Hesperian Health Guides

Kung kailangan mong magpa-ospital

Sa kabanatang ito:

babaeng nagsasalita
Minsan ay nag-oopera kahit hindi naman kailangan, o kaya’y may gamot na puwedeng kasimbisa rin kung ginamit. Kumuha ka ng ibang opinyong medikal kung hindi ka sigurado.

Kung kailangan mong magpa-opera o may malala kang sakit, alamin mo muna kung puwede kang gamutin na hindi kailangang tumigil sa ospital. Kung sa ospital lang makukuha ang serbisyong kailangan mo, baka makatulong ang mga payo na ito:

  • Magpasama sa taong makakatulong sa iyong makakuha ng tamang atensyon at makagawa ng desisyon.
  • Maaaring iba’t ibang tao ang ieksamin sa iyo. Dapat isulat ng bawat isa ang anumang ginawa sa isang rekord na sasama sa paglibot mo, para malalaman ng susunod kung ano na ang nagawa.
  • Bago simulan ang isang test o panggagamot, napakahalagang tanungin kung ano ang gagawin at bakit, para makapagpasya ka kung gusto mong ituloy at makaiwas sa mga pagkakamali.
  • Sikaping makipagkaibigan sa mga tauhan ng ospital. Matutulungan ka nilang mabigyan ng mas mahusay na pangangalaga.
  • Kung kailangan mo ng operasyon, tanungin kung posible na maginiksyon ng pampamanhid sa lugar lamang na ooperahan (lokal na anesthesia). Mas ligtas ito at mas mabilis kang makakabawi kaysa patulugin ka habang inooperahan (general na anesthesia).
  • Tanungin kung anong gamot ang binibigay at kung bakit.
  • Sa pag-alis, humingi ng kopya ng mga rekord mo.

Pagkatapos magpa-opera

babaeng mabagal at maingat na naglalakad malapit sa kanyang kama
Para manatiling malusog ang iyong baga at maiwasan ang pulmonya, bumangon at maglibot hangga’t makakaya. Habang nasa kama, pana-panahong huminga nang malalim at subukang umupo nang madalas.

Bago lumabas ng ospital, itanong kung:

  • Ano ang gagawin para maging malinis ang hiwa?
  • Ano ang gagawin para sa pananakit?
  • Gaano katagal dapat magpahinga?
  • Kailan puwedeng makipagtalik muli? (Kung nahihiya ka, baka puwedeng kausapin ng doktor o health worker ang iyong kapartner.)
  • Kailangan pa bang magpatingin muli sa doktor? Kung oo, kailan?


Dapat malambot, simple at madaling tunawin ang pagkain.

Magpahinga hangga’t maaari. Kung nasa bahay ka, hilingin sa pamilya na asikasuhin muna nila ang iyong pang-araw-araw na gawain. Makakatulong sa mas mabilis mong paggaling ang ilang araw na pangangalaga sa sarili.

Magbantay sa mga palatandaan ng impeksyon: Madilaw na nana, mabahong amoy, lagnat, mainit na balat malapit sa hiwa, o mas matinding pananakit. Makipagkita sa health worker kung lumitaw ang alinman sa mga palatandaang ito.

Kung sa bandang tiyan ang iyong operasyon: Sikaping huwag mapuwersa ang bahaging may hiwa. Tuwing kikilos o uubo, bahagyang diinan o alalayan ito ng tiniklop na tela, kumot o unan.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017