Hesperian Health Guides
Mas mahusay na pagkain sa mas mababang halaga
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 11: Pagkain para sa mas mabuting kalusugan > Mas mahusay na pagkain sa mas mababang halaga
- Pagkaing may protina. Mahusay at murang kuhanan ng protina ang mga beans, patani, gisantes, sitaw at iba pang katulad nitong pagkain (tinatawag na legumes). Kung hahayaang sumibol bago lutuin at kainin, mas marami pa ang bitamina nito. Itlog ang isa sa pinakamurang mapagkukunan ng protina mula sa hayop (Tingnan ang para sa mga paraan para magamit din ang balat nito). Ang atay, puso, bato, dugo at isda ay madalas mas mura kaysa sa ibang karne samantalang pareho lang na masustansya.
- Butil. Mas masustansya ang bigas, trigo at ibang butil kung hindi tatanggalin ang balat sa pagkiskis at paggiling.
- Prutas at gulay. Mas masustansya ang mga prutas at gulay habang mas maaga pagka-ani o pagkapitas na kinakain. Sa pagimbak, ilagay sa malamig at madilim na lugar para mapreserba ang mga bitamina. Lutuin ang gulay sa pinakakaunting tubig na posible, dahil pumupunta sa tubig ang mga bitamina. Inumin pagkatapos ang tubig o gamitin sa paggawa ng sopas.
- Gatas at produktong mula sa gatas. Dapat itago ang mga ito sa malamig at madilim na lugar. Sagana ang mga ito sa calcium at sa protina na pambuo ng katawan.
- Iwasang gumastos para sa mga pagkain o bitaminang nakapakete. Kung ang perang madalas ginagasta sa mga sitsirya at softdrinks ay binabaling ng magulang sa mga masustansyang pagkain, mas lulusog ang mga anak nila sa parehong halaga ng pera.
Dahil nakakakuha ang karamihan ng tao ng bitamina mula sa pagkain, mas mabuting gastusin ang pera sa mga masustansyang pagkain kaysa sa mga pildoras o iniksyon. Kung kailangan mong magbitamina, gumamit ng pildoras. Pareho lang sa iniksyon ang bisa nito, mas ligtas, at mas mura pa.
Ang maganit na panlabas na dahon o tuktok ng mga gulay tulad ng carrot o cauliflower ay maraming bitamina na puwedeng gamitin sa paggawa ng masustansyang sopas. Halimbawa, ang dahon ng kamoteng kahoy ay 7 beses ang protina at mas marami ang bitamina kaysa sa ugat.
Maraming mga ligaw na prutas at berry ang sagana sa vitamin C at natural na asukal, at makakabigay ng dagdag na bitamina at enerhiya.
Makakabili ka ng mas masustansyang pagkain kaysa sa mga nakapaketeng pagkain sa parehong halaga ng pera. |