Hesperian Health Guides
Paggamit ng mga gamot sa librong ito
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 31: Paggamit ng mga gamot sa kalusugan ng kababaihan > Paggamit ng mga gamot sa librong ito
![]() |
Maingat na basahin ang etiketa bago gumamit ng anumang medisina. |
Sa kabuuan ng librong ito, nabigay namin ang mga pangalan at dosis ng gamot na maipanglulunas sa ilang karaniwang problema sa kalusugan ng kababaihan. Pero para makabili at pagkatapos ligtas na magamit ang gamot, kailangan mo ring malaman:
- kung ano ang tawag sa gamot sa lugar ninyo.
- ano ang mga anyo ng gamot.
- paano ang tamang paggamit.
- kung ligtas para sa iyo na gamitin ang gamot.
- kung may side effects ang gamot.
- ano ang mangyayari kung sobra (o kulang) ang magamit mong gamot.
- ano ang gagawin kung hindi mo mahanap (o kayang bilhin) ang gamot, o kung kailangan magpalit dahil buntis ka o nagpapasuso o may allergy (tingan "Mga klase ng gamot").
Ang impormasyon para sa bawat gamot ay nasa dulo ng kabanatang ito sa “Mga Berdeng Pahina”. Pinapaliwanag sa natitirang bahagi ng kabanata kung paano bumili at ligtas na gumamit ng lahat ng gamot na nabanggit sa librong ito.
Mga nilalaman
Generic at brand name

Karamihan ng mga gamot ay may dalawang pangalan—ang generic o siyentipikong pangalan, at ang brand name (tatak o marka). Parepareho ang generic na pangalan sa lahat ng panig ng mundo. Ang tatak ay binibigay ng kompanyang gumagawa ng gamot. Kapag ilang kompanya ang gumagawa ng parehong gamot, magkakaroon ng ilang tatak pero iisa pa rin ang generic na pangalan. Hangga’t pareho ang generic na pangalan ng mga gamot, magkakaparehong gamot iyon.
Sa librong ito, ginagamit namin ang generic o siyentipikong pangalan ng mga gamot. Para sa kaunting gamot, tulad ng mga ginagamit sa pagpaplano ng pamilya, ginagamit din namin ang pinakalaganap na tatak. Kung hindi mo makita ang unang gamot na nirekomenda namin, subukang bilhin ang isa sa ibang nakalista sa parehong kahon para sa paglunas.

brand
name
na
pangalan
Halimbawa: Sinabihan ka ng health worker na uminom ng Medgyl. Pero pagpunta mo sa botika, wala sila nito. Tanungin ang parmasyutiko o health worker kung ano ang generic na pangalan ng Medgyl (metronidazole) at tanungin kung may iba pang tatak na may parehong generic na pangalan. Nakaimprenta ang generic na pangalan sa etiketa, karton o pakete. Kung maghahanap ka ng gamot batay sa generic na pangalan, madalas mas mura mo itong mabibili.
Iba't iba ang anyo ng gamot

May iba’t ibang anyo ang mga gamot:
- Ang mga tableta, kapsula at likido ay madalas iniinom. Sa ilang mga kaso (madalang), maaaring kailangan itong ipasok sa loob ng puwerta o tumbong.
- May mga gamot na ginawa para ipasok sa loob ng puwerta o tumbong (suppository, pessary).
- Ang mga gamot na de-iniksyon ay binibigay sa pamamagitan ng karayom direkta sa kalamnan ng tao, sa ilalim ng balat o sa dugo.
- Ang mga cream, ointment o pamahid na may lamang gamot ay direktang nilalagay sa balat o puwerta. Maaaring mahusay ito sa bahagyang impeksyon sa balat, pagsusugat, butlig at pangangati.
Nakabatay ang anyo at dami ng gamot na gagamitin sa kung ano’ng mayroon sa lugar ninyo at kung ano’ng sakit ang nilulunasan.
Kailan gagamit ng gamot

