Hesperian Health Guides

Pangangalaga sa iyong kalusugan

Sa kabanatang ito:

Kung mayroon kang kapansanan, malamang hindi kakaiba sa ibang mga babae ang karamihan ng iyong problema sa kalusugan, at makakahanap ka ng impormasyon tungkol dito sa ibang mga bahagi ng librong ito. Pero ang sumusunod na usapin ay maaaring may ispesyal na lugar para sa mga babaeng may kapansanan, laluna sa babaeng may kawalan ng pandama sa katawan.

Pag-alam kung maysakit ka

Maaaring mahirapang malaman ng ilang babaeng may kapansanan kung may problema sila sa kalusugan. Halimbawa, maaaring hindi maramdaman ng babaeng may impeksyon sa matris ang pananakit mula rito. Pero maaaring mapansin niya ang di-karaniwang lumalabas (discharge) o amoy mula sa puwerta na dulot ng impeksyon.

Bilang babae, kilala at nauunawaan mo ang iyong katawan nang higit sa kaninoman. Kaya kung may nararamdaman kang kakaiba, o may reaksyon ang katawan mo o pananakit saanman, sikaping alamin kaagad kung ano ang sanhi nito. Kung kinakailangan, magpatulong sa isang kapamilya, kaibigan o health worker.

Panganglaga ng balat

Mga pressure sore ang isa sa pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga taong may pinsala sa gulugod o spinal cord.

Kung palagi o madalas kang nakaupo o nakahiga, baka magkaroon ka ng mga pressure sore o lamog mula sa pagkakadiin. Nagsisimula ito sa pagka-ipit sa silya o kama ng balat sa tapat ng mabutong bahagi ng katawan. Dahil sa pagkapisa, nasasarhan ang mga ugat, kaya hindi makadaloy nang sapat ang dugo papunta sa balat.

Kung matagal na hindi naigagalaw, magkakaroon ng maitim o mapulang marka sa balat. Kung patuloy ang pagkakaipit, maaaring maging bukas na sugat o mauk-ok at lumalim ito. Puwede ring magmula ang lamog sa loob, malapit sa buto at unti-unting lumaki paibabaw. Kung hindi malulunasan, maaaring mamatay ang balat.

Panlunas:

Basahin ang impormasyon sa paggamot sa lamog at pangangalaga ng sugat.

Pag-iwas:
  • Sikaping kumilos tuwing 2 oras man lang. Kung palagi kang nakahiga, magpatulong sa iba na magpalit-palit ng posisyon.
  • Gumamit ng malambot na higaan o upuan na nakakabawas sa pagdiin sa mabubutong parte. Makakatulong kung uukitan ang kutson sa mga lugar na tapat sa mabutong bahagi. O kaya’y gumawa ng kutson mula sa plastik bag na puno ng hilaw na beans at bigas. Kailangan lang palitan ng bagong beans at bigas bawat buwan.
  • Tingnan nang maige ang buong katawan araw-araw. Puwedeng gumamit ng salamin para makita ang likod. Kung may maitim o mapulang parte, umiwas sa pagdiin sa lugar na ito hanggang bumalik sa normal ang balat.
babaeng nakahiga nang patagilid at gumagamit ng salamin para makita ang kanyang likod
Tingnan nang maige
ang balat mo araw-araw.
  • Sikaping kumain ng maraming prutas, gulay at pagkaing sagana sa protina.
  • Kapag may regla ka, huwag gumamit ng tela o tampon sa loob ng puwerta para masalo ang dugo. Puwede itong dumiin sa mga buto mula sa loob ng katawan at magdulot ng pagkalamog sa loob ng puwerta.
  • Sikaping maligo araw-araw. Para matuyo ang balat, tapik-tapikin mo ito—huwag punasan o kuskusin. Iwasan ang mga langis o lotion, dahil pinapalambot at pinapahina nito ang balat. At huwag na huwag gumamit ng alkohol sa balat.

Pag-ehersisyo

babaeng may contracture o pag-impis na pumipigil sa kanyang maituwid ang tuhod at bukung-bukong

contracture

May mga babaeng hirap igalaw ang kamay at paa nila nang sapat para manatiling pleksible ang kanilang kasukasuan. Halimbawa yung may rayuma o na-stroke, o nasa higaan dahil sa AIDS o katandaan. Kapag nangyari ito at naiwang nakabaluktot ang kamay o paa nang matagal, umiikli ang ilang kalamnan, at hindi na maituwid ang kamay o paa. O kaya’y tuwid na lang ang kasukasuan at hindi na maibaluktot dahil napipigilan ng umikling kalamnan. ‘Contracture’ ang tawag dito. Minsan ay masakit ito.

Para maiwasan ang contracture at manatiling malakas ang kalamnan, kailangan makahanap ka ng tutulong sa iyo na magehersisyo ng kamay at paa araw-araw. Sikaping maigalaw ang lahat ng bahagi ng katawan. Kung may mga contracture ka na sa nakaraang ilang taon, mahirap nang maituwid nang lubos ang kasukasuan. Pero sa mga exercise na ito, maiiwasang lumala pa ang contracture. Maaari ding mabawasan ang paninigas ng kasukasuan at mapanatiling malakas ang kalamnan.


Halimbawa ng mga ehersisyo para makaiwas sa ilang mga contracture at tumulong na mapanatiling malakas ang mga kalamnan
Para ma-exercise ang harapan ng binti 1. ibaluktot 2. ituwid
babaeng nakahiga, nakabaluktot ang isang paa sa tuhod samantalang tuwid ang kabila
ang parehong babae na tuwid at nakataas ang isang paa habang nananatiling tuwid ang kabila
Para ma-exercise ang likuran ng binti 1. ibaluktot 2. ituwid
babaeng nakadapa na tuwid ang isang paa habang ang kabila ay itinataas mula sa tuhod
ang parehong babae na tuwid ang magkabilang paa
Para ma-exercise ang paa sa baba ng tuhod 1. ituro pataas up 2. tapos irelaks
babaeng nakahiga at nakapatong ang isang paa sa nakarolyong kumot, nakaturo pataas ang mga daliri ng paa
ang parehong babae na nakarelaks ang mga daliri ng paa
Para ma-exercise ang braso at kamay baluktutin buhatin nang diretsong pataas ituwid
babaeng nakahiga sa kama habang tinutulungan ng isa pang babae na maibaluktot ang kanyang kamay sa siko ang parehong babae na nakatuwid ang kamay sa kanyang gilid
ang parehong babae na nakataas ang kamay na tuwid mula sa balikat
MAHALAGA! Kung matagal nang nakabaluktot ang kasukasuan, maging maingat at marahan. Huwag mo itong piliting ituwid.



Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017