Hesperian Health Guides

Natural na paraan ng pagpaplano ng pamilya

Sa kabanatang ito:

May 3 paraan para maiwasan ang pagbubuntis na hindi kailangan ng anumang gamit o kemikal (tulad ng panghadlang na kontraseptibo) o gamot (tulad ng hormonal na kontraseptibo). Ito ang:

  • pagpapasuso sa unang 6 na buwan
  • mucus method
  • pagbibilang ng araw na paraan
MAHALAGA! Hindi nagpoprotekta ang natural na paraan laban sa mga INP, kasama na ang HIV. Kung gagamitin mo ang anuman sa natural na paraan dito, kailangan mo pa ring pagisipan ang pagprotekta sa sarili mula sa mga INP.

Pagapasuso sa unang anim na buwan (lactational amenorrhea method, LAM)

Sa ilang mga kondisyon, ang pagpapasuso ay pumipigil sa obaryo na maglabas ng itlog. Walang gastos ang paraang ito, pero pinakaepektibo lang sa unang 6 na buwan pagkatapos magsilang.


Paano gamitin ang pagpapasuso para pigilan ang pagbubuntis:

Mabisang paraan lamang ng pagpaplano ng pamilya ang pagpapasuso kung totoo ang tatlong kondisyong ito:
1. Wala pang 6 na buwan ang sanggol mo. maliit na sanggol na nakahiga 2. Hindi ka pa niregla mula nang manganak. tela o pad na may dugo at may malaking X na nakadrawing
3. Gatas mula sa suso lang ang pinapakain mo sa sanggol, at pinapasuso mo siya tuwing magugutom sa araw at gabi—na hindi lalampas sa 6 na oras ang pagitan ng bawat pagpapasuso. Hindi nakakatulog nang buong gabi ang sanggol mo na hindi sumususo.

Gumamit ka ng ibang paraan ng kontrasepsyon na ligtas isabay sa pagpapasuso kapag nangyari ang alinman sa mga bagay na ito:
babaeng nagpapasuso sa sanggol
  • Lampas na sa 6 na buwan ang sanggol mo, o kaya
  • Nagsimula na ang pagregla mo, o kaya
  • Nagsimula nang uminom ng ibang gatas o kumain ng ibang pagkain ang sanggol mo, o matulog nang lampas sa 6 na oras sa gabi, o kaya
  • Kailangan mong malayo sa sanggol nang lampas sa 6 na oras at hindi mo kayang maglabas ng gatas mula sa iyong suso sa panahong iyon.

Ang mucus method at ang pagbibilang ng araw na paraan

Nangangailangan ang lahat ng mga paraang ito ng kooperasyon ng lalaki, kung hindi’y papalya ito.

Dagdag na impormasyon
pagtatalik na hindi sa puwerta

Para magamit ang alinman sa mga paraang ito, kailangang maintindihan mo kung kailan ka mabunga o puwedeng mabuntis (fertile) sa buwanang siklo. Tinatawag din itong ‘fertility awareness’. Tapos, para maiwasan ang pagbubuntis, dapat hindi kayo magtalik ng kapartner mo, o gumamit ng panghadlang na kontraseptibo sa mga araw na puwede kang mabuntis.

Dahil walang gastos o side effects, puwede itong gamitin ng babaeng hindi kaya o ayaw gamitin ang ibang paraan, o kung walang ibang paraan na makukuha.

lalaking nakahawak at may sinasabi sa babae na sa iba nakatingin at mukhang malungkot
Sawa na ‘ko sa kahihintay!

Para mas epektibong magawa ang paraang ito, kailangang bumisita kayong magpartner sa isang health worker na may ispesyal na pagsasanay para matuto tungkol sa katawan at pertilidad. Madalas ay kailangan ng 3–6 na buwan ng praktis para matuto sa mga paraang ito.

