

Sanggol na sobrang aga pinanganak. Kailangan mainitan ang sanggol na sobrang aga pinanganak. Ilagay siya sa loob ng damit mo na lampin at tabon lang sa ulo ang suot— patayo, dikit ang balat sa iyong balat at nasa gitna ng mga suso. (Makakatulong kung magsuot ka ng maluwang na pang-itaas, sweater o tapis na nakatali sa baywang.) ‘Kangaroo Care’ ang tawag ng iba dito. Ituloy-tuloy ito sa araw at gabi, at magpasuso nang madalas. Kung mahina ang pagsuso niya, magbigay din ng gatas na pinalabas ng kamay.

Cleft lip o cleft palate (sungi; may biyak sa labi o itaas ng bibig). Kailangan nila ng ispeyal na tulong para matutong sumuso. Kung may cleft lip lang, makakasuso pa rin ito nang maayos. (Para matulungan sa paglapat, takpan mo ng daliri ang biyak sa labi.) Kung may biyak din sa itaas ng bunganga, subukang patayo hawakan habang nasa posisyon siya para sa mahusay na pagsuso. Baka kailangan mo ng ispesyal na tulong. Puwedeng maglabas ng gatas gamit ang kamay para dumaloy nang mahusay habang nag-aaral pang sumuso ang sanggol.

Madilaw na sanggol (jaundice). Kailangan ng saganang sikat ng araw at gatas ng ina para mawala ito. Sobrang antukin ang ilang sanggol na madilaw. Kung hindi makasuso dahil sa antok, magpalabas ka ng gatas at ibigay gamit ang tasa at kutsara nang di kukulangin sa 10 beses bawat 24 na oras. Paarawan sa maagang bahagi ng umaga at huling bahagi ng hapon. Puwede ding ilagay sa maliwanag na kuwarto.

Karamihan ng paninilaw ay nagsisimula lang paglampas ng unang 3 araw at nawawala na sa ika-10 araw ng sanggol. Kung may jaundice o sobrang dilaw na mata sa ibang panahon, o kung madilaw at pinanganak na sobrang aga, o kung lumala ang paninilaw o pagka-antok, posibleng may seryosong sakit siya. Kung kaya, dalhin sa health center o ospital.

Kambal. Minsan ay mas maliit o mahina ang isa sa kambal. Tiyakin na parehong nakakasuso ng maraming gatas. May sapat kang gatas para sa 2. Tiyakin mo rin na sapat ang nakakain mo.

babaeng nagpapadede sa dalawang sanggol, isa sa bawat suso


Kapag may sakit ang iyong sanggol

  • Hindi ka dapat huminto sa pagpapasuso. Mas mabilis siyang gagaling kung pinapasuso.
  • Sadyang mapanganib ang pagtatae sa mga sanggol. Madalas ay hindi kailangan ng gamot, pero kailangan ng ispesyal na pag-iingat dahil puwedeng mabilis na mamatay sa pagkatuyot o dehydration.
  • Para sa pagtatae, magpasuso nang mas madalas at magbigay din ng pakaunti-kaunting oresol o Rehydration Drink.
may sakit at nakahubad na sanggol na nakahiga nang patagilid
  • Magpasuso nang mas madalas kung nanghihina ang sanggol. Kung masyado siyang mahina para makasuso, magpalabas ng gatas at ibigay sa tasa. Dalhin ang sanggol sa health worker.
  • Para sa pagsusuka, gawing maikli pero madalas ang pagpapasuso. Magbigay din ng oresol na paunti-unting pinapahigop mula sa tasa tuwing 5–10 minuto. Kung kakayanin, magpatingin sa health worker—puwede siyang mamatay mula sa panunuyot.
  • Patuloy na magpasuso kahit kailangang maospital ang sanggol. Kung hindi mo kayang tumigil sa ospital, maglabas ka ng gatas mo at ipabigay ito sa iba gamit ang tasa.
Paano magpakain sa sanggol gamit ang tasa

babaeng inilalapat ang baso ng gatas sa bibig ng sanggol
  1. Gumamit ng maliit na tasa na malinis na malinis. Kung hindi puwedeng magpakulo, linisin ito ng sabon at tubig.
  2. Hawakan ang sanggol na patayo, o halos patayo, sa iyong kandungan.
  3. Ilapit ang tasa ng gatas sa bibig ng sanggol. Ikiling ang tasa hanggang eksakto lang na dumidikit ang gatas sa labi. Bahagyang ipatong ang tasa sa ibabang labi ng sanggol at hayaan na dumikit ang gilid sa itaas na labi.
  4. Huwag ibuhos ang gatas sa bibig ng sanggol. Hayaan siya na “inumin” ito mula sa tasa.

Dagdag na impormasyon
HIV/AIDS at pagpapa

Kung may sakit ang nanay

Magpagamot kaagad ng anumang malubhang sakit na dulot ng impeksyon tulad ng TB, typhoid, o kolera, para hindi ito maipasa sa sanggol.

Kung kaya niya, halos laging mas mabuti na magpasuso ang may sakit na nanay kaysa magbigay ng ibang pagkain sa sanggol nang masyadong maaga. Kung mataas ang lagnat mo at malakas magpawis, baka mas kaunti ang magagawang gatas. Para patuloy na makagawa ng sapat na gatas, damihan ang iniinom at magpasuso pa rin nang madalas. Kung mas maginhawa para sa iyo, magpasuso nang nakahiga (tingnan ang Para sa anumang edad na sanggol).

Kung hihinto ng pagpapasuso nang ilang araw, magpalabas ka ng gatas gamit ang kamay (magpatulong sa iba kung kailangan).

Para maiwasan na mapasahan mo ng impeksyon ang sanggol, hugasang mabuti ang kamay ng sabon at tubig bago hawakan ang iyong sanggol o iyong suso.

Kapag kailangan ng nanay ng gamot

Malabnaw at napakakaunti na ang karamihan ng gamot na humahalo sa gatas ng ina, kaya hindi ito nakakasama sa sanggol. Madalas ay mas masama kung hihinto sa pagsuso.

May ilang gamot na nakakadulot ng side effects. Sa librong ito, minarkahan namin ang mga ito ng babala at nagmungkahi ng ibang gamot na mas ligtas (tingnan ang mga “Berdeng Pahina”).

Kung sinabihan ka ng health worker na gumamit ng medisina, ipaalam na nagpapasuso ka para makapili ng angkop at ligtas na gamot.

buntis na babaeng nagpapasuso sa bata
Ligtas na magpasuso kahit na buntis.
babaeng may kalong na maliit na sanggol habang hawak ng kabilang kamay ang mas malaking sanggol
Ligtas na magpasuso ang babae sa dalawang bata— isang bagong sanggol at isang nakatatanda.

Kapag muling nabuntis ang babae o manganak ulit

Kung mabuntis ang nagpapasusong nanay, puwede pang magpatuloy ng pagpapasuso. Dahil malaki ang kinukuha sa katawan ng pagpapasuso at pagbubuntis, dapat damihan ang mga masustansyang pagkain.


Ligtas din ang patuloy na pagpapasuso sa nakatatandang bata kahit may bagong sanggol ang babae. Dapat unahing pasusuhin ang bagong sanggol kaysa sa nakatatandang bata.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017