Hesperian Health Guides
Panghadlang na paraan ng pagpaplano ng pamilya
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 13: Pagpaplano ng pamilya > Panghadlang na paraan ng pagpaplano ng pamilya
Kasama sa karaniwang panghadlang na kontraseptibo ang condom, condom para sa babae, diaphragm at spermicide.
Mga nilalaman
Condom
Kung mabutas ang condom o matanggal ang pagkakasuot sa titi, dapat lagyan agad ng babae ng spermicide ang kanyang puwerta. Kung kakayanin, gumamit ng pang-emerhensyang kontrasepsyon.
Ang condom ay isang makitid na supot na gawa sa manipis na goma. Suot ito ng lalaki sa kanyang titi habang nakikipagtalik. Dahil nasasalo sa supot ang tamod, hindi makakapasok ang semilya sa katawan ng babae.
Condom ang pinakamahusay na proteksyon laban sa mga impeksyon (INP) at HIV. Puwede itong gamitin nang mag-isa o kasabay ang ibang paraan ng kontrasepsyon. Nabibili sa maraming botika at tindahan ang condom, at madalas nakukuha sa mga health center at sa mga programa laban sa AIDS.
Ingatan na hindi mapunit ang condom sa pagbukas ng pakete. Huwag gamitin ang condom mula sa paketeng punit o tuyo, o kung naninigas o malagkit na ang condom. Hindi ito gagana.
Dapat ilagay ang condom sa titi kapag matigas na, pero bago ito madikit sa ari ng babae. Kung madikit ang titi sa ari ng babae o maipasok sa puwerta, puwedeng mabuntis o mahawahan ng impeksyon (INP) ang babae, kahit hindi pa labasan (mag-ejaculate).
Paano gamitin ang condom:
1. Kung hindi tuli ang lalaki, hilahin pababa ang balat sa tuktok ng titi (foreskin). Pisilin ang dulo ng condom at isaklob sa dulo ng matigas na titi. |
2. Habang nakapisil sa dulo ng condom, hatakin pababa ang nakarolyong condom hanggang masakluban nito ang buong titi. Ang bakanteng ispasyo sa dulo ang sasalo sa tamod. Kung hindi ka mag-iiwan ng ispasyo para sa paglabas ng tamod, mas malamang na mapunit ang condom. | |
3. Pagkatapos labasan ng lalaki, dapat niyang hawakan ang bukana ng condom at alisin palabas ng puwerta ang kanyang titi habang matigas pa. |
4. Alisin ang condom. Ingatang walang tumulo o tumapon na tamod. |
5. Ibuhol ang condom para maisara ito at idispatsa na malayo sa mga bata at hayop. |
Dapat magcondom ang babaeng kailangan ng proteksyon mula sa impeksyon (INP), kahit gumagamit ng iba pang paraan ng pagpaplano ng pamilya.
Tandaan:
- Gumamit ng condom tuwing makikipagtalik.
- Kung kaya, palaging gawa sa latex ang gamitin. Pinakamahusay ang proteksyon nito laban sa HIV. Hindi nakakaprotekta laban sa HIV ang condom na gawa sa balat ng hayop.
- Itago ang condom sa malamig at tuyong lugar na malayo sa sikat ng araw. Mas malamang na mapunit ang condom na galing sa luma o sirang pakete.
- Isang beses lang gamitin ang bawat condom. Mas malamang mapunit ang condom na nagamit na.
- Dapat madaling abutin ang lagayan ng condom. Mas malamang hindi mo gagamitin kung hihinto pa at maghahanap.
Dagdag na impormasyon
Pag-uusap tungkol sa mas ligtas na pagtatalikSa simula, maraming magpartner ang ayaw sa condom. Pero kapag nasanay na, baka madiskubre pa ang dagdag na benepisyo bukod sa pagprotekta sa hindi gustong pagbubuntis at impeksyon (INP). Halimbawa, nakakatulong sa ibang lalaki ang condom para mas matagal bago labasan.