Mahalagang maggamot sa tamang oras. Ang ibang mga gamot ay kailangang gamitin nang minsan lang bawat araw, pero ang iba’y kailangang gamitin nang mas madalas. Hindi mo kailangan ng relos. Kung sinasabi sa direksyon na ‘1 pildoras bawat 8 oras’, o ‘3 pildoras bawat araw’, uminom ng isa sa pagsikat ng araw, isa sa hapon, at isa sa gabi. Kung sinasabing ‘1 pildoras bawat 6 na oras’, o ‘4 na pildoras bawat araw’, gumamit ng isa sa umaga, isa sa tanghali, isa sa dapit-hapon, at isa sa gabi. Kung sinasabi sa direksyon na ‘1 sa bawat 4 na oras’, gumamit ng 6 na pildoras bawat araw, na may magkakaparehong haba sa pagitan ng bawat pildoras.
MAHALAGA!
- Kung kaya, uminom ng gamot na nakatayo o naka-upo. Sikapin ding sabayan palagi ng 1 baso ng likido.
- Kung masuka ka at makita mo ang gamot sa suka, kailangan mong uminom uli ang gamot.
- Kung masuka sa loob ng 3 oras matapos mag-pildoras na kontraseptibo, uminom ng 1 pa para matiyak na hindi mabubuntis.

Sa blankong ispasyo sa baba, idrawing ang dami ng gamot na gagamitin at maingat na ipaliwanag kung ano’ng ibig sabihin. Halimbawa:
Ibig sabihin nito, uminom ng 1 tableta 4 na beses sa isang araw:1 pagsikat ng araw, 1 sa tanghali, isa sa dapit-hapon, at isa sa gabi. |
![]() |
Ibig sabihin nito, uminom ng ½ tableta 4 na beses sa isang araw. |
![]() |
Ibig sabihin nito, uminom ng 1 kapsula 3 beses sa isang araw. |
![]() |
Sino ang hindi dapat gumamit ng partikular na gamot

May mga gamot na mapanganib para sa partikular na mga tao, o sa partikular na panahon ng buhay. Dapat mag-ingat laluna kung:
- buntis o nagpapasuso. Marami sa mga gamot na ginagamit kung buntis o nagpapasuso ang maipapasa sa sanggol. Bago gumamit ng anumang medisina, alamin kung makakasama ito sa sanggol. May marka ng babala ang mga gamot sa librong ito na makakasama kung buntis o nagpapasuso.
![]() |
![]() |
![]() |
![]() |
= MAG-INGAT basahin nang maingat kung buntis |
= MAG-INGAT basahin nang maingat kung nagpapasuso |
= HUWAG gamitin kung buntis |
= HUWAG gamitin kung nagpapasuso |
Pero kung may sakit ka, mahalagang malunasan ka. Gumamit ng gamot para malunasan ang seryosong mga sakit at anemia. Posibleng makahanap ng mga gamot na hindi makakasama sa iyong sanggol.
- may matagal nang sakit sa atay o sakit sa bato. Inilalabas ng atay at bato ang gamot mula sa katawan. Kung hindi maayos ang paggana ng mga ito, maaaring maipon sa katawan ang gamot at makalason.
- may ulser sa sikmura, o sikmura na madaling masira (heartburn). Puwedeng magdulot ng pagdurugo sa sikmura at masakit o mahapding pakiramdam ang mga gamot na katulad ng aspirin at ibuprofen. Kung kailangan mo ng gamot na makakasama sa sikmura, isabay ito sa pagkain.
- allergic sa gamot. Kung nagkaroon ka na ng anuman sa mga palatandaang ito matapos maggamot, malamang ay allergic ka sa naturang gamot:
Nangangahulugan ang pagiging allergic na nilalabanan ng katawan mo ang gamot sa halip na gamitin ito para labanan ang sakit. Mas madalas ang allergic na reaksyon sa mga antibiotics mula sa ‘pamilya’ ng penicillin at sulfa. Iwasang gumamit ng ibang gamot na ‘kapamilya’ ng gamot na allergic ka—maaaring allergic ka rin sa kanila.
Dagdag na impormasyon
paglunas sa mga allergic na reaksyon at allergic shock
MAHALAGA! Kung nagkaroon ng matinding pamamantal o pagbubutlig sa balat, paglobo ng bibig o kahirapang huminga o lumunok matapos gumamit ng medisina, agad na humingi ng tulong medikal. |
IHATID! |
Mga side effects

