Hesperian Health Guides
Pagkilos para sa pagbabago
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 10: Pananatiling malusog > Pagkilos para sa pagbabago
Pagkilos tungo sa balanse sa pagitan ng paglunas at pag-iwas sa sakit
Makakagawa ang mga health worker, o sinumang nagtatrabaho para sa kalusugan ng kababaihan sa komunidad, ng importanteng papel sa pagpigil ng mga sakit bago pa ito magsimula. Pero madalas, hindi pag-iwas sa sakit ang pangunahing kailangan ng babae kundi pag-ige mula sa isang sakit na taglay na niya. Kaya tulong sa paglunas ang isa sa pangunahing sagutin ng isang health worker.
Pero maaaring gamitin ang paglunas bilang daan sa pag-iwas. Isa sa pinakamainam na panahon para kausapin ang babae tungkol sa pag-iwas ay kapag pumunta siya sa iyo para humingi ng tulong. Halimbawa, kung may babaeng nagpatingin dahil sa impeksyon sa ihian, lunasan muna ang problema. Pagkatapos, bigyan ng panahon ang pagpaliwanag kung paano iiwas sa ganitong impeksyon sa hinaharap.
Hanapin ang balanse sa pagitan ng pag-iwas at paglunas na katanggap-tanggap sa mga babaeng nagpapatingin sa iyo. Malaki ang kinalaman dito ng pakiramdam ng mga babae tungkol sa pagkakasakit, panggagamot at kalusugan. Habang gumagaan ang pasanin na makaraos sa bawat araw, habang nagbabago ang mga ideya tungkol sa kalusugan, at habang mas maraming sakit ang nakokontrol, baka makita mo na mas interesado na sila sa pag-iwas sa sakit. Kung magkagayon, maraming di-kailangang paghihirap ang maiiwasan, at matutulungan mo ang mga babae na magsikap tungo sa mas mahusay na pangangalaga sa sarili.
Mahalaga ang maaaring gampanang papel ng mga health worker para tulungan ang mga babae na samasamang magsikap para pigilan ang mga problemang pangkasulugan ng kababaihan sa komunidad.