Hesperian Health Guides

Bakit puwedeng makapinsala ang ibang pagpapakain

Sa kabanatang ito:

napakapayat na sanggol na uminom mula sa botelya at nagtatae ngayon
Lampas sa isang milyong sanggol ang namamatay tauntaon dahil nahikayat na huwag magpasuso ang kanilang ina.

Para kumita ng pera, gusto ng mga kompanyang gumagawa ng artipisyal na gatas (infant formula) na ito ang ipakain ng mga nanay sa kanilang sanggol, sa halip na gatas mula sa suso. Kadalasan, lubhang di-ligtas ang paggamit ng botelya o pagbibigay ng artipisyal na gatas. Dahil dito, milyun-milyong mga sanggol ang naging malnourished o nagkasakit, o namatay.

  • Hindi nakakaprotekta laban sa sakit ang gatas na formula, nakalata o mula sa hayop.
  • Maaari itong magdulot ng sakit at kamatayan. Kung hindi sapat ang haba ng pagpapakulo sa botelya, tsupon o tubig na ginamit para timplahin ang gatas, makakakuha ng masamang mikrobyo ang sanggol at magtatae.
  • Sa pagsuso, ginagamit ng sanggol ang kanyang dila para ‘gatasan’ ang suso. Suckling ang tawag dito. Ibang-iba ito sa ginagawa ng bibig ng sanggol kapag sumusupsop sa botelya. Sa paggamit ng tsupon sa botelya o pacifier, maaaring malimutan ng sanggol kung paano ‘gatasan’ ang suso dahil ibang klaseng pagsupsop ang tinuturo ng botelya. At kung hindi na sapat ang pagsuso ng sanggol, mababawasan ang daloy ng gatas ng ina, at ganap nang hihinto sa pagsuso ang sanggol.
  • Napakamahal ng paggamit ng gatas na tinitimpla. Para sa isang sanggol, kailangan ng isang pamilya ng 40 kilo ng ganitong gatas sa unang taon. Maaaring higit pa sa kinikita ng pamilya sa isang linggo—o maging sa isang buwan—ang halaga ng isang araw na gatas at sapat na panggatong para magpakulo ng tubig.
Sinusubukan ng ilang magulang na patagalin ang pagkaubos ng nabiling gatas sa pagtimpla na mas kaunti ang gatas o mas marami ang tubig. Dahil dito, nagiging malnourished ang sanggol, mas mabagal ang paglaki, at mas madalas magkasakit.

babaeng may kalong na sanggol habang naglalakad lampas sa malalaking lata ng gatas

Mabibili ko kaya itong lahat sa loob ng isang taon?
WWHND10 Ch7 Page 106-3.png


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017