Hesperian Health Guides
Mga nakaka pinsalang paniniwala tungkol sa pagkain
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 11: Pagkain para sa mas mabuting kalusugan > Mga nakaka pinsalang paniniwala tungkol sa pagkain
Hindi totoong mas kaunti ang kailangang pagkain ng batang babae kaysa sa batang lalaki. May mga taong naniniwalang mas marami ang kailangang pagkain ng batang lalaki. Pero mali ito! Sa karamihan ng komunidad, kasimbigat—kundi man mas mabigat—ang trabaho ng mga babae kumpara sa lalaki, at kailangan nila na maging kasinglusog. Lumalaking malusog ang mga babaeng masustansya at maayos ang pagkain mula pagkabata, at mas kaunti ang problema nila sa iskuwelahan at trabaho.
Hindi totoong dapat umiwas sa pagkain ang mga babae habang nagbubuntis at nagpapasuso. Sa ilang komunidad, naniniwala ang mga tao na dapat iwasan ng babae ang ilang mga pagkain—tulad ng beans, itlog, manok, produktong gatas, karne, isda, prutas o gulay—sa iba’t ibang panahon ng kanyang buhay. Maaaring kasama rito ang panahon ng pagregla, pagbubuntis, pagkapanganak, habang nagpapasuso, o kapag nag-menopause. Pero kailangan ng babae ang lahat ng pagkaing nabanggit, laluna habang nagbubuntis at nagpapasuso. Kung iiwasan ang mga pagkaing ito, maaaring magdulot ng panghihina, pagkakasakit, at maging kamatayan.
Hindi totoong dapat unahing pakainin ng babae ang kanyang pamilya. Minsan ay tinuturuan ang babae na pakainin muna ang kanyang pamilya bago ang sarili. Tira-tira lang ang napupunta sa kanya, at madalas hindi ito kasindami sa nakakaing parte ng ibang kapamilya. Hindi ito kailanman mabuti o malusog. Kung buntis ang babae o kapapanganak, maaaring pa itong maging napakadelikado.
Kung hindi tutulong o papayag ang mga kapamilya na makakain nang mabuti ang babae, hinihimok namin siyang gawin ang anumang dapat gawin para makakain nang sapat. Baka kailangan niyang kumain habang nagluluto, o magtago ng pagkain at kainin ito kung wala sa bahay ang kanyang asawa.
Hindi totoong mas kaunti ang kailangang pagkain ng taong maysakit kaysa sa taong malusog. Hindi lang pampigil ng sakit ang mabuting pagkain, tumutulong din ito sa taong maysakit na labanan ang kanyang karamdaman at muling gumaling. Sa pangkalahatan, ang mga pagkaing mabuti para sa taong malusog ay mabuti rin para sa maysakit.