Hesperian Health Guides

Pagpigil sa impeksyon

Sa kabanatang ito:

Maraming klase ng sakit ang mula sa mga impeksyon. Madalas mas nasa panganib na ma-impeksyon ang mga taong may sakit o pinsala na, at mas lalala pa sila kung mai-impeksyon. Kaya mahalagang gawin ang lahat ng makakaya para pigilan ang pagtubo nito. Mahalaga ring protektahan mo ang sarili na hindi ka mahawa sa inaalagaan mo.

Galing ang impeksyon sa mga mikrobyo, tulad ng mga bacteria at virus, na sobrang liit para makita. Lahat ng tao ay palaging may dalang bacteria sa balat at sa loob ng bibig, bituka at ari. Madalas ay wala itong dinudulot na problema, pero kayang magbunga ng impeksyon kung maipapasa sa maysakit. Nabubuhay rin ang mga mikrobyo sa mga instrumentong ginamit sa maysakit at madaling maipapasa sa ibang tutulungan mo.
babaeng nakatingin sa heringgilya at iba pang instrumento malapit sa balde ng tubig na sumisingaw dahil sa init

Maaaring mapigilan ang impeksyon sa pamamagitan ng pagsunod sa mga patnubay sa kabanatang ito. Para sa iba pang paraan ng pagpigil sa impeksyon, tingnan ang "Pananatiling malusog".

MAHALAGA! Dapat sundin mo ang mga patnubay na ito tuwing may tutulongan ka, gumamit ka man ng kamay, instrumento o ispesyal na kagamitan. Kung hindi, maaari kang mahawahan ng mapanganib ng impeksyon, o magpasa ng impeksyon sa iba.

Paghuhugas ng kamay

Patuyuin ang kamay sa hangin sa halip na gumamit ng tuwalya. Huwag humipo ng anumang bagay hangga’t hindi tuyo ang kamay mo.
babaeng nagwiwisik ng tubig mula sa mga kamay

Maghugas ng kamay bago at pagkatapos mangalaga ng ibang tao. Pinakamahalagang paraan ito ng pagpatay sa mga mikrobyong nabubuhay sa balat mo. Kailangan mong maghugas ng kamay nang mas maingat at mas matagal:

  • bago at pagkatapos tumulong magpaanak.
  • bago at pagkatapos humipo ng sugat o punit na balat.
  • bago at pagkatapos mag-iniksyon, o humiwa o bumutas sa bahagi ng katawan.
  • matapos makahipo ng dugo, ihi, dumi, mucus o likido ng puwerta.
balde ng tubig na may gripo sa gilid
Gumamit ng
dumadaloy
na tubig.
  • matapos magtanggal ng guwantes.

Mag-sabon para tanggalin ang dumi at mikrobyo. Magbilang hanggang 30 habang kinukuskos ang buong kamay ng mabulang tubig. Gumamit ng brush o malambot na patpat para linisin ang ilalim ng kuko. Tapos magbanlaw. Gumamit ng dumadaloy na tubig. Huwag maghugas sa nagamit nang tubig kung kailangang malinis na malinis ang iyong kamay.

Tippy Tap

Makakatipid ito ng tubig at magpapadali na magimbak ng suplay ng malinis na tubig para sa paghuhugas ng kamay.

Gumamit ng malaki at malinis na plastik na botelyang may hawakan.
1. Ipitin ng mainit na plais o kutsilyo ang hawakan hanggang magdikit ito. panturo na nakatutok sa ilalim ng hawakan ng botelya na dumudugtong sa pinakakatawan nito 2. Gumawa ng maliit na butas sa hawakan, sa bandang itaas lang kung saan mo pinagdikit. WWHND ChSk Page 526-4.png 3. Para maisabit ang tippy tap, gumawa ng 2 pang butas sa kabilang gilid ng lalagyan at suutan ito ng tali. Maisasabit ngayon ito sa sanga ng puno o pako.
4. Punuin ang botelya ng malinis na tubig at takpan. 5. Kapag pinatumba paharap ang botelya, dadaloy palabas ang tubig, kaya makakapaghugas ka ng kamay. Huwag sobrahan ng laki ang butas dahil magsasayang lang ng tubig.
WWHND ChSk Page 526-5.png
Puwede ring magsabit ng sabon.

Paano magdisimpekta (disinfect) ng mga kagamitan at instrumento

panghiwa (blade), heringgilya, at dalawang kutsilyo

High-level disinfection ang tawag sa paglilinis ng mga instrumento at kagamitan para puksain ang halos lahat ng mikrobyo.

Dapat hugasan muna ang mga instrumento at pagkatapos idaan sa disimpeksyon kung gagamitin sa:

  • paghiwa, pagbutas o pagtato sa balat.
  • pag-iniksyon.
  • pagputol ng cord sa panganganak.
  • eksaminasyon ng puwerta, laluna habang o matapos manganak, makunan o magpalaglag.
  • pagpasok ng likido sa puwit (sa tumbong o rectum).

High-level disinfection: 3 hakbang

panghiwa (blade) at heringgilya na nasa garapon na puno ng likido

Dapat gawin agad ang una at ika-2 hakbang kapag tapos na sa mga instrumento. Sikaping huwag matuyo sa mga ito ang dugo o mucus. Gawin ang ika-3 hakbang kapag gagamitin na uli ang mga instrumento. Puwedeng sama-samang gawin ang lahat ng hakbang kung maitatago ang mga gamit na mananatiling disinfected.

