Hesperian Health Guides
Permanenteng paraan ng pagpaplano ng pamilya
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 13: Pagpaplano ng pamilya > Permanenteng paraan ng pagpaplano ng pamilya
Mga nilalaman
Isterilisasyon (operasyon para hindi na magkaanak)
May mga operasyon para maging halos imposible na sa lalaki o babae na magkaanak. Dahil permanente ang mga operasyong ito, mahusay lamang ito para sa mga babae at lalaking nakatitiyak na ayaw na nilang magkaanak.
Para maoperahan ng ganito, kailangan mong pumunta sa isang health center o ospital. Mabilis at ligtas ang operasyon, at hindi nagdudulot ng side effects.
Ang operasyon para sa lalaki (Vasectomy)
Isang simpleng operasyon ang vasectomy kung saan pinuputol ang tubo na dinadaluyan ng semilya mula sa bayag papunta sa titi. Hindi ito pagkapon o pagputol sa bayag ng lalaki. Puwedeng gawin ang operasyong ito sa alinmang health center na may sinanay na health worker. Ilang minuto lang ang kailangan.
Dagdag na impormasyon
katawan ng lalakiHindi binabago ng operasyon ang abilidad ng lalaki na makipagtalik o makadama ng sekswal na kasiyahan. Nilalabasan pa rin siya ng tamod, pero wala itong semilya. Maaaring may semilya pa rin ang tubo nang hanggang 12 linggo matapos ang operasyon, kaya kailangang gumamit ng ibang paraan ng kontrasepsyon sa panahong iyon.
Ang operasyon para sa babae (Tubal Ligation)
Ang tubal ligation ay operasyong mas mahirap nang kaunti kaysa sa vasectomy, pero napakaligtas pa rin nito. Tumatagal ito ng mga 30 minuto.
Gamit ang instrumento na pinapasok sa hiwa malapit sa pusod, pinuputol o tinatalian ang tubo na daluyuan ng itlog papunta sa matris. Bihasang health worker ang gumagawa. Hindi nito binabago ang abilidad ng babae na makipagtalik o makadama ng sekswal na kasiyahan.