Hesperian Health Guides

Hormonal na paraan ng pagpaplano ng pamilya

Sa kabanatang ito:

Ang mga paraang ito ay may lamang hormone— estrogen at progestin—na kamukha ng estrogen at progesterone na ginagawa ng katawan ng babae. Kasama sa mga hormonal na kontraseptibo ang:

  • Pildoras, iniinom araw-araw ng babae.
WWHND10 Ch13 Page 207-1.png
  • Iniksyon, na binibigay tuwing ilang buwan.
Fil WWHND10 Ch13 Page 207-2.png
  • Implant, na nilalagay sa braso ng babae at tumatatagal ng ilang taon.
WWHND10 Ch13 Page 207-3.png
MAHALAGA! Hindi nagpoprotekta Walang proteksyon laban sa impeksyon (INP) o HIV/AIDS ang mga hormonal na kontraseptibo.

Kontrolado ng babae ang mga hormonal na kontraseptibo at puwedeng gamitin kahit hindi alam ng lalaki.

Pinipigilan ng mga hormonal na kontraseptibo ang obaryo ng babae na maglabas ng itlog. Pinapakapal din ang mucus sa bukana ng matris, na nagpapahirap sa semilya na makarating sa loob ng matris.

May lamang estrogen at progestin ang karamihan ng pildoras at ilang iniksyon. Tinatawag itong 'kumbinasyon' (combined) na pildoras o iniksyon. Magkasamang gumagana ang 2 hormone para magbigay ng napakahusay na proteksyon laban sa pagbubuntis. Pero may mga babae na hindi dapat gumamit ng estrogen sa mga dahilang pangkalusugan, o dahil sa nagpapasuso sila.

Ang 'progestin-only' na pildoras (mini-pills), implant at ilang iniksyon ay iisa lang ang hormone—ang progestin. Mas ligtas ang mga ito kaysa sa kumbinasyong pildoras o iniksyon para sa mga babaeng hindi dapat gumamit ng estrogen o kaya'y nagpapasuso.

Mga babaeng dapat umiwas sa ANUMANG uri ng hormonal na kontraseptibo:

Nagpapahina sa bisa ng hormonal na kontraseptibo ang ilang gamot para sa kombulsyon o tuberkulosis. Dapat gumamit ng ibang paraan sa pagpaplano ng pamilya ang babaeng gumagamit ng mga medisinang ito.

babaeng nakabukas ang damit at kinakapa ang sariling suso
buntis na babae
babaeng nakalingon at tumitingin sa bahid ng dugo sa kanyang saya


Makakasama ang ilang hormonal na kontraseptibo sa mga babaeng may ibang problemang pangkalusugan. Tiyaking i-check ang bawat paraan para makita kung ligtas para sa iyo. Kung may alinman sa mga problemang pangkalusugan na nabanggit at gusto mo pa ring gumamit ng paraan, makipagusap sa isang health worker na bihasa sa mga hormonal na kontraseptibo.

Kontraseptibong pildoras

Hindi agad gagana ang pildoras para pigilan ang pagbubuntis. Kaya sa unang 7 araw na sinimulan ang pildoras, gumamit ng condom o iba pang pantulong (back-up) na paraan para makaiwas sa pagbubuntis.

Kung kailangan mong lumipat sa isang mas mababang dosis na pildoras, gumamit ng panghadlang na kontraseptibo o huwag makipagtalik sa unang buwan.

Kumbinasyong pildoras (pildoras na may estrogen at progestin)

Protektado ka ng pildoras mula sa pagbubuntis hangga’t umiinom ka ng isang pildoras bawat araw. Maraming iba’t ibang tatak ng kumbinasyong pildoras na iba’t ibang klase ang sangkap na estrogen at progestin at iba’t iba ang dami ng bawat hormone. Karaniwan sa lahat ang “low-dose” na kumbinasyong pildoras na may 20, 30 o 35 microgram (mcg) ng estrogen. Magka-iba ang low-dose pill at minipill—may estrogen at progestin ang low-dose pill, samantalang progestin lang ang laman ng minipill.

Madalas may kumbinasyong pildoras sa mga family planning clinic, health center, botika at sa pangangalaga ng mga health worker.