Nilalabanan ng mga gamot ang sakit pero maaari ring magdulot ng ibang epekto sa katawan. Ang ilan ay hindi nakakasama, pero nakakagambala. Ang iba nama’y nakakasama. Halimbawa, papangit ang panlasa mo sa bibig dahil sa metronidazole, na nakakagambala pero hindi nakakasama. May ilang napakalalakas na antibiotics, tulad ng gentamicin at kanamycin, na puwedeng puminsala nang permanente sa mga bato at pandinig kung sobrang dami ang magamit.
Bago maggamot, alamin muna kung ano ang mga posibleng side effects. Kung gagamit ng gamot na nasa librong ito, tingnan ang mga “Berdeng Pahina” para malaman ang posibleng mga side effects.
Mga babala

May partikular na babala ang ilang mga gamot na kailangan mong malaman. Pero dapat kumonsulta muna sa isang health worker bago gumamit ng medisina kung:
- gumagamit ng iba pang gamot. Ang mga gamot na ligtas kung mag-isa gagamitin ay maaaring makasama kung masasabay sa iba pang gamot, o puwedeng humina ang bisa.
- para sa bata ang gamot. Mas maliit ang katawan ng mga bata at maaaring mas kaunting gamot ang kailangan. Tanungin sa parmasyutiko o health worker ang tamang dosis para sa bata.
- para sa matanda ang gamot. Minsan kailangan ng nakatatandang tao ng mas kaunting dosis dahil mas tumatagal ang gamot sa katawan nila.
- napakaliit, mapayat o malnourished. Maaaring kailangan ng mas maliit na dosis ng ilang gamot, tulad ng gamot para sa tuberkulosis, altapresyon, kombulsyon at iba pang mga problema.
Impormasyong dapat mong malaman

Pagkain at gamot
Para sa karamihan ng mga gamot, puwedeng ituloy-tuloy ang dating kinakain. Mas mahusay gumana ang ilang mga gamot kung walang laman ang tiyan—1 oras bago o 2 oras pagkatapos kumain.
Sa mga gamot na nakakasira ng sikmura, dapat isabay ang mga ito sa pagkain o pagkatapos lang kumain.
Kung naduduwal ka o sumusuka na, isabay ang gamot sa pagkaing tuyo na nagpapakalma sa sikmura—tulad ng bigas, tinapay o biskwit.
Paggamit ng sobrang daming gamot

Iniisip ng ilang tao na mapapabilis ng mas maraming gamot ang paghilom ng katawan. Hindi ito totoo at maaaring maging mapanganib! Kung gagamit ka ng sobrang daming gamot sa isang inuman o nang sobrang dalas, o kung gagamit ka ng ilang mga gamot nang sobrang tagal, maaaring makasama sa iyo ang gamot.

Ilan sa karaniwang palatandaan ng sobrang paggamot ang:
- pagkaduwal
- pagsusuka
- pananakit sa sikmura
- masakit ang ulo
- pagkahilo
- umuugong o kumukuliling sa tainga
- mabilis na paghinga
Pero maaari ring side effects ito ng ilang mga gamot. Kung may isa o higit pa sa mga palatandaang ito na hindi naman karaniwang side effects ng gamot, kumonsulta sa isang health worker na bihasa sa pagbibigay ng mga gamot.
Pagkalason. Makakalason ang paggamit ng sobrang dami ng gamot (halimbawa, kalahating botelya o higit pa), laluna sa mga bata. Kung mangyayari, kailangan gawin ang sumusunod:
- sikapin siyang pasukahin. Maaaring mailabas niya ang sobrang gamot bago ito makapinsala.
IHATID!
- bigyan siya ng activated charcoal o uling. Kaya nitong sumipsip ng ilang klase ng gamot at pigilan na makalason.
- Kumuha agad ng tulong medikal.