Hesperian Health Guides

Karaniwang problema sa kalusugan na kasama ng pagtanda

Sa kabanatang ito:

Nilalarawan sa susunod na mga pahina ang ilan sa pinakamadalas na problema ng mas matatandang babae. Para sa iba pang problema tulad ng sakit sa apdo, puso, stroke, thyroid, pagsusugat sa paa dahil sa masamang daloy ng dugo, at kahirapan sa pagtulog, tingnan ang iba pang pangkalahatang librong medikal. Para sa impormasyon sa diabetes, tingnan ang 'Diabetes'.

Mahinang dugo (anemia)

Akala ng marami, problema lang ng nakababatang babae ang anemia. Pero apektado rin nito ang maraming matatandang babae— madalas dahil sa masamang nutrisyon o malakas na pagregla.

babaeng nakalingon at nakatingin sa mantsa ng dugo sa kanyang saya

Malakas na buwanang pagdurugo o pagdating nito sa gitna ng buwan

Sa pagitan ng edad 40 at 50, nagbabago ang regla ng maraming babae. May lumalakas o mas tumatagal. Kung tatagal ng ilang buwan o taon ang malakas na pagdurugo, puwedeng maging sanhi ito ng anemia.

Pinakamadalas na sanhi ng malakas o matagal na pagdurugo ang:

Panlunas:
Dagdag na impormasyon
kanser sa matris
  • Tiyakin na may pagkaing sagana sa iron araw-araw o mag-iron pills.
  • Uminom ng 10 mg medroxyprogesterone acetate minsan bawat araw sa loob ng 10 araw. Kung hindi pa rin humihinto ang pagdurugo sa loob ng 10 araw, ituloy ang gamot sa dagdag na 10 araw. Kung dinudugo ka pa rin, magpatingin sa health worker.
  • Sikaping magpatingin sa health worker para sa malakas na pagdurugo na mahigit 3 buwan na, pagdurugo sa gitna ng buwan, o pagdurugo na nagsimula ng 12 buwan o higit matapos ang menopause. Kailangang kayurin ng isang health worker na may kasanayan ang loob ng iyong matris (D and C), o mag-biopsy at ipasuri sa laboratoryo para sa kanser ang makukuhang himaymay.

Kung may pananakit ka at malakas na pagdurugo sa loob ng ilang taon, tingnan ang kabanata ng libro tungkol sa “Mga Kanser at Tumutubo.”

babaeng ginagamit ang kamay para kapain ang kanyang suso

Bukol sa suso

Madalas ay nakakasalat ng bukol sa suso ang mas matatandang babae. Hindi delikado ang karamihan ng mga ito, pero ang iba ay palatandaan ng kanser. Pag-iksamen sa sarili ang pinakamainam na paraan para madiskubre ang bukol sa iyong suso.

Mataas na presyon ng dugo

Maaaring magdulot ng maraming problema ang altapresyon, tulad ng sakit sa puso, sakit sa bato at stroke.

Puwede ring dulot ng ibang sakit ang lahat ng mga palatandaang ito. Para sa dagdag na impormasyon, tingnan ang Bagong Kapag Walang Doktor o iba pang pangkalahatang librong medikal.

sinusukat ng manggagawang pangkalusugan o health worker ang presyon ng dugo ng babae
Palatandaan ng mapanganib na altapresyon:
  • madalas na pagsakit ng ulo
  • pagkahilo
  • umuugong o kumukuliling na tunog sa tainga

Kung bibisita ka sa isang health worker para sa anumang dahilan, sikaping magpakuha na rin ng presyon ng dugo

MAHALAGA! Sa simula, walang palatandaan ang altapresyon. Dapat mapababa ito bago lumabas ang mga palatandaan ng panganib. Regular na magpasukat ng presyon ng dugo kung sobra ang timbang o nagdududa na may altapresyon.
Panlunas at pag-iwas:
  • Araw-araw na mag-ehersisyo.
  • Kung sobra ang bigat mo, magbawas ng timbang.
  • wasan ang mga pagkaing sagana sa taba, asukal o asin
  • Kung naninigarilyo ka o nagngangata ng tabako, sikaping huminto.

Kung masyadong mataas ang iyong presyon, maaaring kailangan mo ring uminom ng gamot.

