Hesperian Health Guides
Kabanata 9: Mga babaeng may kapansanan
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 9: Mga babaeng may kapansanan
Humigit-kumulang 1 sa bawat 10 babae ang may kapansanan na nakakaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay niya. Maaaring hirap siya sa paglakad, pagbuhat, paningin, pandinig o paggamit ng isip. Madalas, nakatago sila at hindi nakakalahok sa mga aktibidad ng komunidad. Tinuturing kasi sila na mas mababa ang halaga kumpara sa mga babaeng walang kapansanan.
Ano ang sanhi ng kapansanan?
Madalas nagtatanim ang mga lokal na kaugalian at paniniwala ng maling kaisipan tungkol sa kapansanan. Halimbawa, puwedeng isipin ng tao na may kapansanan ang babae dahil may nagawa siyang masama sa nakaraang buhay, kaya pinaparusahan siya ngayon. O baka akalain nilang nakakahawa ang kapansanan, kaya natatakot silang lumapit.
Ang mga kapansanan ay hindi bunga ng anumang maling nagawa ng tao. Sa mahihirap na bansa, maraming kapansanan ang dulot ng kahirapan, mga aksidente at giyera. Halimbawa:
- Kung hindi sapat ang pagkain ng nanay habang nagbubuntis, maaaring may kapansanan ang sanggol pagkasilang.
- Kung hindi makakain nang sapat at masustansya ang sanggol o bata, maaari siyang mabulag o humina ang isip.
- Maaaring magbunga ng maraming kapansanan ang masamang sanitasyon at siksikang paninirahan, kasama ang salat na pagkain, kakulangan sa bakuna at sa batayang serbisyong pangkalusugan.
- Sa mga giyera ngayon, mas maraming mga babae’t bata ang namamatay o napipinsala kaysa sa mga sundalo o ibang lalaki.
Pero kahit mapawi ang mga sanhing ito, magkakaroon pa rin ng mga taong may kapansanan—natural na bahagi ito ng buhay.