Hesperian Health Guides
Makakapagdulot ng sakit ang masamang nutrisyon
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 11: Pagkain para sa mas mabuting kalusugan > Makakapagdulot ng sakit ang masamang nutrisyon
Anemia
Mahina ang dugo ng taong may anemia. Nangyayari ito kapag mas mabilis masira o mabawasan ang mga pulang selyula ng dugo kaysa mapalitan ng katawan. Dahil nawawalan ng dugo ang babae sa pagregla, madalas nakikita ang anemia sa mga babaeng nasa pagitan ng pagdadalaga at menopause. Mga kalahati ng buntis na babae sa buong mundo ang anemic, dahil kailangan nilang gumawa ng dagdag na dugo para sa nabubuong sanggol.
Seryosong sakit ang anemia. Pinapataas nito ang tsansa na magkaroon ng ibang sakit ang babae, at apektado ang kakayahan niyang magtrabaho at matuto. Mas malaki ang posibilidad ng babaeng anemic na duguin nang malubha o mamatay habang nanganganak.
Palatandaan:
- maputla ang loob ng talukap ng mata, kuko at loob ng labi
- panghihina at sobrang pagod na pakiramdam
- pagkahilo, laluna kapag tumayo mula sa pagkaka-upo o higa
- pagkahimatay
- kinakapos sa paghinga
- mabilis na tibok ng puso
Sanhi ng anemia:
Para sa dagdag na impormasyon tungkol sa malaria, parasitiko at bulate, tingnan ang Where There Is No Doctor o ibang pangkalahatang librong medikal.
Pinakamadalas na sanhi ng anemia ang kakulangan ng sapat na pagkaing sagana sa iron. Kailangan kasi ang iron para makagawa ng pulang selyula ng dugo.
Iba pang sanhi ang:
- malaria, na sumisira sa mga pulang selyula ng dugo
- anumang pagkawala ng dugo, tulad ng:
– malakas na pagregla (maaaring magpalakas sa pagregla ang IUD)
– panganganak
– madugong pagtatae (disenterya) mula sa mga parasitiko at bulate
– dumudugong ulser sa sikmura
– sugat na malakas ang pagdugoPanlunas at pag-iwas:
Dagdag na impormasyon
kalinisan- Kung malaria, mga parasitiko o bulate ang sanhi ng anemia, gamutin muna ang mga sakit na ito.
- Kumain ng mga pagkaing mayaman sa iron, kasama yung sagana sa bitamina A at C, na tumutulong sa katawan na masipsip ang iron. Sagana sa bitamina C ang mga maasim na prutas at kamatis. Sagana sa bitamina A ang mga gulay na madilim na dilaw ang kulay at yaong madilim na berde at madahon. Kung kulang ang babae ng pagkaing sagana sa iron, maaaring kailangan niya ng iron na pildoras.
- Iwasang uminom ng itim na tsaa o kape, o kumain ng panlabas na sapin o balat ng mga butil kasabay ng regular na pagkain. Pipigil ito sa katawan mo na sumipsip ng iron mula sa pagkain.
- Uminom ng malinis na tubig para maiwasan ang impeksyon mula sa mga parasitiko.
- Gumamit ng kasilyas sa pagdumi, para hindi kumalat ang itlog ng bulate sa pagkain at pinagkukunan ng tubig. Kung karaniwan sa lugar ninyo ang tiwal (hookworm), sikaping magsapatos.
- Patlangan ang pagbubuntis ng di-bababa sa 2 taong. Bibigyan nito ng pagkakataon ang katawan mo na mag-ipon ng iron sa pagitan ng mga pagbubuntis.
Beriberi
Ang beriberi ay sakit na dulot ng kakulangan ng thiamine (isa sa mga bitamina B), na tumutulong sa katawang gawing enerhiya ang pagkain. Tulad ng anemia, madalas ito sa mga babaeng nasa pagitan ng pagdadalaga at menopause, at sa mga anak nila.
Madalas may beriberi sa mga lugar kung saan ang pangunahing pagkain ay butil na tinanggalan ng panlabas na balat (mga pinaputing bigas, halimbawa) o pagkaing ugat tulad ng kamoteng kahoy.
Palatandaan:
- walang ganang kumain
- malubhang panghihina, laluna sa paa
- namamanas nang husto ang katawan, o humihinto sa paggana ang puso
Panlunas at pag-iwas:
Kumain ng mga pagkaing sagana sa thiamine tulad ng karne, manok, isda, atay, mga pagkaing butil na hindi o bahagya lang giniling, legumes (tulad ng gisantes, beans, patani at sitsaro), gatas at itlog. Kung mahihirapang gawin ito, baka kailangang uminom ng thiamine na pildoras.