Problema sa pag-ihi at pagdumi

Maraming mas matatandang babae ang may problema sa tumatagas na ihi o nahihirapan sa pagdumi. Posibleng dahil nahihiya, hindi nila masabi ang mga problemang ito, laluna sa lalaking doktor. Kaya mag-isa silang naghihirap.

Madalas dulot ng kahinaan ng kalamnan sa loob ng puwerta ang mga problema sa pag-ihi. Makakatulong sa pagpalakas ng kalamnang ito ang ‘pampahigpit o pang-ipit na ehersisyo’. Para makatulong sa paglabas ng dumi, puwede ring maglagay ng 2 daliri sa loob ng puwerta at itulak ito papalikod habang dumudumi.

Sa pagtanda, bumabagal ang pagtrabaho ng bituka. Maaaring ito ang dahilan kaya nahihirapang dumumi ang mas matatandang babae. Makakatulong ang pag-inom ng maraming likido, pagtiyak na may mga pagkaing sagana sa himaymay o fiber (tulad ng gulay o ‘whole grain’ na tinapay), at regular na pag-ehersisyo.

Buwa (prolapsed uterus)

Dagdag na impormasyon
pag-iwas sa buwa

Minsan sa pagtanda ng babae, humihina ang mga kalamnan na sumusuporta sa kanyang matris. Maaaring mahulog sa puwerta ang matris, at puwede pang may bahagi nito na lumitaw sa labas ng ari. Sa malulubhang kaso, maaaring mahulog sa labas ng ari ang buong matris kapag dumumi, umubo, humatsing, o magbuhat ng mabigat na bagay.

Madalas bunga ng pinsala sa panganganak ang buwa—laluna kung marami nang anak ang babae o masyadong maikli ang agwat ng panganganak. Puwede rin itong mangyari kung masyadong maagang umiri ang babae sa pag-labor, o kung tinulak ng nagpaanak ang kanyang tiyan mula sa labas. Pero kapwa nagpapalala ang pagtanda at pagbubuhat ng mga mabigat na bagay. Madalas lumalabas ang mga palatandaan pagkatapos ng menopause, kapag nanghina na ang mga kalamnan.

Palatandaan:
  • Napapaihi nang madalas, o nahihirapang umihi, o tumatagas palabas ang ihi.
  • May pananakit sa ibabang bahagi ng likod.
  • Sa pakiramdam mo, parang may lumalabas sa puwerta.
  • Nawawala ang lahat ng naunang mga palatandaan kapag nahiga.
Panlunas:

Puwedeng palakasin ng ‘pampahigpit o pang-ipit na ehersisyo’ ang mga kalamnan sa paligid ng iyong puwerta at matris. Kung ginagawa mo ito araw-araw sa loob ng 3 o 4 na buwan at hindi rin nakakatulong, makipag-usap sa isang health worker. Baka kailangan mo ng vaginal pessary (isang piraso ng goma na hugis gulong) na nilalagay sa loob ng puwerta para panatilihin sa puwesto ang matris. Kung hindi ito umubra, baka kailangan mo ng operasyon.

Kung walang pessary sa lugar ninyo, magtanong sa mga matatandang babae sa inyong komunidad kung ano ang ginagamit nila para sa ganitong problema.

Varicose veins

Ang varicose veins ay mga ugat na namamaga at madalas ay masakit. Mas matatandang babae na marami ang anak ang madalas magkaroon nito.

Panlunas:

Walang medisina para sa varicose veins, pero maaaring makatulong ang sumusunod:

babaeng nakaupo sa silya at nakapatong ang paang may bendahe sa kahoy na kahon Pinananatiling nakataas
ng babae ang kanyang
paa habang nananahi.
  • Sikaping makapaglakad o maigalaw ang iyong paa nang di-bababa sa 20 minuto bawat araw.
  • Sikaping bawasan ang panahong nakatayo, o nakaupo na nakababa ang paa, o nakade-kuwatro.
  • Kung kailangan mong umupo o tumayo nang matagal, sikaping pana-panahong magpahinga na nakahiga at mas mataas ang paa kaysa sa lebel ng iyong puso. Gawin ito sa pinakamadalas na kakayanin sa buong araw.
  • Kung kailangan mong tumayo nang matagal, sikaping maglakad-lakad sa puwesto mo.
  • Matulog na nakapatong ang paa mo sa unan o nakabalunbon na tela.
  • Para tulungan na hindi lumobo ang mga ugat, gumamit ng elastikong stockings, elastikong bendahe, o telang nakabalot nang hindi gaanong masikip. Pero siguraduhing tanggalin ito sa gabi.

