Hesperian Health Guides
Pagkilos para sa pagbabago
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 3: Ang sistemang medikal > Pagkilos para sa pagbabago
Pero kung magtutulungan, mababago ng mga manggagawang pangkalusugan at grupo ng kababaihan ang sistemang medikal. Sa halip na balakid, puwede itong maging suporta sa kababaihan habang sinisikap nilang lutasin ang mga problemang pangkalusugan. Pero hindi magbabago nang mag-isa ang sistemang medikal. Magbabago lang ito kung igigiit ng mga tao, at kung gagawa ng mga mapanlikhang paraan para ihatid ang pangangalagang pangkalusugan na kailangan ng tao at abot-kamay ng lahat.
Magandang simula sa pagbabago ang pagtalakay, kasama ang ibang mga babae’t lalaki, sa mga problema na umaapekto sa mamamayan sa inyong komunidad, kasama na ang kawalan ng abot-kamay at mahusay na pangangalaga sa kalusugan.
Puwede ring magsama-sama ang kababaihan para:
- tulungan ang lahat ng taga-komunidad na matuto tungkol sa kalusugan ng kababaihan. Halimbawa, puwede kayong magorganisa ng kampanya para ipaliwanag kung bakit mahalagang may mahusay na prenatal. Kung alam ng mga babae at kanilang pamilya ang pangangailangan sa kalusugan ng kababaihan, mas malamang gamitin ng mga babae ang mga serbisyong naririyan na. Mas malamang din na igiit nilang magkaroon ng mga bagong serbisyo—tulad ng mas mahusay na pag-test at paglunas ng kanser sa cervix at suso.
- tingnan kung paano mapapahusay ang naririyan nang mga tauhan at gamit pangkalusugan. Halimbawa, kung may komadrona na sa komunidad, paano siya mabibigyan ng mga bagong pagsasanay?
- maghanap ng bagong paraan para mas maabot at magamit ang pangangalagang pangkalusugan. Mahalagang pag-isipan kung anong klaseng serbisyo ang gusto ninyo, at hindi lang kung ano ang naririyan ngayon. Kung walang health worker ngayon, paano masasanay at masusuportahan ang isa? Kung mayroon nang klinika, puwede bang magbukas ng bagong serbisyo tulad ng mga pagsasanay o pagpapayo?
- ibahagi ang kaalaman ng bawat babae tungkol sa pangangalaga sa kalusugan. Malaking bahagi na ng ‘trabaho sa kalusugan’ ang ginagawa ng kababaihan sa komunidad. Halimbawa, madalas babae ang nag-aalaga ng maysakit, nagtuturo sa mga bata na manatiling malusog, naghahanda ng pagkain, nagpapanatiling malinis at ligtas ang bahay at komunidad, at tumutulong sa ibang babae na manganak. Sa mga trabahong ito, natuto na sila ng maraming kasanayan na magagamit nila para alagaan ang isa’t isa at lahat ng miyembro ng komunidad.