Hesperian Health Guides

Mga klase ng gamot

Sa kabanatang ito:

WWHND10 Ch31 Page 480-1.png

Iba’t ibang mga gamot ang ginagamit para lunasan ang iba’t ibang mga problema. Ang iba’y nagpapagaling sa mismong problema, at ang iba nama’y nagpapagaan lang sa palatandaan ng problema. Minsan hindi magamit ang pinakamahusay na gamot para sa problema dahil:

  • wala nito sa lugar ninyo.
  • hindi ito ligtas para sa buntis o nagpapasuso.
  • may allergy sa gamot.
  • hindi na ito tumatalab sa lugar ninyo, dahil may resistensya nang nabuo sa gamot na ito (tingnan ang kahon sa baba).

Kung mangyari ito, puwedeng ipalit ang ibang gamot, basta tiyak na tatalab ang ipapalit. Sa mga nirekomenda naming lunas sa librong ito, madalas may mga pagpipilian kung sa anumang dahilan ay hindi puwede ang pinakamainam na gamot. Kung hindi ka sigurado sa gagamiting medisina, makipag-usap sa isang health worker.

Gamot para sa malakas na pagdurugo mula sa puwerta matapos manganak o magpalaglag

babaeng nakahiga na nakapikit ang mata matapos ang matinding pagdurugo mula sa puwerta

Ang ergometrine, oxytocin at misoprostol ay mga gamot nagdudulot ng paghilab ng matris at pagkipot ng mga daluyan ng dugo nito. Mahalagang gamot ang mga ito para makontrol ang malakas na pagdurugo matapos manganak.

Ang ergometrine ay ginagamit para pigilan o kontrolin ang matinding pagdurugo matapos lumabas ang inunan. Huwag iiniksyon ang ergometrine sa ugat (vein, IV). Sa malaking kalamnan dapat mag-iniksyon. Huwag na huwag ibigay bago maisilang ang sanggol o lumabas ang inunan! Huwag itong ibigay sa babaeng may altapresyon.

Ang oxytocin ay ginagamit para tulungang maampat ang matinding pagdurugo ng nanay matapos isilang ang sanggol. Napakadalang kailanganin ang oxytocin bago isilang ang sanggol. Para sa ganitong gamit, dapat doktor o bihasa na tagapaanak lang ang magbigay sa ugat. Maaaring manganib ang nanay at sanggol kung gagamit ng oxytocin para pabilisin ang pag-labor o palakasin ang nanay na nagle-labor.

Ang misoprostol ay ginawa para maampat ang pagdurugo mula sa ulser sa sikmura, pero ginagamit din ito para maampat ang pagdurugo matapos manganak o magpalaglag. Mura ito at puwedeng inumin o ipasok sa tumbong ang mga pildoras.

Gamot para sa allergic na reaksyon

Maaaring allergic ang isang tao sa gamot, pagkain, o mga bagay na nalalanghap o nadidikit sa balat. Puwedeng banayad ang reaksyon— pangangati, pamamantal o pagbubutlig, o pagbahing. Maaari ding katamtaman o matindi. Puwedeng lumala ang ibang reaksyon at tumungo sa allergic shock. Maaaring manganib ang buhay sa matinding reaksyon at allergic shock—kaya dapat itong lunasan.

Sa librong ito, pinaliwanag namin na puwedeng magdulot ng allergic na reaksyon ang ilang mga gamot. Anumang gamot na magdulot ng allergic na reaksyon ay dapat ihinto at huwag nang ibigay muli—kahit na banayad ang naging reaksyon.

Batay sa lakas ng reaksyon, ginagamot ang allergic na reaksyon ng isa, dalawa o tatlong klaseng medisina:

  1. Antihistamine, tulad ng diphenhydramine, hydroxyzine o promethazine. Walang mabuti para sa buntis o nagpapasusong babae sa mga gamot na ito, pero pinakamaliit ang panganib ng promethazine. Madalas pinakamura at pinakalaganap ang diphenhydramine.
  2. Steroid, tulad ng dexamethasone o hydrocortisone. Mas mabuting piliin ang dexamethasone para sa buntis o nagpapasusong babae.
  3. Epinephrine o adrenaline. Ligtas ang mga gamot na ito para sa buntis o nagpapasusong babae.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017