Kapag nagsimulang mag-pildoras, sikapin na ituluy-tuloy ang isang brand (kung kaya mo, bumili ng maraming pakete). Kung kailangang magpalit, maghanap ng may parehong pangalan at lakas ng hormone, para mas kaunti ang side effects at mas mabisa ang proteksyon.

Sino ang hindi dapat mag-kumbinasyong pildoras:

May mga babaeng may problema sa kalusugan kaya delikado na gumamit ng pildoras. HUWAG NA HUWAG mag-pildoras kung may alinman sa mga kondisyong sa taas, o kung ikaw ay:

  • may sakit sa atay, hepatitis, o naninilaw na balat at mata.
  • nagka-palatandaan na ng stroke, pagkaparalisa, o sakit sa puso.
  • nagkaroon na ng pamumuo ng dugo sa ugat (veins) sa binti o sa loob ng baga o utak. . Madalas hindi problema ang varicose veins, maliban kung namumula at namamaga ang mga ugat.


Kung may alinman sa mga sumusunod na problema sa kalusugan, sikaping gumamit ng paraan maliban sa kumbinasyong pildoras. Pero kung hindi mo kaya, mas maige pa rin na gumamit ng kumbinasyong pildoras kaysa sa mabuntis. Sikaping huwag gumamit ng kumbinasyong pildoras kung ikaw ay:

  • Naninigarilyo at lampas sa 35 taong gulang. Mas malaki ang tsansa mo na magkaroon ng stroke o atake sa puso kung gagamit ka ng kumbinasyong pildoras.
  • Mayroong diabetes o epilepsy. Kung gumagamit ka ng gamot para sa kombulsyon o pangingisay, kailangan mong gumamit ng mas matapang (50 mcg ng estrogen) na pildoras. Humingi ng medikal na payo mula sa isang health worker o doktor.
amanggagawang pangkalusugan o health worker na sinusukat ang presyon ng dugo ng babae
  • May altapresyon (lampas sa 140/90). Kung nasabihan ka na na may altapresyon ka, o sa palagay mo’y mayroon ka nga nito, ipa-check ang presyon ng dugo sa isang health worker. Kung sobra ang bigat mo, madalas sumakit ang ulo, madaling kapusin ang hininga, madalas nanghihina o nahihilo, o nakakaramdam ng pananakit sa kaliwang balikat o dibdib, dapat kang matingnan para sa altapresyon.

Kung nababahala ka sa anumang pagbabago sa katawan matapos simulan ang pildoras, makipag-usap sa isang health worker. Maaaring payuhan ka na mag-iba ng pildoras.

Karaniwang side effects ng kumbinasyong pildoras:
  • Di-regular na pagdurugo o spotting (pagdugo sa ibang panahon maliban sa iyong normal na pagregla). Madalas pinapaikli at pinapahina ng kumbinasyong pildoras ang buwanang pagregla. Normal din na nalalaktawan minsan ang normal na pagregla. Ito ang pinakamadalas na epekto ng kumbinasyong pildoras. Para mabawasan ang spotting, tiyakin na parehong oras palagi ang pag-inom ng pildoras sa bawat araw. Kung magpatuloy ang spotting, makipag-usap sa isang health worker para makita kung makakatulong ang pagbabago sa lakas ng progestin o estrogen.

Kung hindi dumadating sa normal na panahon ang iyong regla at may nalaktawan kang ilang pildoras, patuloy mong inumin ang pildoras pero magkonsulta sa isang health worker para malaman kung buntis ka.

  • Pagkaduwal, Madalas nawawala pagkatapos ng 1 o 2 buwan ang pakiramdam na nasusuka. Kung nagagambala ka, subukang isabay sa pagkain ang pildoras, o baguhin ang oras ng pag-inom. Sa ilang babae, nakakatulong na mag-pildoras bago matulog sa gabi.
  • Pananakit ng ulo. Pangkaraniwan ang kaunting pananakit ng ulo sa unang ilang buwan. Kung matindi ang pananakit o dumadating na kasabay ang panlalabo ng paningin, maaaring malubhang palatandaan ito; tingnan sa ibaba.

Kung maresetahan ka ng bagong gamot habang nagpipildoras, tanungin ang health worker kung kailangan mong gumamit ng panghadlang na kontraseptibo, o huwag munang makipagtalik. Binabawasan ng ilang antibiotic at iba pang medisina ang bisa ng pildoras.