nakatatanda at batang babaeng magkasamang naglalakad na may banga na nakabalanse sa ulo

Pananakit ng likod

Dagdag na impormasyon
ehersisyo para sa likod

Dulot karaniwan ng buong-buhay na pagbubuhat at paghahakot ng mabibigat na bagay ang pananakit ng likod ng mas matatandang babae.

Madalas, maiibsan ito ng:

  • araw-araw na pag-ehersisyo para mapalakas at mabanat ang mga kalamnan sa likod. Baka mas masaya kung magoorganisa ng grupo ng babae para sama-samang mag-exercise.
  • pagpatulong sa mas batang kapamilya, kung kailangan mong patuloy na gumawa ng mabigat na trabaho.

Rayuma

kamay na namamaga ang mga kasukasuan dahil sa rayuma

Maraming mas matatandang babae ang dumadanas ng pananakit ng kasukasuan na dulot ng rayuma. Madalas, hindi ito nagagamot nang lubusan, pero maaaring makatulong ang sumusunod na panlunas.

Panlunas:
  • Ipahinga ang mga parte na masakit
  • Magbabad ng tela sa mainit na tubig at ilagay ito sa masasakit na lugar. Ingatang hindi mapaso. (Sa ibang may rayuma, nawawalan ng pakiramdam ang balat sa ibabaw ng kasukasuan na sumasakit.)
  • Araw-araw, patuloy na igalaw ang mga kasukasuan sa pamamagitan ng banayad na paghilot at pagbanat sa mga ito.
  • Uminom ng katamtamang-lakas na gamot para sa pananakit. Pinakamainam para sa rayuma ang aspirin. Para sa matinding pananakit, uminom ng 600–1000 mg ng aspirin nang hanggang 6 na beses bawat araw (pero huwag lumampas ng 4 g bawat araw). Sabayan ito ng pagkain, gatas o isang malaking baso ng tubig. Mahusay din para dito ang ibuprofen. Uminom ng 400 mg, 4–6 na beses bawat araw.
MAHALAGA! Kung magsimulang may umuugong o bumabatingting sa iyong tainga, o madali kang magka-pasâ o lamog sa katawan, bawasan ang aspirin. Dagdag pa, kung mayroon kang maraming pagdurugo mula sa puwerta, hindi ka dapat gumamit ng aspirin.
may katandaang babae na naglalakad

Marupok na buto (osteoporosis)

Isang malaking sanhi ng kapansanan ng mas matatandang babae ang marurupok na buto.

Parehong nakakapagpalakas ng buto ang exercise at calcium.

Pagkatapos ng menopause, mas kaunti na ang estrogen na ginagawa ng katawan ng babae, at nagiging mas marupok ang kanyang buto. Madaling mabali at mabagal maghilom ang marurupok na buto.

Mas malamang magkaroon ng mahinang mga buto ang babae kapag siya ay:

  • lampas sa edad 70.
  • mapayat.
  • hindi nag-eehersisyo.
  • hindi kumakain ng sapat na pagkaing sagana sa calcium.
  • maraming beses nang nabuntis.
  • malakas sa inuming nakalalasing.
  • naninigarilyo o nagngangata ng tabako
Panlunas:

Problema sa paningin at pandinig

Habang tumatanda, maraming babae ang hindi na makakita at makadinig na kasinghusay ng dati. Mas malamang maaksidente ang babaeng may problema sa paningin o pandinig, at mas malamang hindi makatrabaho sa labas ng bahay o makalahok sa buhay ng komunidad.

Mga Problema sa Paningin

may katandaang babae na nakasalamin

Paglampas ng edad 40, pangkaraniwan na hirap makita nang malinaw ang malalapit na bagay. Farsighted ang tawag dito. Madalas ay makakatulong ang salamin sa mata.

