Hesperian Health Guides

Paano makakuha ng mas mainam na pangangalaga

Sa kabanatang ito:

Maraming desisyon ang kailangang gawin kapag may problema ka sa kalusugan. Ang isa ay kung kailangang mong magpatingin sa manggagamot; at anong klaseng manggagamot ang sa palagay mo’y kailangan mo. Kung higit sa isa ang panlunas sa problema, timbangin mo ang panganib at benepisyo ng bawat panlunas bago ka magdesisyon. Magagawa mo ang pinakamahusay na pagpapasya—at makukuha ang pinakamahusay na pangangalaga—kung aktibo kang makikialam sa paglutas ng iyong karamdaman kasama ng iyong doktor, nurse o manggagawang pangkalusugan.

Alamin kung ano'ng mangyayari

Makakapapel ka nang aktibo sa iyong kalusugan kung handa ka at alam mo ang inaasahang mangyayari sa pagpapagamot.

Mga tanong sa iyong kalusugan

Pinakamabuti na aralin mo nang husto ang iyong problema bago gamitin ang sistemang medikal. Maaaring matulungan ka ng librong ito para maintindihan ang iyong karamdaman at posibleng mga sanhi. Tingnan ang bahaging “Paglutas ng mga problema sa kalusugan” kung kailangan mo ng tulong sa pagsusuri sa iyong karamdaman.

Madalas makakatulong ang paghahanda ng mga tanong na gusto mong masagot bago ka pumunta sa manggagamot.

Dapat usisain ka ng doktor, nurse o manggagawang pangkalusugan tungkol sa problema mo ngayon at sa kalusugan mo noon. Sikaping magbigay ng kumpletong impormasyon, kahit nahihiya o nag-aalangan ka, para lubos na maunawaan ng nagtatanong ang estado ng iyong kalusugan. Palaging sabihin ang anumang gamot na ginagamit mo, kasama na ang aspirin o gamit sa pagpaplano ng pamilya.

Dapat may panahon kang ilabas ang anumang tanong. Napakahalaga na maubos mo lahat ng tanong na kailangan para makapagdesisyon ka ng tama sa paglutas ng karamdaman mo. Kung hindi pa nasasagot ang mga ito, puwede mong itanong:

babaeng may tinatanong sa sarili
  • Ano ang iba’t ibang paraan ng paglunas sa problemang ito?
  • Ano ang gagawin ng panlunas? May mga panganib ba?
  • Gagaling ba ako? Babalik ba ang problema?
  • Magkano aabutin ang mga pagsusuri at paglunas?
  • Kailan ako bubuti o gagaling?
  • Bakit ito nangyari? Paano ko maiiwasan?


Maraming doktor at nurse ang hindi sanay magbigay ng kinakailangang impormasyon, o abala sila at ayaw magbigay ng panahon sa pagsagot sa tanong mo. Maging magalang, pero huwag umatras! Dapat nilang sagutin ang mga tanong mo hanggang sa maintindihan mo ito. Kung hindi mo maunawaan, hindi nangangahulugang tanga ka. Hindi lang mahusay ang pagpapaliwanag nila.

Eksaminasyon

Dagdag na impormasyon
pelvic exam

Para malaman kung saan ka may diperensya at gaano kaseryoso ang problema, maaaring kailangan mo ng eksaminasyon. Kasama sa karamihan ng eksaminasyon ang pagtingin, pakikinig at pagdama o pagkapa sa bahagi ng katawan mo na may problema. Sa karamihan ng problema, ang nasabing bahagi lang ng katawan ang kailangang hubaran. Kung mas mapapanatag ka, hilingin sa isang kaibigan o babaeng health worker na samahan ka sa kuwarto.

Pagsusuri o Test

manggagawang pangkalusugan o health worker na gumagamit ng ultrasound sa tiyan ng babaeng nakahiga
makinang ultrasound

Makakabigay ng mas maraming impormasyon tungkol sa problema ang mga test Sa maraming test, kumukuha ng maliit na piraso o sample ng ihi, dumi o plema at pinapadala sa laboratoryo. Sa iba naman, kumukuha ng kaunting dugo mula sa iyong daliri o braso gamit ang karayom. Narito ang iba pang karaniwang pagsusuri:

  • pagkuha ng likido mula sa iyong puwerta para suriin kung may impeksyon na naihahawa sa pagtatalik (INP).
  • marahang pagkayod ng selyula mula sa cervix (bukana ng matris) para suriin kung may kanser. (Ito ang Pap smear.)
  • pagkuha ng piraso ng himaymay mula sa bukol o tumor para suriin kung may kanser (biopsy).

Ligtas ang X-ray kung tama ang paggamit nito. Dapat proteksyunan ng balabal na may tingga (lead apron) ang dako ng iyong ari.

  • paggamit ng X-ray o ultrasound para makita ang loob ng katawan. Nagagamit ang X-ray para makita ang baling buto, matinding impeksyon sa baga, at ibang mga kanser. Sikaping huwag magpa X-ray habang buntis. Nagagamit ang ultrasound para makita ang pinagbubuntis. Hindi masakit ang dalawang pagsusuring ito.


Bago ka magpasuri, makipag-usap tungkol sa gastos. Itanong sa doktor, nurse o health worker kung ano ang malalaman nila mula sa pagsusuri, at ano ang mangyayari kung hindi ito gagawin.

Magsama ng kaibigan o kamag-anak

babaeng nakikipag-usap sa manggagawang pangkalusugan o health worker habang nakahiga sa kama ang mas nakababatang babae
Nanay niya ako. Masasagot ko ang ilang tanong ninyo.
Kapag malala ang sakit ng babae, dapat siyang samahan ng taong makakabigay ng impormasyon.

Marami ang may alinlangan magpagamot—kahit na hindi malala ang karamdaman. Mas mahirap pa lalo sa may seryosong sakit na ipaggiitan ang pangangalaga na kailangan nila. Makakatulong kung may sasama na ibang tao. Magagawa ng kaibigan na:

  • magbantay sa anak ng babae.
  • tumulong mag-isip ng mga dapat itanong, ipaalala na itanong ito, at tiyakin na makakuha ng sagot.
  • sumagot kung di na kaya ng babae dahil sa kanyang sakit.
  • samahan ang babae habang siya’y naghihintay.
  • samahan ang babae habang siya’y ini-eksamin, para suportahan siya at tiyakin na may respeto ang pagtrato ng doktor.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017