Hesperian Health Guides
Pangangalaga sa pagkapaso o sunog
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Mga kasanayan sa pangangalaga ng kalusugan > Pangangalaga sa pagkapaso o sunog
Karaniwang pinsala sa kababaihan at mga bata ang pagkapaso. Lahat ng paso ay dapat munang palamigin ng 15 minuto sa yelo, malamig na tubig, o tela na binabad sa malamig na tubig. Matapos lumamig, depende ang panlunas sa tindi ng pagkapaso. Napakahalagang panatilihing malinis ang paso sa abot ng makakaya. Proteksyunan ito mula sa maduming bagay, alikabok, langaw at iba pang insekto. Para sa mas mabuting paghilom, huwag na huwag lagyan ang paso ng grasa, taba, balat ng hayop, kape, halamang gamot o tae. Napakahalaga sa taong napaso na kumain ng protina, ang sustansyang nagbubuo ng katawan. Walang klase ng pagkain na kailangang iwasan.
May tatlong batayang klase ng pagkapaso o sunog:
- Bahagyang pagkapaso (1st degree)
Hindi nagpapaltos ang balat mula sa pagkapaso na ito, pero nagiging mas madilim o mapula ang kulay. Matapos palamigin, wala nang kailangan na ibang panlunas. Gumamit ng aspirin o paracetamol para sa pananakit. - Pagkapaso na nagpapaltos (2nd degree)
Matapos palamigin, huwag paputukin ang paltos. Huwag butasan ang paltos o alisin ang likido sa loob—kahit gamit ang karayom at heringgilya na nadisimpekta. Kung kusang mapunit ang paltos, maingat na tanggalin ng gunting na nadisimpekta ang lahat ng patay na balat. Tapos, maingat na linisin ang paso. Gumamit ng banayad na sabon at tubig na pinakuluan at pinalamig na nasa isterilisadong bulak o gasa, o nadisimpektang tela. Puwede ring gumamit ng hydrogen peroxide. Tanggalin ang anumang natitirang sunog na balat sa taas o paligid ng paso, hanggang lumabas ang sariwa at kulay rosas na balat sa ilalim. Takpan ang sariwang balat ng isang piraso ng isterilisadong gasa o nadisimpektang tela. Kung dumikit sa paso ang tela na gusto mong alisin, basain muna ng tubig na pinalamig matapos pakuluan.
Para mapigilan ang impeksyon sa bahaging napaso, lapatan ito ng isterilisadong gasa o nadisimpektang tela na nababad ng 15 minuto sa timpla ng tubig at asin, 3 beses bawat araw. Tuwing magpapalit ng tela, maingat na alisin ang patay na balat at laman gamit ang malinis na malinis na tiyani (tweezers), hanggang lumabas ang sariwang balat na kulay rosas. - Malalim na pagkasunog (3rd Degree)
Mga pagkasunog ito na sumisira sa balat at naglalantad ng maitim at naihaw na laman. Palaging malubha ang ganitong pagkasunog. Dalhin agad ang tao sa tulong medikal. Samantala, balutin ang sunog na bahagi ng basang tela o tuwalya na nadisimpekta. Tiyaking napakuluan at napalamig ang pinambasa na tubig. Bigyan siya ng maraming likido.
Kung imposibleng makahanap ng tulong medikal, lunasan ito na pareho sa 2nd degree na paso. Para maproteksyunan ang sunog mula sa alikabok at insekto, takpan ito ng maluwang at isterilisadong tela o sapin na yari sa cotton. Palitan ang tela ng hindi bababa sa 4 na beses bawat araw, o 2 beses kung mananatiling tuyo ang tela.
Painumin ng oresol o ‘rehydration drink’ sa pinakamadalas na makakaya, hanggang sa dumalas ang pag-ihi niya. Kung wala siyang malay o hindi makalunok, ibigay ang oresol sa tumbong.
Madaling tumungo sa shock ang sinumang nasunog nang malubha. Dulot ito ng pagkawala ng likido ng katawan na tumatagas mula sa nasunog na bahagi.
Alu-aluhin at palakasin ang loob niya, at lunasan para sa shock kung kinakailangan. Magbigay ng anumang matapang na gamot sa pananakit na mayroon ka. Makakabawas din ng sakit ang pagpaligo ng mga bukas na sugat sa malamig na tubig na medyo maalat.
MAHALAGA! Hugasang mabuti ang iyong kamay bago mangalaga ng paso para maiwasan ang impeksyon.
Paggawa ng timpla ng asin at tubig:
Gumamit ng 1 kutsaritang asin sa 1 litrong tubig. Pakuluan ang tela at tubig bago gamitin, at palamigin bago ilagay sa paso.
Kung maimpeksyon nga ang paso, mas titindi ang pananakit at pamamaga nito. Titigas at pupula ang balat na nakapalibot sa paso. Gumamit ng antibiotic, tulad ng dicloxacillin o cephalexin, 250 mg, 4 na beses bawat araw sa 7–10 araw. Painumin ang taong napaso ng maraming likido.
Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017