Hesperian Health Guides

Paano mag-eksamin ng ari ng babae (pelvic exam)

Sa kabanatang ito:

Makakapagligtas ng buhay ang kakayahang mag-eksamin ng ari ng babae. Kailangan ito sa pagbibigay ng ilang paraan ng pagpaplano ng pamilya at para alamin ang maraming seryosong problema sa kalusugan ng kababaihan, tulad ng ectopic pregnancy, kanser sa cervix at sa matris, maraming mga INP, at kumplikasyon mula sa pagpapalaglag. Hindi ito mahirap matutunan, at sa pagsasanay at paggawa, makakaya ng karamihan ng kababaihan o health worker na:

  • mag-eksamin ng panlabas na ari.
  • kapain ang bahaging reproduktibo sa loob ng tiyan.

Pero mag-pelvic exam lang kung talagang kailangan. Tuwing magpapasok ng bagay sa puwerta ng babae, tinataas mo ang panganib niya na maimpeksyon.

MAHALAGA! Huwag mag-pelvic exam:

  • kung ang babae ay buntis, nagdurugo o nabasag ang panubigan.
  • matapos ang normal na panganganak o pagpapalaglag na walang kumplikasyon.
WWHND ChSk Page 535-1.png
Palaging mag-eksamin ng babae sa lugar na walang ibang makakakita.
WWHND ChSk Page 535-2.png

Bago magsimula:

  1. Paihiin muna ang babae.
  2. Hugasang mabuti ang kamay ng malinis na tubig at sabon.
  3. Hilingin sa kanyang luwagan ang damit. Gumamit ng kumot o kanyang damit para takpan siya.
  4. Pahigain siyang lapat ang likod, malapit ang sakong sa puwitan, at nakataas ang tuhod. Ipaliwanag ang gagawin mo.
  5. Magsuot ng malinis na guwantes sa kamay na ipapasok mo sa puwerta.
mga panlabas na ari ng babae
tinggil (clitoris)
bukana ng puwerta
puwit

Tingnan ang panlabas na ari:

Gamit ang may guwantes na kamay para maingat na kapain ang babae, maghanap ng mga bukol, lumolobo o namamaga, hindi karaniwang discharge, pagsusugat, punit, at peklat sa palibot ng ari at sa pagitan ng mga tiklop ng balat sa vulva. Ang ilang mga sakit ay may palatandaan na lumilitaw sa labas ng ari (tingnan ang kabanata sa mga INP).

Paano kapain ang mga bahaging reproduktibo sa loob ng tiyan

dalawang daliri na may guwantes na nasa loob ng puwerta at nakalapat sa cervix
Maingat na galawgalawin sa magkabilang gilid ang cervix.
  1. Ipasok ang hintuturo ng kamay na may guwantes sa loob ng puwerta. Habang pinapasok, maingat na idiin pababa ang mga kalamnan sa palibot ng puwerta. Kapag nagrelaks na ang katawan ng babae, ipasok din ang panggitnang daliri. Ipihit ang kamay para nasa taas ang palad.

  2. Kapain ang bukana ng matris (cervix) para malaman kung matatag ito at pabilog. Tapos maglagay ng daliri sa magkabilang gilid ng cervix at maingat na igalaw ang cervix. Dapat madali itong maigalaw, na hindi masakit. Kung masakit, maaaring may impeksyon sa matris, tubo o obaryo. Kung malambot ang cervix, maaaring buntis siya.

  3. WWHND ChSk Page 537-2.png
  4. Kapain ang matris sa pamamagitan ng maingat na pagtulak sa kanyang puson gamit ang kamay mong nasa labas. Igagalaw nito ang mga bahaging nasa loob (matris, tubo at obaryo) nang papalapit sa kamay mong nasa loob. Maaaring nakakiling paharap o palikod ang matris. Kung hindi mo makapa sa harap ng cervix, maingat na ialsa ang cervix at kapain sa palibot nito ang katawan ng matris. Kung makapa mo sa ilalim ng cervix, nakakiling ito palikod.

  5. Kapag nahanap mo na ang matris, kapain ang laki at hugis nito. Ipuwesto ang mga daliring nasa loob sa gilid ng cervix, tapos “palakarin” sa palibot ng matris ang mga daliri mong nasa labas. Dapat matatag, makinis, at mas maliit ito sa dalandan.

  6. Kung ang matris ay:

    • malambot at malaki sa kapa, malamang buntis siya.
    • bukol-bukol at matigas sa kapa, maaaring may fibroid o iba pang tumutubo.
    • masakit kapag hinipo, malamang may impeksyon sa loob.
    • hindi naigagalaw nang madali, maaaring may mga peklat mula sa lumang impeksyon (PID— pelvic inflammatory disease).


    WWHND ChSk Page 538-1.png
    '
  7. Kapain ang mga tubo at obaryo. Kung normal, mahirap makapa ang mga ito. Pero kung may makapa kang anumang bukol na mas malaki pa sa malaking mani (ganitong laki), o na nagdudulot ng matinding pananakit, maaaring may impeksyon siya o ibang emerhensya. Kung may masakit na bukol, at huli ang dating ng regla, maaaring may ectopic pregnancy siya. Kailangan niya agad ng tulong medikal.
  8. WWHND ChSk Page 538-2.png


  9. Galawin ang iyong daliri at kapain ang dingding sa loob ng puwerta. Kung may problema siya sa pagtagas ng ihi o dumi, hanapin kung may punit. Tiyaking walang kakaibang bukol o pagsusugat.

  10. Paubuhin ang babae o pairihin na parang dumudumi. Tingnan kung may bubukol palabas ng puwerta. Kung mayroon, maaaring may buwa (prolapsed uterus) siya o nalaglag na pantog.

  11. Kung tapos ka na, maglinis at magdisimpeksyon ng guwantes. Hugasang mabuti ang iyong kamay ng sabon at tubig.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017