Condom para sa babae
Mas malaki ang pambabaeng condom kaysa sa panlalaking condom, at mas malamang hindi mapunit o mabutas. Pinakamabisa ito kung nasa taas ang lalaki at nasa baba ang babae habang nagtatalik.
Ang condom para sa babae, na sukat sa loob ng puwerta at tumatakip sa panlabas na labi ng ari, ay maaaring ipasok sa puwerta anumang oras bago makipagtalik. Isang beses lang ito dapat gamitin dahil baka mapunit kung gagamitin muli. Pero kung wala ka nang ibang condom, puwede mo itong hugasan at gamitin uli nang 5 beses. Hindi dapat isabay ang condom ng babae sa condom ng lalaki.
Ang pambabaeng condom ang pinakaepektibong paraang kontrolado ng kababaihan na proteksyon kapwa sa pagbubuntis at impeksyon (INP), kasama na ang HIV. May 3 na ngayong klase ng pambabaeng condom. Mas mura ang pinakabago. Mas lapat sa katawan ng babae ang VA condom, kaya mas komportable at mas hindi maingay habang nakikipagtalik.
Habang dumadami ang taong hihiling sa nasabing paraan, mas maraming programa ang maglalabas nito.
Paano gamitin ang pambabaeng condom:
1. Maingat na buksan ang pakete.
|
2. Hanapin ang panloob na pabilog (ring), na nasa saradong dulo ng condom. | panlabas na pabilog
|
|
3. Pisilin padikit ang panloob ng pabilog. | 4. Ipasok ang panloob na pabilog sa puwerta. | 5. Itulak ng daliri papasok ng puwerta ang panloob na pabilog. Mananatili ang panlabas na pabilog sa labas ng puwerta. | |
6. Sa pakikipagtalik, giyahan ang titi papasok sa panlabas na pabilog. | 7. Tanggalin agad ang pambabaeng condom pagkatapos makipagtalik, bago ka tumayo. Pisilin at pilipitin ang panlabas na pabilog para mapanatili sa loob ng supot ang tamod ng lalaki. Maingat na hilahin palabas ang condom at idispatsa ito na malayo sa mga bata at hayop. |
Diaphragm
Kung tama ang paggamit ng diaphragm, nakakapigil ito ng pagbubuntis sa karamihan ng pagkakataon, at may kaunting proteksyon sa mga impeksyon (INP).
Ang diaphragm ay korteng mababaw na mangkok na gawa sa malambot na goma o manipis na silicone, na nasa loob ng puwerta ng babae habang nagtatalik. Tinatakpan nito ang cervix para hindi makapasok ang semilya sa matris. Dapat gamitin ito na may spermicide, pero kung wala, puwede pa rin gamitin, kaya lang hindi ito kasimbisa sa pagpigil ng pagbubuntis.
Iba't iba ang sukat ng diaphragm at makukuha sa ilang health center at family planning clinic. Puwede kang i-eksamin ng isang health worker na marunong mag-pelvic exam at hanapan ng tamang sukat.
Puwedeng magkabutas ang diaphragm, laluna kung lampas isang taon na ang paggamit. Mahusay na suriin nang madalas ang diaphragm. Palitan kapag tuyo o matigas na ang goma, o kapag may butas na ito.
Puwede itong ipasok ilang saglit o hanggang 6 na oras bago makipagseks. Kung makikipagseks ka nang lampas isang beses matapos ilagay sa loob, magdagdag ng spermicide sa puwerta bago gawin ang bawat pagtatalik, na hindi tinatanggal ang diaphragm..