Mga problema mula sa sobrang pagkain o maling klase ng pagkain
Ang babaeng kulang sa malusog na pagkain, laluna kung malaki ang pagsobra sa timbang at masyadong madami ang kinakaing taba at asukal, ay mas malamang magkaroon ng altapresyon, sakit sa puso, stroke, bato sa apd', diabetes at ilang mga kanser. Maaari ring magdulot ng rayuma sa binti at paa ang pagiging sobrang bigat.
Tiyakin na may sapat na ehersisyo, at dagdagan ang prutas at gulay. Narito ang ilang mungkahi para mabawasan kinakain na masama sa kalusugan:
- Ipangluto ang sabaw o tubig sa halip na mantekilya, taba ng baboy o ibang hayop, o mantika
- Tanggalin ang taba mula sa karne bago lutuin. Huwag kainin ang balat ng manok
- Iwasan ang mga sitsirya na mataas ang taba, tulad ng chips at biskwit at matatamis na inumin gaya ng Coca-Cola.
Diabetes
Isang uri ng problema ang diabetes kung saan hindi nagagamit nang tama ng katawan ang mga asukal. Maaari itong tumungo sa pagkabulag, pagkaputol ng paa, pagkawala ng malay (coma), o maging pagkamatay. Madalas bata pa lang ang edad kapag nagsimula ang Type 1 diabetes. Kailangan habang-buhay na maggamot ng insulin ang mga taong may Type 1 diabetes. Ang Type 2 diabetes naman ay madalas nagsisimula kapag lampas 40 na ang tao. Pinakamadalas ito sa mga taong sobrang bigat ang timbang.
Mas malamang lumitaw ang diabetes habang nagbubuntis kaysa sa ibang panahon. Kung buntis ka at palaging nauuhaw, o nababawasan ng timbang, kumonsulta sa isang health worker na makakapag-test ng ihi mo para sa asukal.
Maagang palatandaan:
- palaging nauuhaw
- madalas at malakas umihi
- palaging pagod
- palaging gutom
- pagbabawas ng timbang
Mas seryosong palatandaan sa kalaunan:
- makating balat
- panapanahong nanlalabo ang paningin
- madalas na impeksyon sa puwerta
- bahagyang pagkawala ng pakiramdam sa kamay at paa
- mga sugat sa paa na hindi gumagaling
- pagkawala ng malay (sa matinding mga kaso)
Maaaring dulot ng ibang sakit ang lahat ng palatandaang ito. Para malaman kung mayroon kang diabetes, magpatingin sa health worker, o huwag kumain ng 8 oras at pumunta sa laboratoryo para magpatest ng ‘fasting blood sugar’ (glucose). Kung lampas sa 125 ang sugar level mo sa dalawang magkahiwalay na test, may diabetes ka.
Maaaring may mga halaman sa inyong lugar na nakakatulong sa diabetes. Magtanong sa health worker
Panlunas:
Kung may Type 2 diabetes, dapat magpatingin ka sa health worker para masuri ang asukal sa iyong dugo at malaman kung kailangan mo ng gamot. Maaaring makontrol mo ang diabetes sa pamamagitan ng mapili o maingat na pagkain.
- Kauntian pero dalasan ang pagkain. Makakatulong itong pantayin ang lebel ng asukal sa dugo.
- Iwasang kumain ng maraming matatamis na pagkain.
- Kung sobra ang bigat, sikaping magbawas ng timbang.
- Iwasan ang mga pagkaing maraming taba (halimbawa, mantekilya, taba ng baboy, mantika), maliban lang kung hirap na makakuha ng sapat na pagkain.
Kung kakayanin, regular na magpatingin sa isang health worker para matiyak na hindi lumalala ang sakit.
Suriin ang paa minsan bawat araw kung may anumang sugat o pasa o palatandaan ng impeksyon. |
Para maiwasan ang impeksyon at pinsala sa balat, maglinis ng ngipin pagkakain, panatilihing malinis ang balat, at palaging magsapatos para maiwasan ang pinsala sa paa. Suriin ang paa at kamay minsan bawat araw kung may anumang pasa o sugat. Kung may sugat at may anumang palatandaan ng impeksyon (pamumula, pamamaga, o mainit sa pakiramdam), magpatingin sa health worker. Tuwing may pagkakataon, magpahinga na nakataas ang paa. Lalong mahalaga ito kung umitim ang kulay ng paa at mamanhid. Palatandaan ito na masama ang daloy ng dugo papunta’t pabalik sa paa.