Dapat ding bantayan ng babae ang mga palatandaan ng sobrang presyon ng likido sa mata (glaucoma), na makakasira sa loob ng mata at makakabulag. Biglaan ang pagsimula ng acute glaucoma, na may kasamang matinding pagsakit ng ulo o mata. Matigas din ang mata kung kakapain. Madalas naman ay hindi masakit ang chronic glaucoma, pero unti-unting nawawala ang paningin sa may tagiliran. Kung kakayanin, dapat ipa-check ng mas matatandang babae ang mata nila sa health center para sa mga problemang ito. Para sa dagdag na impormasyon, tingnan ang ibang pangkalahatang librong medikal.

Mga Problema sa Pandinig

may katandaang babae na inilalapit ang kamay sa tainga

Maraming babae na lampas sa edad 50 ang may kahinaan sa pandinig. Puwedeng hindi mapansin ng ibang tao ang problema dahil hindi naman nila nakikita. O baka hindi na lang nila isali sa usapan o mga samasamang aktibidad.

Kung mapansin mo na nawawalan ka ng pandinig, narito ang ilang bagay na puwede mong gawin:

dalawang babae na magkaharap at nag-uusap
  • Umupo na kaharap ang kausap mo.
  • Sabihan ang mga kapamilya at kaibigan mo na magsalita nang mabagal at malinaw. Pero sabihan sila na huwag sumigaw. Maaaring mas mahirap intindihan ang salita kung isisigaw.
  • Patayin ang radyo at telebisyon kung nakikisali ka sa usapan.
  • Magtanong sa health worker kung malulunasan pa ang problema mo ng gamot, operasyon o paggamit ng hearing aid.

Pagkabalisa at panlulumo (depression)

Minsan nababalisa o nanlulumo ang mas matatandang babae dahil nagbago na ang papel nila sa pamilya at komunidad; nangungulila sila o nag-aalala sa hinaharap; o may problema sila sa kalusugan na nagdudulot ng pananakit at masamang pakiramdam. Para sa dagdag na impormasyon sa pagkabalisa at panlulumo, tingnan ang kabanata ng “Kalusugan ng Pag-iisip”.

Pag-uulyanin (dementia)

Nahihirapang makaalala ng mga bagay at mag-isip nang malinaw ang ilang matatandang tao. Kapag lumala, tinatawag itong paguulyanin o dementia.

Palatandaan:
  • hirap magkonsentra, o naliligaw sa gitna ng pakikipag-usap.
  • paulit-ulit na sinasabi ang parehong bagay. Hindi niya matandaang nasabi na niya ito.
  • hirap sa pang-araw-araw na gawain. Puwedeng hirap siya kung paano magbihis o maghanda ng pagkain.
  • nagbabago ang ugali. Maaaring maging bugnutin, galit, o gumawa ng biglaan at di-inaasahang bagay

Dulot ng mga pagbabago sa utak ang mga palatandaang ito, na madalas unti-unting nangyayari sa mahabang panahon. Kung biglaan ang paglitaw, malamang iba ang sanhi, tulad ng sobrang gamot sa katawan (pagkalason), seryosong impeksyon, malnutrisyon, o matinding panlulumo. Madalas, nawawala ang pagkalito kung malulunasan ang sanhi ng biglaang pagbabago.

Panlunas:
may katandaang babaeng may tungkod at naglalakad habang nakaalalay sa kamay ng mas nakababatang babae

Walang ispesyal na panlunas o gamot para sa pag-uulyanin. Maaaring mabigat para sa mga kapamilya ang pag-alaga. Makakatulong kung maghahatian ng responsibilidad sa pangangalaga at kung kaya, kumuha ng suporta mula sa tao sa labas ng pamilya.

Para matulungan ang taong nag-uulyanin, sikaping

  • gawing ligtas hanggang maaari ang kanyang paligid.
  • gawing regular ang kanyang araw-araw na gagawin, para alam na niya kung ano ang mangyayari.
  • panatilihin ang mga kilala niyang bagay o kagamitan sa loob ng bahay.
  • kausapin siya sa paraang kalmado at malinaw. Bigyan siya ng sapat na panahon para sumagot.
  • magbigay ng malinaw na limitasyon at kakaunting pagpipilian. Magtanong ng bagay na masasagot lang ng "oo" o "hindi."


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017