Hesperian Health Guides

Pagkilos para sa pagbabago

Sa kabanatang ito:

Tradisyunal sa maraming lugar na sama-sama mamuhay ang pamilya at alaga ng mas bata ang matatanda. Pero ngayon, marami ang may trabahong labas sa komunidad, at madalas nagbibiyahe pa ng malayo para masuportahan ang pamilya. Kaya naiiwan ang mas matatanda na alagaan ang sarili.

Mas malamang na mamuhay nang mag-isa ang matandang babae kaysa lalaki. Madalas mas matagal ang buhay ng babae, at mas matanda ang lalaking napapangasawa. Sa maraming lugar, mas mababa ang pagtingin sa babaeng balo kaysa sa may asawa.

Kapag nasa komunidad na hindi na pinapahalagahan ang matatanda, baka isipin ng matandang babae—at ng pamilya niya—na walang saysay na magpagamot pa. Baka wala ring serbisyo para sa problema niya sa kalusugan. Kapag mahirap din ang isang matandang babae, lalong malala ang problema niya. Baka wala siyang pambayad sa serbisyong pangkalusugan at gamot, pambili ng masustansyang pagkain, o pambayad para sa maayos na tirahan.

dalawang babaeng nakatayo malapit sa lamesang may mga itlog na binebenta, sa loob ng mataong hayupan

Mga proyektong pagkakakitaan. Para mapaunlad ng mga matandang babae ang sitwasyon nila, isang paraan ang paghahanap ng pagkakakitaan para suportahan ang sarili at maging ang kapamilya, gaya ng:

  • pag-aalaga ng hayop tulad ng manok, kambing o baka at pagtitinda ng itlog, gatas, keso o karne.
  • paggawa ng tinapay o ibang makakain para ibenta.
  • paggawa ng handicraft o pananahi ng mga bagay na maibebenta.
Anim na balo sa isang maliit na komunidad sa bansang El Salvador ang nagpasya na gusto nilang kumita sa pag-aalaga ng manok na maibebenta. Wala pa sa kanilang nakagawa nito, pero nagpaturo sila sa isang grupong sumusuporta sa mga kooperatiba.


Pagkatapos silang pautanging ng isang lokal na asosasyon sa komunidad, nagsimulang magtrabaho ang grupo. Sa gabi, halinhinan sila sa pagtulog sa kulungan ng manok para mataboy ang mga hayop at magnanakaw. Sa madaling araw, gumigising sila para magkatay at maglinis. Araw-araw, naglalakad sila ng ilang kilometro patungo sa ibang komunidad para magbenta ng mga manok, na nakalagay sa basket na nakapatong sa kanilang ulo.

Maraming nagsabi na hindi magtatagumpay ang proyekto: ang mga lalaki sa komunidad, at maging isang ispesyalista sa isang ahensya. Pero kumita sila nang sapat para matabunan ang kanilang gastos, makabili ulit ng manok, at mabayaran ang sarili ng tag- $45 bawat buwan. Hindi nga malaki, pero higit ito sa anumang kinita nila sa nakaraan. At nakamit nila ang respeto ng komunidad dahil may matagumpay silang negosyo. Tulad ng sabi ng isa sa kanila, "Hindi namin kailanman inakala na makakapagpatakbo kami ng sariling negosyo. Pero tingnan mo kami. Kami na ang mga negosyante!"

Serbisyo sa komunidad para sa mas matatandang babae. Sa sama-samang paggawa, puwedeng hikayatin ng mas matatandang babae ang kanilang komunidad na:

  • magtayo ng murang pabahay para sa mas matatandang babae, o magbuo ng mga grupo na sama-sama sa paninirahan para mabawasan ang gastos sa pamumuhay.
  • isama ang mas matatandang babae sa programa sa nutrisyon.
  • magsanay ng mga health worker tungkol sa ispesyal na pangangailangang pangkalusugan ng mas matatandang babae.
may katandaang babaeng kausap ang tatlong kabataan tungkol sa halaman na tumutubo sa lupa

Maraming karunungan at karanasan ang mas matatandang babae. Sa samasamang paggawa, lalakas ang kanilang kapangyarihan.

Puwedeng turuan ng mas matatandang babae ang iba. Mas matatandang babae ang pangunahing taga-ingat ng mga tradisyunal na panggagamot sa komunidad, at tanging sila ang makakapagpasa ng kaalamang ito sa susunod na henerasyon. Para mapanatili ang mga gawi at kaalamang ito at maipaalala sa iba na may mahahalagang kasanayan ang mas matatandang babae, puwede nila itong ituro sa kanilang mga anak at apo. Puwede rin nilang tulungan ang mga health worker na matuto ng mga tradisyunal na panggagamot. Sa gayon, magagamit ng mga health worker ang pinakamahusay na paraan ng tradisyunal at modernong medisina.

Pagbabago ng mga patakaran at batas ng gobyerno. Maraming gobyerno ang nagbibigay ng buwanang pensyon, pabahay at serbisyong pangkalusugan sa mas matatandang mamamayan. Kung hindi ito ginagawa ng inyong gobyerno, sikaping makipagtulungan sa ibang kababaihan para mabago ang mga batas. Gumugugol ng panahon ang ganitong klaseng pagbabago. Pero kahit hindi malasap mismo ng babae ang mga pagbabago, malalaman niyang nakapagambag siya para sa mas magandang buhay ng kanyang mga anak at apo.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017