Mga babala ng problema sa kumbinasyong pildoras:

TUMIGIL sa pag-inom ng pildoras at kumonsulta sa health worker kung:

  • may matinding sakit ng ulo kasama ang panlalabo ng paningin (migraine) na nagsimula pagkatapos mong mag-pildoras.
  • nakakaramdam ng panghihina o pamamanhid sa kamay o paa.
  • nakakaramdam ng matinding pananakit sa dibdib at kinakapos sa hininga.
  • may matinding pananakit sa isang binti.
  • may matinding pananakit sa tiyan.
condom tubo ng spermicide


Kung meron kang alinman sa mga problemang ito, maaaring delikado rin ang pagbubuntis, kaya gumamit ka ng ibang klase ng kontrasepsyon tulad ng condom hanggang sa makakonsulta ka sa isang health worker na bihasa sa mga hormonal na kontraseptibo.

Paano gamitin ang kumbinasyong birth control na pildoras:

Nakapaloob ang pildoras sa pakete na tag-21 o 28 na tabletas. Kung mayroon kang 28-araw na pakete, uminom ng isang pildoras sa bawat araw ng buwan. Pagkaubos mo ng isang pakete, simulan ang pag-inom ng pildoras mula sa bagong pakete. (Gawa sa asukal ang huling 7 pildoras ng tag-28 na pakete. Walang hormone ang mga ito. Tinutulungan ka lang ng mga asukal na pildoras na matandaang uminom isang beses bawat araw.) pakete ng 28 pildoras sa 4 na hilera
28-Araw na Pakete ng Pildoras
pakete ng 21 pildoras sa 3 hilera Kung mayroon kang 21-araw na pakete, uminom ng pildoras bawat araw sa loob ng 21 araw. Pagkatapos, maghintay ng 7 araw bago simulan ang bagong pakete. Madalas, rereglahin ka sa mga araw na hindi ka umiinom ng pildoras. Pero simulan mo ang bagong pakete kahit na hindi dumating ang iyong regla.
21-Araw na Pakete ng Pildoras
Sa 21-araw at 28-araw na pakete, parehong simulan ang unang pildoras sa unang araw ng iyong regla. Sa ganitong paraan, may proteksyon ka agad. Kung lampas na sa unang araw, puwede kang magsimula sa alinman sa unang 7 araw ng iyong buwanang siklo. Pero hindi ka mapoproteksyunan agad, kaya sa unang 2 linggo na nagpipildoras, dapat gumamit ka ng ibang paraan ng kontrasepsyon, o hindi muna makipagtalik.


Dapat uminom ka ng isang pildoras bawat araw, kahit hindi ka nakikipagtalik. Sikaping inumin ang pildoras sa parehong oras bawat araw. Maaring makatulong kung tatandaan mo na palagi kang magsisimula ng bagong pakete sa parehong araw ng linggo.


Nalimutang inumin ang pildoras:
a row of 7 pills showing a missed pill on one day and then 2 pills together the next day
bilog na may gatla-gatla= nalimutang pildoras
dalawang pildoras na magkasama= uminom ng 2 pildoras

Kung lalaktaw ka ng pag-inom, maaari kang mabuntis.

Kung makalimot ka ng 1 o 2 pildoras, inumin agad ang 1 pildoras sa sandaling maalala mo. Inumin ang susunod na pildoras sa regular na oras. Dahil dito, maaaring makainom ka ng 2 pildoras sa isang araw.

Kung makalimot kang uminom ng 3 magkakasunod na pildoras, simulang inumin agad ang 1 pildoras. Pagkatapos, ituloy ang 1 pildoras bawat araw sa regular na panahon.

Kung 28 na pakete ang gamit mo, yung pildoras lang na may hormone ang gamitin mo at laktawan ang mga asukal na pildoras, pagkatapos ay simulan ang pildoras na may hormone mula sa bagong pakete. Kung 21 na pakete ang gamit mo, simulan ang bagong pakete pagka-ubos na pagka-ubos ng kasalukuyang pakete. Gumamit ng condom (o huwag munang makipagtalik) hangga’t hindi ka nakakainom ng pildoras sa 7 magkakasunod na araw.

Kung makalimot kang uminom ng higit sa 3 pildoras, itigil ang paggamit ng pildoras at hintayin ang susunod na pagregla. Gumamit ng condom (o huwag makipagtalik) sa natitirang bahagi ng siklo. Simulan ang bagong pakete pagkatapos.

