Hesperian Health Guides

Paano magpasuso

Sa kabanatang ito:

Para sa bagong silang na sanggol

Gustong sumupsop ng mga sanggol kung sila’y gutom, uhaw, may nilalabanang sakit, mabilis ang paglaki, o kailangang alualuhin. Kung hindi mo maintindihan ang gusto niya, subukang magpasuso.

Pagkapanganak, dapat magpasuso ang nanay sa unang oras. Makakatulong ito sa matris niya na huminto sa pagdugo at bumalik sa normal. Makakatulong ang pagdaop ng balat ng nanay at sanggol, at ang pagsupsop ng sanggol, na magsimulang dumaloy ang gatas.

Kailangan ng sanggol ang madilaw na gatas (colostrum) na lalabas sa ina sa unang 2 o 3 araw pagkapanganak. Taglay ng colostrum ang lahat ng nutrisyong kailangan ng bagong sanggol, at nagpoprotekta ito mula sa mga sakit. Nililinis din nito ang bituka ng sanggol. Hindi na kailangang magbigay ng mga halamang gamot o tsaa para gawin ito.

Para sa anumang edad na sanggol

babaeng nakahiga nang malapit sa sanggol sa kama
Mas madaling magpasuso ang mga nanay na malapit matulog sa kanilang sanggol. Kung katabi niya ito sa pagtulog, puwede siyang magpasuso at matulog nang sabay.

Magpadede sa magkabilang suso, pero patapusin muna sa isa bago ibigay ang kabila. Mas mayaman sa taba ang mas maputing gatas na lalabas tapos ng ilang minutong pagsuso kaysa sa unang labas na gatas. Kailangan ng sanggol ang taba na ito, kaya mahalagang ipatapos sa kanya ang isang suso bago ibigay ang kabila. Kusa siyang bibitaw kung handa nang tumigil o magpalit. Kung isang suso lang ang kaya niya sa bawat pagdede, simulan ang susunod sa kabilang suso.

Pasusuhin ang sanggol tuwing nagugutom siya, araw man o gabi. Maraming bagong sanggol ang sumususo nang minsan bawat 1–3 oras, laluna sa unang mga buwan. Hayaan siyang sumuso gaano man katagal o kadalas ang gusto. Mas marami siyang sinususo, mas maraming gatas ang gagawin ng katawan mo.

Hindi mo kailangang magbigay ng kanin, ibang gatas, o tubig na may asukal—kahit sa lugar na mainit ang klima. Puwedeng makabawas ito sa pagsuso ng sanggol, at makasama kung mas bata siya sa 4–6 na buwan.

Paano hawakan ang sanggol

Huwag kurutin ang utong kapag binibigay ang suso sa sanggol.

Sa pagpapasuso, importanteng hawakan ang sanggol para madali siyang makasupsop at makalunok. Dapat ding maginhawa ang posisyon ng nanay para maayos ang daloy ng kanyang gatas.

Suportahan ang ulo ng sanggol ng iyong kamay o braso. Dapat nakalinya nang tuwid ang kanyang ulo at katawan. Hintaying bumuka nang malaki ang kanyang bibig. Ilapit siya sa suso at kilitiin ng utong ang kanyang ibabang labi. Tapos ay ilagay ang sanggol sa iyong suso. Dapat malaking bahagi ng suso ang nakalapat sa kanyang bibig, at nakasubo nang husto ang utong.

WWHND10 Ch7 Page 108-1.png WWHND10 Ch7 Page 108-2.png
Sapat ang nakalapat na suso sa bibig ng sanggol. Hindi sapat ang nakalapat na suso.


Kung nahihirapan ka sa pagpapasuso, magpatulong sa isang babaeng may karanasan. Madalas mas makakatulong siya kaysa sa ilang health worker. Huwag gumamit ng botelya. Tuturuan nito ang sanggol ng ibang klase ng pagsupsop. Ituluy-tuloy ang pagsisikap. Minsan kailangan sumubok para makahanap ka ng magandang posisyon para sa inyong dalawa, at para matutong dumede nang maayos ang sanggol.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017