Paano gamitin ang diaphragm:
1. Kung may spermicide ka, magpiga sa sentro. Bahagyang ikalat sa gilid gamit ang daliri. | 2. Pisilin patupi ang diaphragm. | 3. Ibuka ang labi ng puwerta gamit ang kabilang kamay. Itulak papasok sa puwerta ang diaphragm. Pinakamainam kung itutulak mo papunta sa iyong likod. |
4. I-check ang posisyon: ipasok ang daliri sa loob ng puwerta at kapain ang cervix sa likod ng goma ng diaphragm. Medyo solido kung kapain ang cervix, parang dulo ng iyong ilong. Dapat nakatakip sa cervix ang diaphragm. | ||
5. Kung tama ang puwesto ng diaphragm, hindi mo dapat ito mararamdamang nasa loob. | 6. Iwanan sa loob ang diaphragm nang di bababa sa 6 na oras pagkatapos makipagtalik. |
Puwedeng iwan sa loob ang diaphragm nang hanggang 24 oras. Ok gamitin kung may regla, pero kailangan mong tanggalin at linisin na kasindalas ng sanitary pad.
Pagtanggal ng diaphragm:
Ilagay ang daliri sa loob ng puwerta. Abutin ang likod ng unahang gilid ng diaphragm at hilahin pababa at palabas. Hugasan ng sabon at tubig, at patuyuin. Itapat sa ilaw at suriin kung may butas. Kumuha ng bago kung may butas, kahit maliit pa. Itago ang diaphragm sa isang malinis at tuyong lugar.
Spermicide
(kontraseptibong foam, tableta, jelly o cream)
Foam |
Tableta |
Cream o jelly |
May sari-saring anyo ang spermicide—foam, tableta at cream o jelly. Nilalagay ito sa loob ng puwerta ilang saglit bago makipagtalik. Pinapatay nito ang semilya ng lalaki bago makapasok sa matris.
Kung ito lang ang gagamitin, mas mababa ang bisa nito kaysa sa ibang paraan. Pero nakakatulong ito kung gagamitin bilang dagdag na proteksyon kasabay ng ibang paraan, tulad ng diaphragm o condom.
Nabibili sa maraming botika at tindahan ang mga spermicide. May ilang babae na nangangati o naiirita sa loob ng puwerta sa ilang klase ng spermicide.
Walang spermicide na nagpoprotekta laban sa INP. Dahil iniirita nito ang loob ng puwerta, puwedeng magdulot ng maliliit na sugat, kaya posibleng mas madaling manuot ang HIV papunta sa dugo.
Kailan ipapasok ang spermicide:
Dapat ilagay sa loob ng puwerta ang mga tableta o suppository nang 10–15 minuto bago makipagtalik. Pinakamabisa ang foam, jelly o cream kung ipapasok sa puwerta ilang saglit bago makipagtalik.
Kung lumampas nang isang oras bago makipagtalik, dagdagan ang spermicide. Magdagdag ng bagong tableta, suppository o isang applicator na puno ng foam, jelly o cream sa bawat pakikipagtalik.
Paano magpasok ng spermicide:
- Hugasan ang kamay ng sabon at tubig.
-
Paggamit ng foam. Kalugin nang mabilis, mga 20 beses, ang lalagyan ng foam. Pagkatapos, pindutin ang nozzle para mapuno ang applicator.
Paggamit ng jelly o cream, ikabit ang spermicide tube sa panlagay. Punuin ang panlagay sa pamamagitan ng pagpisil sa spermicide tube.
Paggamit ng tableta para sa puwerta. Tanggalin ang pakete at basain ito ng tubig o laway. (HUWAG ipasok ang tableta sa bibig.) - Maingat na ipasok ang panlagay o vaginal tablet sa loob ng puwerta, sa pinakaloob na kakayanin.
- Kung gumagamit ka ng panlagay, idiin hanggang dulo ang plunger. Pagkatapos, hugutin ang panlagay na wala nang laman.
- Banlawan ang panlagay sa malinis na tubig at sabon.
Iwanan sa loob ang spermicide nang di-bababa sa 6 na oras pagkatapos makipagtalik. Huwag banlawan ang loob ng puwerta (douche) o hugasan palabas ang spermicide. Kung tumagas palabas ng puwerta ang cream, magsuot ng pad, bulak o malinis na tela para maprotektahan ang iyong damit.