Makakapagdulot ng kaunting pagdurugo—parang napakabanayad na pagregla—ang pagkahuli o paglaktaw sa pag-inom ng pildoras.

babaeng may baso ng tubig at umiinom ng pildoras habang nakikita sa bintana na lumulubog ang araw

Kung nahihirapan kang maalala ang pag-inom ng pildoras, subukang uminom nito kapag may gagawin kang pang-araw-araw na trabaho, tulad ng paghahanda ng hapunan. O inumin ang pildoras sa paglubog ng araw o bago matulog. Ilagay ang pakete sa lugar na makikita mo araw-araw. Kung madalas mo pa ring nalilimutan na inumin ang pildoras (lampas isang beses bawat buwan), pag-isipan ang pagpapalit ng paraan ng kontrasepsyon.

Kung masuka ka sa loob ng 3 oras pagkainom ng pildoras, o may matinding pagtatae, hindi sapat ang pagtagal ng pildoras sa katawan para tumalab. Gumamit ka ng condom o huwag makipagtalik hanggang sa maige ka na at nakapagpildoras nang araw-araw sa loob ng 7 araw.

Paghinto sa pildoras:

Kung gusto mong magpalit ng paraan o mabuntis, itigil ang paggamit ng pildoras pagkaubos mo ng pakete. Puwede kang mabuntis kaagad pagtigil mo. Nabubuntis sa loob ng isang taon ang karamihan ng babaeng humihinto sa pildoras dahil gustong mabuntis.

Ang Minipill o Progestin-only Pill (POP)

pakete ng 28 pildoras sa 4 na hilera
babaeng nagpapasuso ng sanggol
Ligtas at epektibo ang minipill habang nagpapasuso.

Kung makalimot ka ng isang minipill, gumamit ng panghadlang na kontraseptibo (o huwag makipagtalik) sa loob ng 7 araw, AT patuloy na inumin ang minipills

Dahil walang estrogen, mas ligtas ang pildoras na ito para sa mga babaeng dapat umiwas sa kumbinasyong pildoras dahil sa kalagayang pangkalusugan nila, o dahil sa side effects ng naturang pildoras.

Napakabisa ng minipill sa karamihan ng nagpapasusong nanay na hindi pa dinadatnan ng regla mula nang manganak. Kumpara sa kombinasyon pildoras, bawas nang kaunti ang bisa ng minipill sa mga babaeng hindi nagpapasuso, o nagpapasuso pero lampas 6 na buwan na mula nang manganak.

Madalas may minipill sa mga family planning clinic, health center, botika at sa pangangalaga ng mga health worker.

Hindi dapat gumamit ng minipil ang mga babaeng may alinman sa mga kondisyong nakalista sa taas at yung may gamot para sa kombulsyon at paninigas. Binabawasan ng naturang mga gamot ang bisa ng minipill.

Karaniwang side effects ng minipill:
  • di-regular na pagdurugo o spotting. Ito ang pinakakaraniwang side effects. Maaaring mapahinto ng ibuprofen ang spotting.
  • walang regla. Medyo karaniwan ito, pero kung lalampas ka sa 45 araw na walang regla, maaaring buntis ka. Ituloy ang pag-inom ng pildoras hanggang makapatingin sa isang health worker para malaman kung buntis ka nga.
  • panapanahong pananakit ng ulo.


Paano gamitin ang minipill:

  • Kung hindi ka nagpapasuso, o kung nagpapasuso ka at bumalik na ang iyong regla, inumin ang unang pildoras sa unang araw ng pagregla mo.
  • Kung nagpapasuso ka at hindi pa dinadatnan ng regla, puwede mong inumin ang unang pildoras anumang araw mula 6 na linggo hanggang 6 na buwan matapos manganak. Maaaring hindi ka datnan ng regla. Normal lang ito. Kung lampas 6 na buwan nang wala kang regla, puwede mong inumin ang unang pildoras anumang araw, pero gumamit ng panghadlang na kontraseptibo o huwag munang makipagtalik sa unang 2 araw.
  • Inumin ang pildoras nang parehong oras sa bawat araw. Kung mahuli ka ng kahit ilang oras o kung malimutan mo nang kahit isang araw, maaari kang mabuntis.
  • Kung matapos mo ang isang pakete, simulan ang bagong pakete kinabukasan, kahit na hindi ka pa dinadatnan ng regla. Huwag lumaktaw ng kahit isang araw.