  1. Pagbabad: Ibabad nang 10 minuto ang mga instrumento. Kung kaya, gumamit ng 0.5% na solusyon ng bleach (chlorine). Tulong ang pagbabad muna sa bleach na protektahan ka mula sa impeksyon kapag nililinis na ang mga ito. Kung walang bleach, ibabad ang mga instrumento sa tubig.
Paano gumawa ng 0.5% bleach na solusyon na pang-disimpeksyon:

Kung nakalagay sa bleach na: Gumamit ng:
2% chlorine........................................1 bahaging bleach sa 3 bahaging tubig
5% chlorine........................................1 bahaging bleach sa 9 na bahaging tubig
10% chlorine......................................1 bahaging bleach sa 19 na bahaging tubig
15% chlorine......................................1 bahaging bleach sa 29 na bahaging tubig
Halimbawa:
Kung nakalagay sa bleach na 5% chlorine, gumamit ng ganito karaming bleach: 1 tasa at ganito karaming tubig: 9 na tasa
Magtimpla ng solusyon na sapat lang sa isang araw. Huwag itong gamitin ulit sa susunod na araw. Kapos na ang bisa nito sa pagpatay ng mikrobyo.


kamay na may guwantes na naghuhugas ng mga instrumento sa palanggana
  1. Paghuhugas: Hugasan ang mga instrumento ng brush at masabon na tubig hanggang sa magmukhang napakalinis ng bawat isa. Tapos banlawan ng malinis na tubig. Mag-ingat para hindi mahiwa o matusok. Kung maaari, gumamit ng makapal na guwantes, o anumang guwantes na mayroon ka.
  2. Pagdisimpeksyon: Pasingawan (steam) o pakuluan ang mga instrumento sa loob ng 20 minuto (kasingtagal ng pagsaing ng kanin).
    pares ng guwantes sa pasingawan (mula sa kumukulong tubig)

    Para magpasingaw, kailangan ng kaldero na may takip. Hindi kailangang malubog sa tubig ang mga instrumento, pero gumamit ng sapat na tubig para tuloy-tuloy na lumabas ang singaw sa gilid ng takip sa loob ng 20 minuto.

    gunting at heringgilya sa kaldero ng kumukulong tubig

    Para magpakulo, hindi kailangang punuin ang kaldero ng tubig. Pero kailangang tiyakin na nakalubog sa tubig ang lahat ng instrumento sa buong haba ng pagpapakulo. Kung maaari, lagyan ng takip ang kaldero.

    Sa pagpapasingaw at pagpapakulo, simulan ang pagbilang ng 20 minuto kapag ganap nang kumukulo ang tubig. Huwag magdagdag ng anumang bago sa loob kaldero kapag nagsimula ka nang magbilang.

WWHND ChSk Page 527-6.png
MAHALAGA! Huwag na huwag gumamit ng instrumento sa lampas sa isang tao na hindi muna hinuhugasan at dinidisimpekta ang lahat ng bahagi sa pagitan ng bawat paggamit.

Pagdisimpekta ng mga karayom at heringgilya, guwantes at bendahe

kamay na nagtutulak sa diinan o plunger ng heringgilya

Karayom at heringgilya. Kung puwedeng gamitin nang higit sa isang beses ang karayom at heringgilya (reusable), magpapuswit ng bleach o tubig na masabon sa heringgilya 3 beses pagkagamit na pagkagamit nito. Tapos, kalasin ang mga bahagi nito at sundin ang ika-2 hakbang, tapos ang ika-3 hakbang. Maingat na itago ang heringgilya hanggang sa susunod na paggamit. Tiyaking hindi mahawakan ang karayom o plunger (bahagi ng heringgilya na tinutulak papaloob).

Kung hindi kayang itago sa isang malinis at tuyong lugar, pakuluan o pasingawan ito muli bago gamitin.

Kung isang beses lang puwedeng gamitin ang karayom at heringgilya (disposable), maingat na ipasok ito sa isang lalagyang may takip na hindi mabubutas ng karayom, at ibaon nang malalim ang lalagyan. Kung hindi mo kayang idispatsa nang ligtas ang karayom, papuswitan ito ng bleach na solusyon nang 3 ulit.


Guwantes

WWHND ChSk Page 529-1.png
Kung walang guwantes, puwede kang gumamit ng malinis na plastik na supot para pambalot ng mga kamay.

Ang guwantes ay proteksyon sa iyo at mga taong tinutulungan mo mula sa pagkalat ng impeksyon. Kung walang guwantes, gumamit ng malinis na plastik na supot para balutin ang mga kamay.

Minsan OK lang na gumamit ng guwantes na malinis pero hindi nadisimpekta—basta hindi ito ginagamit uli. Pero kailangan palagi ng guwantes na dumaan sa high-level disinfection kapag:

  • pinapasok sa puwerta ang kamay sa paggawa ng emerhensiyang eksaminasyon bago o matapos ang manganak o magpalaglag.
  • humihipo ng balat na may hiwa o punit.

Kung gagamitin mo ang guwantes nang higit sa isang beses, kailangan itong malinis, madisimpekta at maitago ayon sa High-level disinfection: 3 hakbang. Suriin palagi ang nahugasang guwantes at itapon ang may butas o punit.

Kung maaari, pinakamahusay na pasingawan ang guwantes sa halip na pakuluan dahil puwedeng iwan sa kaldero hanggang sa matuyo. Kung hindi kayang pasingawan at kailangang pakuluan, sikaping mapatuyo sa ilalim ng araw. Para gawin ito, malamang kailangang hawakan ang mga guwantes, kaya hindi na ito disinfected. Pero magiging malinis naman. Itabi ang mga ito sa malinis at tuyong taguan.

Bendahe na tela

Kung walang isterilisadong gasa (gauze), gumamit ng bendahe na tela. Sundin ang patnubay sa disimpeksyon at pag-iimbak High-level disinfection: 3 hakbang. Patuyuin ang bendahe sa araw, pero tiyaking malayo sa lupa at protektado mula sa alikabok, langaw at iba pang insekto.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017