Hesperian Health Guides

Tradisyunal na paraan

Sa kabanatang ito:

May tradisyunal na paraan ang bawat komunidad para mapigilan o mapahinto ang pagbubuntis. Marami sa mga ito ang maaaring kapakipakinabang sa paglimita sa bilang ng anak ng magpartner, pero madalas ay hindi sila kasing-bisa ng mga modernong paraan. Ang ibang tradisyunal na paraan naman ay wala talagang epekto, at ang ilan ay lubhang nakakasama pa.

Tradisyunal na paraan na gumagana

babaeng nagpapasuso ng sanggol habang nakaupo sa ilalim ng puno

Withdrawal o paghugot. Sa paraang ito, hinuhugot ng lalaki ang titi niya mula sa puwerta at palayo sa ari ng babae bago siya labasan. Mas mahusay na lang ito kumpara sa walang paraan, pero hindi palaging gumagana. Minsan hindi nakakahugot ang lalaki bago siya labasan. Kahit na mahugot sa tamang panahon, maaaring bago pa siya labasan, may likidong tumagas na mula sa titi na may semilya na makakabuntis.

Paghiwalay ng magpartner pagkatapos manganak. Sa maraming komunidad, hindi nagtatalik ang magpartner sa loob ng ilang buwan o taon pagkapanganak. Dahil dito, nabibigyan ng mas mahabang panahon ang ina na maalagaan ang bagong sanggol at makabawi ng lakas na walang pangambang magbuntis muli.

Pagtatalik na hindi pinapasok ang ari. May mga paraan din ng pagtatalik na hindi makakabuntis. Ang oral sex (bibig sa ari) at sekswal na paghipo (paghipo sa ari o ibang bahagi ng katawan) ay parehong sekswal na aktibidad na kasiya-siya sa maraming magpartner. Mababa ang tsansa ng mga ito na magpasa ng HIV at iba pang impeksyon. Hindi rin makakabuntis ang anal sex (ari sa puwit), pero madali nitong maipasa ang HIV at iba pang impeksyon.

Ang pag-iwas sa lahat ng pakikipagtalik na pinapasok ang ari ng lalaki sa ari ng babae ang pinakatiyak na paraan na makaiwas sa pagbubuntis, pero malamang mahirap gawin sa mahabang panahon.

Mga tradisyunal na paraan na hindi gumagana o maaaring makasama

  • Hindi nakakapigil ng pagbubuntis ang mga pangitain at salamangka o mahika.
  • Makakapagdulot ng impeksyon at iritasyon ang paglalagay ng damo, dahon, butil at dumi ng hayop sa loob ng puwerta.
  • Hindi nakakapigil ng pagbubuntis ang paghuhugas ng loob ng puwerta (douching) sa pamamagitan ng halamang gamot o pulbos. Mabilis gumalaw ang semilya at may ilang makakaabot sa loob ng matris bago pa ito mahugasan palabas.
  • Hindi nakakapigil sa pagbubuntis ang pag-ihi pagkatapos makipagtalik. (Pero maaari itong makatulong sa pagpigil ng impeksyon sa sistema ng ihian.)


Huling binago ang pahinang ito: 05 Ene 2024