Ano'ng gagawing kung may malaktawang minipill:
Inumin ito sa sandaling maalala mo. Inumin ang susunod na pildoras sa regular na oras, kahit na iinom ka ng 2 pildoras sa isang araw. Gumamit din ng panghadlang na kontraseptibo, o huwag makipagtalik sa loob ng 2 araw. Puwedeng magkaroon ng pagdurugo kung maiinom mo ang pildoras nang huli sa takdang oras.

Paghinto ng minipill:
Puwede mong ihinto ang pildoras anumang panahon. Puwede kang mabuntis agad pagkahintong-pagkahinto mo, kaya tiyaking gumamit agad ng ibang paraan ng kontrasepsyon kung ayaw mong mabuntis. Kung hihinto ka sa katapusan ng buwanang siklo, mas magiging regular ang pagregla mo.

Kontraseptibong implant (Jadelle, Implanon, Norplant)

dalawang maliit na tubo na hawak sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo

Ang implant ay mga maliit at malambot na tubo na nilalagay sa ilalim ng balat sa tagong bahagi ng braso ng babae. May progestin ang mga tubo at parang minipill ang paggana. Pinipigilan nito ang pagbubuntis sa loob ng 3–5 taon, depende sa klase ng implant.

Paano gumamit ng implant:

nakahiga ang babae habang pinapasok ng manggagawang pangkalusugan o health worker ang implant sa kanyang braso


Gumagawa ang sinanay na health worker ng maliit na hiwa sa balat para ipasok o tanggalin ang implant. Madalas sa klinika o family planning center ito ginagawa.

MAHALAGA! Bago subukan ang implant, tiyaking may malapit na health worker na bihasa at handa sakaling gustuhin mong ipatanggal. Mas mahirap tanggalin ang implant kaysa ipasok.

Puwedeng gamitin ang implant ng mga babaeng nagpapasuso o yung may problema sa estrogen. Hindi dapat gumamit ang mga babaeng may alinman sa mga kondisyong sa taas, may sakit sa puso, o kung gustong mabuntis sa susunod na ilang taon. Kung may gamot para sa kombulsyon, kailangang gumamit ng paniguradong paraan, tulad ng condom o diaphragm, kasabay ng implant.

Karaniwang side effects ng implant:

Sa unang mga buwan, maaaring magdulot ang implant ng di-regular na pagdurugo (sa gitna ng iyong buwanang siklo) o dagdag na araw ng pagregla. O puwedeng hindi ka talaga magregla. Hindi ibig sabihin na buntis ka o may problema. Mawawala rin ang mga ito habang nasasanay ang katawan mo na mas marami ang progestin. Kung magkaproblema ka dahil sa di-regular na pagdurugo, puwedeng bigyan ka ng health worker ng low-dose na kumbinasyong pildoras kasabay ng implant sa loob ng ilang buwan.

Maaaring magkaroon ng panapanahong pagsakit ng ulo at parehong side effects na karaniwan sa mga progestin-only na iniksyon.

Maraming babae ang gustong tanggalin nang mas maaga ang kanilang implant dahil hindi nila gusto ang side effects. Pinakamadalas na alalahanin ang di-regular na pagdurugo.

Paghinto ng paggamit ng implant:

Puwedeng tanggalin kahit kailan ang implant—maaari lang mangyari na mahirap maghanap ng health worker na marunong magtanggal. Pagkaalis nito, puwedeng mabuntis agad, kaya gumamit ng ibang paraan ng kontrasepsyon kung ayaw mabuntis.

Kontraseptibong iniksyon

heringgilya o pang-iniksyon sa tabi ng botelyang may tatak na ‘injectable contraceptive’

Sa paraang ito ng kontrasepsyon, iniiniksyunan ang babae ng hormone tuwing 1 hanggang 3 buwan, madalas sa health center o family planning clinic, ng taong nakakaalam. Tumatagal ang proteksyon hanggang sa kailangan mo na ng bagong iniksyon, at puwedeng gamitin na hindi nalalaman ng iba.

