Hesperian Health Guides
Pagpapahalaga sa sarili
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 9: Mga babaeng may kapansanan > Pagpapahalaga sa sarili
Nabuo ang Asosasyon noong 1989 ng mga babaeng may kapansanan para isulong ang kapakanan ng babaeng katulad namin. May 21 miyembro kami na iba’t iba ang kapansanan (paningin, pandinig, pagsasalita at paggalaw). Nagpupulong kami bawat buwan para pagusapan ang mga problema namin at subukang maghanap ng solusyon.
Nagkakasundo kami na madalas, may diskriminasyon laban sa mga babaeng may kapansanan dahil:
- babae kami.
- may kapansanan kami.
- karamihan sa amin ay mahirap.
Hindi raw kami bagay maging asawa, o ‘maling’ imahen daw ang hatid namin sa pinagtatrabahuhan. Mahirap makakuha ng edukasyon, kahit pa may programa sa pagpapaaral. Halimbawa, sa mga ispesyal na iskuwelahan para sa batang may kapansanan, mga batang lalaki ang madalas pinapaboran.
Madalas, hindi kami makatanggap ng pagsasanay para sa anumang klase ng trabaho. Naaabuso kami—pisikal, emosyonal at sekswal. Di-tulad ng lalaki’t babaeng walang kapansanan, bihira kaming payagan na makapagpasya sa tahanan o sa komunidad.
Pero para sa bawat isa sa amin sa Asosasyon, kakulangan ng pagpapahalaga sa sarili ang pinakamalaking problema. Tinuturuan kami ng lipunan na huwag pahalagahan ang sarili. Sa pangkalahatan, tinuturing kaming walang kakayahang mag-asawa at magka-anak, at di-kayang gumawa ng makabuluhang trabaho. Kaya ang tingin sa amin ay walanghalaga. Kahit sa mga kamag-anak, nagugustuhan lang nila kami kung mapatunayan naming may pakinabang kami para sa kanila.
—Dormaa Ahenkro, Ghana
Dagdag na impormasyon
grupong suportaKung lumaki ang babae na suportado ng kanyang pamilya, eskuwela at komunidad para maabot ang pinakamahusay na kaya niya, magiging napakataas ng pagpapahalaga niya sa sarili, may kapansanan man o wala. Pero kung lumaki ang babae na pakiramdam niya’y mas mababa siya kaysa sa iba dahil sa kapansanan, kailangan ang lubos na pagsisikap para matutong pahalagahan ang sarili. Hindi ito madali, pero puwedeng gawin sa unti-unting paghakbang.
Unang hakbang ang makisalamuha sa ibang tao.
Habang nakikilala ka ng ibang babae, madidiskubre nilang hindi naman malaki ang pagkakaiba ng babaeng may kapansanan at wala. Sa bawat paglabas mo, mas magiging madali na makisalamuha at makipag-usap sa iba.
Ikalawang hakbang ang pagsimula o pagsali sa isang grupo ng kababaihan.
Sa pakikipag-usap sa iba, matutulungan kang simulan na unawain ang iyong mga kalakasan at kahinaan. Makakapagbigay ang grupo ng ligtas na lugar para malayang magsalita ang mga babae—kung magkakasundo kayo na huwag ilabas ang anumang masasabi sa loob ng grupo.
Puwede ka ring sumali o magsimula ng grupo para sa kababaihang may kapansanan. Ibahagi mo rito ang iyong mga iniisip at karanasan sa ispesyal na pasanin ng mga may kapansanan. Puwede ninyong suportahan ang isa’t isa sa panahon ng kasiyahan at kagipitan.
Puwede n’yo ring suportahan ang isa’t isa na matutong magsarili. Sa lahat ng dako ng mundo, nagtatrabaho ang mga babaeng may kapansanan bilang doktor, nurse, may-ari ng tindahan, manunulat, guro, magsasaka at organisador ng komunidad. Sa tulong ng isa’t isa, puwede kang maghanda para sa hinaharap, tulad din ng ibang babae.
Tumutok sa kaya mong gawin, huwag sa hindi mo kaya. |