Hesperian Health Guides
Paano ligtas na gumamit ng gamot
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 31: Paggamit ng mga gamot sa kalusugan ng kababaihan > Paano ligtas na gumamit ng gamot
- Tiyakin na ito’y kinakailangan.
- Kumuha ng maayos na direksyon mula sa taong nagpagamit sa iyo. Dapat malaman mo:
- kung gaano kadami ang gagamitin (dose o dosis).
- gaano kadalas gagamitin bawat araw at sa loob ng ilang araw.
- Gamitin ang kabuuang dami. Kung masyadong maagang ititigil ang paggamot, maaaring bumalik ang problema.
Itago ang lahat ng gamot sa isang malamig at tuyong lugar, kung hindi’y baka mawalan ng bisa bago pa ang petsa ng expiration. Tiyakin na hindi maaabot ng bata. Puwedeng makamatay sa bata ang mga gamot. |
- Alamin ang mga palatandaang babala para sa anumang problema (side effects) na maidudulot ng gamot.
- Alamin kung may masamang reaksyon ang gamot sa partikular na pagkain at kung kailangan mo itong gamitin na may laman o walang laman ang tiyan.
- Iwasan ang pagsabay-sabay ng maraming gamot. Napapahinto ng ibang medisina ang paggana ng iba pa. May ilang gamot na kung makombina sa iba pang gamot ay nagdudulot ng problema, na hindi naman lumilitaw kung paisa-isa ang paggamit.
- Mag-ingat sa pagbili ng mga kumbinasyong gamot (2 o higit pang gamot sa 1 tableta). Kailangan ang ilang kumbinasyong gamot, pero madalas mas mahal, at maaaring nagpapasok ng gamot sa katawan na hindi naman kailangan. Halimbawa, may ilang drops at ointment sa mata na may antibiotics at steroids. Maaaring makasama ang steroids. Puwede ring magdulot ng mas maraming side effects ang kumbinasyong gamot.
- Tiyakin na may etiketa ang pakete. Kung walang etiketa (label), hilingin sa nagbigay na ipakita sa iyo ang botelya o karton na pinagmulan at isulat ang pangalan at dosis para sa iyo.
Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017