Progestin-only na iniksyon

Progestin na hormone lang ang laman ng ganitong klase ng iniksyon, tulad ng DMPA at norethisterone. May ispesyal na pakinabang ito sa mga babaeng hindi dapat gumamit ng estrogen. Binibigay ito tuwing 2 hanggang 3 buwan.

Hindi dapat gumamit ang babae ng progestin-only na iniksyon kung may alinman sa mga kondisyong nakalista sa taas, kung hindi kayang regular na mainiksyunan, o kung gustong mabuntis sa loob ng susunod na isang taon.

Karaniwang side effects ng progestin-only na iniksyon:

Halos palaging nagdudulot ng pagbabago sa pagregla ang progestin-only na iniksyon. Maaaring magkaroon ng kaunting pagdugo arawaraw o paminsanminsan. Malamang hihinto sa pagregla sa katapusan ng unang taon. Normal ang mga pagbabagong ito.

Dahil sa malaking dosis ng progestin na binibigay sa bawat iniksyon, mas maraming nararanasang pagbabago sa pagregla sa unang ilang buwan kaysa sa ibang hormonal na kontraseptibo. Narito ang iba pang karaniwang side effects:

  • di-regular na pagdurugo o malakas na spotting. Kung problema ito, puwedeng magbigay ang health worker ng 2 pakete ng kumbinasyong low-dose na pildoras na gagamitin kasabay ng iniksyon para huminto ang spotting. Tumitigil ang karamihan ng diregular na pagdurugo pagkatapos ng ilang buwan.
  • walang regla.
  • pagdagdag ng timbang.

Kumbinasyong iniksyon

May estrogen at progestin ang ibang iniksyon, tulad ng mga brand na Cyclofem at Mesigyna. Mahusay ito para sa mga babaeng gustong regular ang pagregla. Buwan-buwan binibigay ang kumbinasyong iniksyon, mas mahal kaysa sa progestin-only na iniksyon, at mas mahirap hanapin.

Hindi rin dapat gumamit ng kumbinasyong iniksyon ang mga babaeng bawal gumamit ng kumbinasyong pildoras o progestin-only na iniksyon. Kung nagpapasuso, huwag simulan ang kumbinasyon na iniksyon hanggang mag-6 na buwan ang sanggol mo, o bumalik ang pagregla, alinman sa dalawa ang mauna.

Karaniwang side effects ng kumbinasyong iniksyon:

Dahil pareho sa kumbinasyong pildoras ang laman na mga hormone, pareho din ang karaniwang side effects.

Paano gumamit ng kontraseptibong iniksyon:

Pinakamahusay na isabay mo ang unang iniksyon sa pagregla, para alam mong hindi ka buntis. Kung nagpapasuso ka at hindi pa nagsisimulang magregla, puwede mong simulan ang iniksyon anumang araw. May proteksyon ka agad laban sa pagbubuntis kung maiiniksyunan sa loob ng 5 araw sa pagsimula ng regla. Kung maibigay ito 6 o higit pang araw sa pagsimula ng regla, dapat gumamit ka ng condom o hindi makipagtalik sa susunod na 7 araw. Kailangan mong magpainiksyon tuwing 1, 2 o 3 buwan, depende sa klase ng iniksyon:

  • DMPA: tuwing 3 buwan
  • norethisterone: tuwing 2 buwan
  • Cyclofem at Mesigyna: bawat buwan

Sikaping hindi mahuli sa pagpapainiksyon. Mas nababawasan ang bisa nito habang humahaba ang pagkahuli mo. Kung mahuli ka, gumamit ng panghadlang na kontraseptibo, o huwag makipagtalik nang 7 araw matapos mainiksyunan.
manggagawang pangkalusugan o health worker na may sinasabi sa babae habang iniiniksyunan siya
DMPA ito, kaya kailangan mong bumalik pagkalipas ng tatlong buwan para sa susunod mong iniksyon.


Paghinto ng paggamit ng iniksyon:

Puwede kang huminto kailanman na gustuhin mo. Pero pagkatapos mong huminto, puwedeng tumagal ng isang taon o higit bago ka mabuntis at para bumalik sa normal ang iyong pagregla. Pero puwede rin itong bumalik nang mas maaga. Kaya kung hindi mo gustong mabuntis kaagad, kailangang gumamit ka ng ibang paraan ng kontrasepsyon.


Huling binago ang pahinang ito: 05 Ene 2024