Hesperian Health Guides

Manumanong pagpapalabas ng gatas

Sa kabanatang ito:

May isa pang paraan na mabigyan ang sanggol ng gatas mula sa suso sa araw. Kung may panahon ang nanay sa trabaho na magpalabas ng gatas, maibibigay ito ng iba sa kanyang sanggol.

Kung makapaglabas ang nanay ng gatas na sobra sa kailangan ng sanggol niya, puwede niya itong ibigay sa ibang sanggol na may sakit ang nanay, o hindi pa lumalabas ang gatas.

babaeng nagpapatulo sa garapon ng gatas mula sa kanyang suso babaeng nag-aabot ng garapon ng gatas sa batang lalaki sa may pintuan ng kanyang pinagtatrabahuhan
Puwede mong palabasin ang iyong gatas sa pamamagitan ng kamay 2 o 3 beses bawat araw... ......tapos ay ipadala o ipatabi ang gatas para maibigay ng iba sa sanggol.

Baka kailangan mo ring manu-manong maglabas ng gatas kung punung-puno ang suso mo, o kung hindi makasuso ang sanggol sa anumang dahilan, at kung gusto mong sumagana ang daloy ng gatas.

Paano palabasin ang gatas sa pamamagitan ng kamay

    kamay na hawak ang suso ng babae at nagdidiin nito papunta sa dibdib
  1. Hugasan at banlawan ng sabon at malinis na tubig ang isang garapon na may maluwang na bukasan at takip, at ibilad ito sa araw para matuyo. Kapag gagamitin na, buhusan muna ang loob nito ng kumukulong tubig, na 20 minuto nang pinakukulo. Hayaan sa loob ng ilang minuto. Itapon pagkatapos ang tubig.
  2. Maghugas ng kamay bago hawakan ang iyong suso o garapon.
  3. Maghanap ng tahimik na lugar kung kaya. Isipin mo ang iyong sanggol habang nagpapalabas ng gatas. Magpasensya at magrelaks. Imasahe nang banayad ang iyong suso, gamit ang dulo ng daliri o kamao, at papunta sa utong.
  4. hawak ng dalawang daliri at hinlalaki ang utong habang dumadaloy ang gatas papunta sa garapon Diinan nang
    papalikod,
    huwag ipitin.
  5. Para palabasin ang gatas, ilagay ang mga daliri at hinlalaki sa likod na gilid ng areola (ang maitim na bahagi), at diinan paloob papunta sa dibdib. (Huwag pigain ang utong. Galing sa may likuran ng areola ang gatas.) Tapos ay irelaks ang iyong daliri. Patuloy na idiin at irelaks ang iyong daliri, na gumagalaw nang palibot sa buong areola. Dapat ay hindi ka nasasaktan.
  6. Ilang beses ulitin sa magkabilang suso. Sa simula, walang gaanong gatas na lalabas. Habang nasasanay ka, mas marami ang mailalabas mo. Magplano na maglabas ng kalahating tasang gatas na kasindalas ng pagdede ng sanggol, o di-bababa sa 3 beses bawat araw. (Puwedeng sabihan ka ng taong nagbibigay ng gatas sa sanggol kung sapat ang nailabas mo.) Kung magsanay ka mga 2 linggo bago bumalik sa trabaho, kaya mo nang maglabas nang sapat na gatas kapag maghihiwalay na kayo ng sanggol.

Paano itago ang gatas

Puwedeng magbago ng kulay ang gatas ng ina. Galing sa kinakain mo ang kulay ng gatas. Anuman ang kulay, mahusay ito para sa iyong sanggol.

WWHND10 Ch7 Page 113-1.png
Puwedeng itago ang sisidlan nang masmatagal sa isang malamig-lamig na lugar tulad ng palayok na may tubig.

Ilagay ang iyong gatas sa malinis at saradong sisidlan (tingnan ang hakbang 1 at 2 sa itaas). Puwede mong ilagay sa parehong garapon na ginamit mo sa pagpapalabas. Itabi sa isang malamig-lamig na lugar na malayo sa sikat ng araw. Puwedeng gamitin ang gatas hanggang sa 8 oras. Puwede ring ibaon ang may takip na sisidlan sa basang buhangin, o ibalot sa tela na palaging basa, at mapapatagal ito ng mga 12 oras.

Kung nasa botelyang garapon sa loob ng refrigerator, puwedeng itago ang gatas sa loob ng 2 o 3 araw. Hihiwalay ang krema (taba) ng gatas, kaya bago ibigay sa sanggol, alugin ang lalagyan para maghalo ito. Initin sa maligamgam na tubig hanggang umabot sa temperatura ng kuwarto. Para matiyak na hindi sobrang init, magpatulo ng ilang patak ng gatas sa iyong braso

Paggamit ng mainit-init na botelya

Baka ito ang pinakaepektibong paraan kung masyadong puno o masakit ang suso. Puwede itong mangyari pagkapanganak, o kung magbitak ang utong ng babae, o magkaimpeksyon siya sa suso (tingnan ang Namamaga o nagbibitak na utong or Impeksyon sa suso.)

    boyelyang may makitid na bibig
    3-4 cm ang luwang
  1. Maglinis ng malaking botelya na may bungangang 3-4 na sentimetro ang luwang. Punuin ng mainit na tubig para uminit. Unti-untiin ang paglagay ng tubig para hindi mabasag. Maghintay ng ilang minuto at itapon ang tubig.
  2. babaeng hawak ng isang kamay ang suso habang inilalapat ang bibig ng botelya sa utong ng kabilang kamay
  3. Para hindi ka mapaso, palamigin ang bunganga at leeg ng botelya gamit ang malinis at malamig na tubig.
  4. Ilapat ang bunganga ng botelya sa paligid ng iyong utong hanggang sa kumapit ito. Hawakan mo nang maige sa loob ng ilang minuto. Habang lumalamig, marahan nitong hihigupin palabas ang iyong gatas.
  5. Kapag mabagal na ang paglabas ng gatas, gamitin ang iyong daliri para luwagan ang kapit ng botelya.
  6. Ulitin sa kabilang suso.


Minsan ay hindi naman itatabi ng nanay ang gatas para ibigay sa sanggol—halimbawa kung gusto niya lang palambutin ang suso para mas madali ang pagsupsop. Sa kasong ito, dahil itatapon lang naman ang gatas, hindi na kailangan linisan ng kumukulong tubig ang lalagyan.

MAHALAGA! Mapapanis ang gatas na hindi mapanataling malamig, kaya dapat itapon na lang. Kung maasim o kakaiba ang amoy ng gatas, itapon na. Maaaring magdulot ng malubhang sakit sa sanggol ang panis na gatas ng ina.



Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017