Hesperian Health Guides
Kabanata 8: Pagtanda
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 8: Pagtanda
—kasabihan sa Guatemala
Padami nang padaming tao ngayon ang nabubuhay nang mas matagal. Maraming mga sakit ang naiiwasan o napipigilan sa pamamagitan ng mas malinis na kapaligiran, pagbabakuna at mas mahusay na nutrisyon. Nagagamot naman ang iba ng modernong medisina.
Pero may dala ring hirap ang mas mahabang buhay. Una, mas marami kadalasan ang problemang pangkalusugan ng mas matatandang tao kaysa sa nakakabata. Hindi nga dulot ng pagtanda mismo ang karamihan sa mga problemang ito, pero dahil sa mga pagbabago sa katawan na gawa ng pagtanda, maaaring napapabigat ang problema o mas mahirap gamutin.
Ikalawa, habang nagbabago ang mundo at lumalayo sa komunidad ang mas batang miyembro ng pamilya para maghanapbuhay, naiiwang mag-isa na nag-aalaga sa sarili ang maraming mas matatanda. O kung kasama man nila ang mga anak, maaaring may pakiramdam ang mga matanda na pabigat na lang sila sa pamilya o komunidad na wala nang pagpapahalaga at pagrespeto sa pagtanda.
Mas malamang harapin ito ng babae kaysa lalaki dahil karaniwang mas mahaba ang buhay ng babae at naaabot nila ang pagtanda na wala nang kapartner. Kaya sa kabanatang ito, nilalarawan namin kung paano pangalagaan ng mas matatandang babae ang kanilang kalusugan, lunasan ang karaniwang problemang pangkalusugan na hatid ng pagtanda, at kumilos para ayusin ang mahirap na kondisyon ng pamumuhay nila.