Hesperian Health Guides
IUD (Intra-uterine device),Mga nilalagay sa loob ng matris
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 13: Pagpaplano ng pamilya > IUD (Intra-uterine device)
Mga nilalaman
Ang IUD (IUCD, Copper-T)
Ang IUD ay isang maliit na bagay (device) na ipinapasok sa loob ng matris ng health worker o komadrona na may ispesyal na pagsasanay. Kapag nasa loob na ng matris, pinipigilan ng IUD ang semilya ng lalaki na mapertilisa ang itlog ng babae. Puwedeng manatili ang IUD sa matris nang hanggang 10 o 12 taon (depende sa klase ng IUD) bago kailangang tanggalin at palitan. Puwedeng magamit ang IUD na hindi nalalaman ng lalaki (pero minsan nararamdaman ng lalaki ang tali).
Karaniwan ay gawa sa plastik, o plastik at tanso ang IUD.
Ligtas na magagamit ng mga babaeng nagpapasuso ang IUD.
Huwag gumamit ng IUD kung hindi ka makakapunta sa isang health center o klinika na magtatanggal nito kung kinakailangan.
Huwag gumamit ng IUD kung:
- buntis o maaaring buntis.
- may impeksyon (INP) o nasa panganib na magka-INP. (Kasama rito ang sinumang babae na may higit sa isang sekswal na kapartner, o may kapartner na may iba pang mga katalik.)
- malakas ang pagdurugo at pananakit habang nagreregla (maaaring mas mabuti ang progestin IUD).
- matindi ang anemya (maaaring mas mabuti ang progestin IUD).
Maghintay nang di bababa sa 3 buwan bago gumamit ng IUD kung nagka-impeksyon ka sa tubo o matris, o impeksyon matapos manganak o magpalaglag.
Karaniwang side effects:
Puwedeng magkaroon ng kaunting pagdurugo sa unang linggo pagkaraang mag-IUD. Nagkakaroon din ang ilang babae ng mas mahaba, malakas at mas masakit na pagregla, pero madalas humihinto ito pagkatapos ng unang 3 buwan.
Paano gumamit ng IUD:
Kailangang ipasok ang IUD ng isang health worker na may ispesyal na pagsasanay, pagkatapos mag-pelvic exam. Pinakamainam magpalagay ng IUD habang nagreregla. Pagkapanganak, pinakamahusay na maghintay ng 6 na linggo bago magpalagay ng IUD, para makabalik ang matris sa normal na laki at hugis.
Kung minsan, naaalis sa puwesto ang IUD kaya nawawalan ng bisa sa pagpigil ng pagbubuntis. Importanteng matutong i-check kung nasa tamang puwesto pa ito. Karamihan ng IUD ay may 2 nakakabit na tali na nakalaylay sa puwerta. Dapat i-check ang mga tali pagkatapos ng bawat regla para matiyak na nasa puwesto pa rin ang IUD.
Paano mag-check ng tali ng IUD:
- Maghugas ng kamay.
- Manimpuho (squat) at abutin ng dalawang daliri ang loob ng puwerta sa pinakamalayong makakaya. Kapain ang tali ng IUD, pero huwag mo itong hatakin uli.
- Tanggalin ang mga daliri at maghugas.
Mga babala ng problema sa IUD:
Pelvic inflammatory disease ang pinakamalalang problema na maidudulot ng IUD. Nangyayari sa unang 3 buwan ang karamihan ng impeksyon, madalas dahil may impeksyon na ang babae nang ipasok ang IUD. Puwede rin itong mangyari dahil hindi malinis ang kondisyon sa pagpasok ng health worker sa IUD.
Kung may alinman sa mga palatandaang ito, kailangang magpatingin sa isang health worker na bihasa sa pagpasok ng IUD at paglunas sa mga komplikasyon nito, o pumunta agad sa ospital:
- Huli ang iyong regla.
- May pananakit ka sa puson o habang nakikipagtalik.
- May malakas o mabahong discharge o lumalabas mula sa puwerta.
- Masama ang pakiramdam, o may lagnat o pangangatog.
- Nawawala ang tali ng IUD, o mas maikli o mahaba kaysa dati.
- Nararamdaman ng partner mo ang IUD (hindi lang ang tali) sa pagtatalik.
Paghinto sa paggamit ng IUD:
Kapag gusto mo nang tumigil sa paggamit ng IUD, kailangan itong tanggalin ng isang bihasa na health worker. Huwag na huwag mong subukang ikaw ang magtanggal. Puwede kang mabuntis agad pagkatanggal ng IUD.