Hesperian Health Guides

Kabanata 24: Kanser at mga tumutubo

HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 24: Kanser at mga tumutubo

Sa kabanatang ito:

tinatalakay ng mga babae ang isang listahan ng mga paraan para makaiwas sa kanser: masustansyang pagkain, proteksyon mula sa mga impeksyong naihahawa sa pagtatalik, at hindi paninigarilyo o pagnguya ng tabako

Isang seryosong karamdaman ang kanser na puwedeng makaapekto sa maraming iba’t ibang parte ng katawan. Kung maagang malulunasan, madalas kaya itong mapagaling; pero kung matagal na, puwedeng makamatay. Marami ang taong napapatay ng kanser, laluna yung kakaunti ang nakukuhang pangangalagang pangkalusugan.

Madalas hindi nagpapatingin ang kababaihan sa health worker o doktor maliban kung malala na ang sakit. Kaya ang babaeng may kanser ay mas malamang na lumala ang sakit o mamatay dahil hindi ito natutuklasan nang maaga. Dagdag pa, tinuturing minsan na ‘sinumpa’ ang mga babaeng may kanser, at maaaring ipagtabuyan ng pamilya nila o komunidad. Bukod sa masama para sa babaeng maysakit, masama rin para sa komunidad ang pagtataboy na ito dahil naitatago sa tao kung paano nagdudulot ng sakit ang kanser.

mikroskopyo

Ano ang kanser?

Binubuo ang lahat ng bagay na buhay, tulad ng katawan ng tao, ng mga selyula na hindi makikita kung walang microscope dahil sa sobrang liit. Minsan nagbabago at lumalaki ang mga selyulang ito sa abnormal na paraan, at nagkakaroon ng mga tumor. May mga tumor na kusang nawawala kahit hindi gamutin. Pero lumalaki o kumakalat ang ibang tumor at nagdudulot ng mga problemang pangkalusugan. Hindi nagiging kanser ang karamihan ng mga tumutubo o tumor. Pero ang ilan ay nagiging kanser nga.

‘Tumor’ ang isa pang pangalan o tawag sa mga tumutubo o bumubukol. May mga tumor na kanser, at meron namang hindi.

Namumuo ang kanser kapag may ilang selyula na magsimulang lumaki na walang kontrol at mangibabaw sa mga bahagi ng katawan. Kung maagang matutuklasan ang kanser, madalas ay kaya itong tanggalin ng operasyon, o lunasan ng gamot o radiation, at maganda ang tsansa na mapagaling ito. Pero kung kumalat na ang kanser, mas mahirap nang pagalingin, at sa paglaon ay imposible na.


Huling binago ang pahinang ito: 05 Ene 2024