Hesperian Health Guides
Kabanata 11: Pagkain para sa mas mabuting kalusugan
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 11: Pagkain para sa mas mabuting kalusugan
Maraming sakit ang puwedeng maiwasan kung may sapat na matinong makakain ang mga tao.
Kailangan ng babae ng maayos na pagkain para gawin ang kanyang araw-araw na gawain, makaiwas sa sakit, at maging ligtas at malusog ang panganganak. Pero sa buong mundo, mas maraming babae ang naghihirap sa masamang nutrisyon kaysa sa anupamang problemang pangkalusugan. Maaaring magdulot ito ng pagkaubos ng lakas, panghihina, kapansanan at pangkalahatang pagsama ng kalusugan.
Maraming sanhi ang gutom at masamang nutrisyon. Isa sa pangunahin dahilan ang kahirapan. Sa maraming bahagi ng mundo, iilang tao lang ang may-ari ng karamihan ng yaman at lupain. Maaaring kape o tabako ang tinatanim nila sa halip na pagkain dahil mas maraming pera ang kikitain sa mga ito. O maaaring nagtatanim sa mga maliit na arkiladong lupa ang mga mahirap na tao kung saan tuwing anihan, napakalaking parte ang kinukuha ng may-ari ng lupa.
Pinakamabigat sa kababaihan ang problemang ito. Kasi sa maraming pamilya, mas kaunti ang pinapakain sa babae kaysa sa lalaki, gaano man kakarampot ang nasa hapag-kainan. Kaya hindi kailanman ganap na malulutas ang problema sa gutom at masamang nutrisyon hangga’t hindi pinaghahatian nang pantay ang mga lupain at ibang yaman, at hangga’t hindi tinatrato nang pantay ang babae sa lalaki.
Gayunpaman, marami pa rin ang magagawa ng tao ngayon para makakain nang mas mabuti sa murang halaga. Kapag kumain nang mahusay sa abot nang makakaya, lalakas sila. At kapag hindi gutom araw-araw, mas makakapag-isip ang mga tao tungkol sa kailangan ng pamilya at komunidad, at makakakilos para sa pagbabago.