Hesperian Health Guides

Pangangalaga ng iyong kalusugan

Sa kabanatang ito:

Tulad din ng pagbabago ng katawan ng babae sa kanyang pagdadalaga, nagbabago rin ito sa pagtatapos ng panahon na kaya niyang magkaanak. Nagdudulot ang menopause at pagtanda ng mga pagbabago sa tibay ng buto, lakas at pleksibilidad ng kalamnan at kasukasuan, at sa kabuuang kaayusan.

Makakatulong nang malaki ang babae para may lakas at maayos na kalusugan pa rin sa huling mga taon niya sa:

Pagkain nang maayos. Habang tumatanda ang babae, kailangan pa rin niya ng masustansyang pagkain para manatiling malakas ang katawan at para labanan ang sakit. Lumalakas din ang pangangailangan niya sa ilang klase ng pagkain. Dahil mas kaunting estrogen ang ginagawa ng katawan, makakatulong ang mga pagkaing mataas ang taglay na estrogen, tulad ng balatong, tokwa, taho, lenteha at iba pang beans. Dahil nababawasan ang pagkasiksik ng buto sa pagtanda, makakatulong ang mga pagkaing sagana sa calcium, isang mineral na nagpapatibay ng buto.

Minsan mas mahina kaysa dati ang gana sa pagkain ng mga mas matatanda. Puwedeng dahil ito sa pagbabago sa panlasa at pangamoy, na bumabawas sa sarap ng pagkain. Puwede ring madaling makaramdam ng busog dahil sa mga pagbabago sa katawan mula sa pagtanda. Pero hindi nangangahulugan na mas kaunting sustansya ang kailangan ng mas matatanda. Kailangan silang himukin para patuloy na kumain nang mahusay, at kumain ng iba’t ibang klaseng pagkain.

walong baso na puno ng likido

Pag-inom ng maraming likido Sa pagtanda ng tao, kumokonti ang tubig na laman ng katawan. Dagdag pa, binabawasan ng iba ang pag-inom para maiwasang umihi sa gabi, o baka natatakot silang maihi nang hindi sinasadya. Lahat ito’y puwedeng magdulot ng pagkatuyot (dehydration). Para maiwasan, uminom ng 8 baso o tasa ng likido bawat araw. Para maiwasan ang pagbangon sa gabi para umihi, huwag uminom ng kahit ano mga 2 hanggang 3 oras bago matulog

apat na babaeng magkasamang naglalakad at nag-uusap

Regular na pag-exercise Ang mga regular na aktibidad tulad ng paglalakad, pakikipaglaro sa mga apo, pamamalengke, pagluluto, at pagtatanim ay makakatulong sa babaeng mapanatiling malakas ang kalamnan at buto at maiwasan ang paninigas ng kasukasuan. Makakatulong ang regular na pag-ehersisyo na panatilihin ang timbang at iwasan ang sakit sa puso.

manggagawang pangkalusugan o health worker na nakikipag-usap sa may katandaang babae na mukhang may sakit

Maagang paglunas sa sakit. Akala ng ibang tao, ang pagtanda ay nangangahulugan ng palaging pagkakasakit. Pero hindi ito totoo. Kung masama ang pakiramdam ng babae, maaaring may sakit siya na puwedeng malunasan, at walang kinalaman sa edad. Kailangan niyang magamot sa pinakamaagang panahon.

Sikaping magpatingin sa health worker kung pakiramdam mo’y may sakit ka na hindi mo nalulunasan.

Pananatiling aktibo. Mananatiling mas malusog at mas masaya ang babae kung aktibo at produktibo siya. Subukang magsimula ng aktibidad, sumali sa isang grupo, o magtrabaho sa isang proyekto ng komunidad. Baka magandang pagkakataon ito para makatulong sa pagpapahusay ng komunidad. Narito ang isang halimbawa:

may katandaang babae na nakangiti at may bandana sa ulo
Si Louise Waithira Nganga ay isang magsasaka ng kape sa bayan ng Kandara, sa bansang Kenya. Noong 1991, bilang kasapi ng isang organisasyon na nagtatanim ng mga puno sa Kenya, nakadaop niya ang isang grupo ng mga babaeng magsasaka na may reklamo tungkol sa isang pabrika ng kape sa gawing itaas ng ilog. Napupunta sa ilog ang mga pataba at kemikal na ginagamit ng pabrika sa paggawa ng kape, at nagkakasakit at namamatay ang mga baka nilang umiinom ng maduming tubig.


Pagkatapos nito, maraming babae ang nagsimulang magpulong para makipag-usap kay Louise. Nakita nila na apektado rin ng ilog ang kalusugan nila at kanilang mga anak. Nagpasya silang itulak ang mga opisyal ng distrito na pigilan ang pagtatapon ng pabrika.

Pero iginigiit din ni Louise na magkatambal ang karapatan at responsibilidad. Kaya tinulungan niya ang mga babae na makitang apektado rin ang mga nakatira sa babangilog ng mga ginagawa nila. Halimbawa, kapag naghugas sila ng makinang pang-abono o naglaba ng damit sa ilog, nakakasama ito sa kalusugan ng mga tao sa babang-ilog. Sabi nga ni Lousie, "Maging responsable muna tayo, para kung ipagpilitan natin ang ating mga karapatan, malinis ang konsensya natin."

Noong 1993, binuo ni Louise at mga kababaihang magsasaka ang organisasyong Rural Women’s Sanitation. Tuwing may panganib ang ilog sa polusyon ng mga pabrika, nagorganisa si Louise ng hanggang 100 babae na ‘bumibisita’ sa mga lokal na opisyal para sabihin ang problema. Bukod sa pag-aalaga sa ilog, nagtatayo rin sila ng mga kasilyas at nagdedemanda sa lokal na gobyerno na bawiin ang mga pampublikong balon na inagaw ng mga pribadong may-ari.

Tumigil na si Louise sa pagtatanim ng mga puno, pero hindi siya nagsisisi. “Mas maraming mabibigat na problema na bahagi na ng lupain ng Kandara.” Sinasabi niya sa kanyang mga kasamahang babae, "Hindi pupunta ang Diyos sa lupa para lutasin ang mga problema ninyo. Hindi malalaman ng gobyerno kung ano ang mga problema ninyo. Kayo lang ang makakatiyak na malulutas ang mga ito."

Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017