Hindi gaanong mabisa ang mucus method at pagbibilang ng araw kung:

  • maliit ang kontrol mo kung kailan makikipagtalik. Sa mga panahong puwedeng mabuntis, dapat handa ang partner mo na maghintay at hindi makipagtalik, o gumamit ng condom o iba pang panghadlang na kontraseptibo.
  • pabagu-bago bawat buwan ang mga palatandaan mo na puwedeng mabuntis. Hindi mo malalaman kung kailan ka fertile.
  • bago ka lang nanganak o nakunan. Mahirap malaman sa mga panahong ito kung kailan ka puwedeng mabuntis.


Ano ang dapat mong malaman tungkol sa siklo ng pertilidad ng babae:

  • Naglalabas ang babae ng isang itlog bawat buwan.
  • Nilalabas ang itlog mula sa obaryo mga 14 na araw bago ang susunod na pagregla.
  • Nabubuhay ang itlog ng mga 24 oras (1 araw at 1 gabi) matapos makalabas mula sa obaryo.
  • Maaaring mabuhay ang semilya ng lalaki ng hanggang 2 araw sa loob ng katawan ng babae.

Mucus Method

Para magamit ang mucus method, kailangan bigyan ng matamang pansin ang mucus (pamamasa) sa loob ng puwerta. Gumagawa ng basang mucus ang katawan sa panahon na puwedeng mabuntis para matulungan ang semilya na makapasok sa matris. Kaya kung susuriin ang mucus araw-araw, malalaman mo kung kailan ka nagiging fertile o puwedeng mabuntis, at puwedeng umiwas sa pakikipagtalik sa panahong iyon.

Paano malaman kung puwede kang mabuntis:

babaeng nakatingin sa mucus sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo
1. Ipahid ang daliri o piraso ng tela sa labas ng puwerta.
2. Kung may mucus, maglagay sa pagitan ng dalawang daliri. Ano’ng katangian nito? Basa ba at madulas? Tuyo ba at madikit?
basang mucus na nababanat sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo

malinaw, basa at madulas na mucus =
puwedeng mabuntis (fertile)


tuyong mucus sa hinlalaki at hintuturo

maputi, tuyo at madikit na mucus =
hindi puwedeng mabuntis
Paano gamitin ang mucus method:
  • Huwag makipagtalik anumang araw na nakikita o nararamdaman ang pamamasa o mucus. O kung gustong makipagtalik sa mga araw na iyon, gumamit ng condom o diaphragm na walang spermicide (ito lang ang mga paraan na hindi bumabago sa mucus).
  • Huwag makipagtalik hanggang 2 araw matapos ang huling araw ng malinaw at madulas na mucus.
  • Huwag makipagtalik habang may regla. May maliit na posibilidad na puwede kang mabuntis pero hindi mo kayang alamin.
  • Huwag banlawan o hugasan ang loob ng puwerta (douche) anumang panahon. Tatangayin nito ang mucus.
  • Kung nahihirapang malaman kung kailan puwedeng mabuntis, o kung may impeksyon sa ari, gumamit ng ibang paraan.

Pagbibilang ng Araw na Paraan

Sa pagbibilang ng araw na paraan, hindi ka makikipagtalik sa alinmang araw na maaaring kang mabunga o fertile. Magagamit lang ang paraang ito kung regular ang regla mo na mula 26 hanggang 32 araw ang pagdating o siklo. Ibig sabihin, mula unang araw ng regla mo hanggang sa unang araw ng susunod na pagregla, dapat hindi bababa sa 26 araw, at hindi lalampas sa 32 araw.

babaeng nag-iisip habang nagbibilang sa daliri
Nagsimula akong magregla 8 araw ang nakaraan. Kaya hindi tayo puwedeng magtalik ngayon, o sa susunod na 10 araw.
Mabuti pa doon muna ako sa bahay ni Ate.

Madalas gumagana ang paraang ito kung halos pareho ang bilang ng araw ng bawat buwanang pagdating ng regla (regular ang dating o siklo). Pero kung may isang siklo na iba ang haba, madali kang mabuntis. Karaniwan sa babae na magbago ang haba ng siklo kung may sakit siya o maraming tensyon o kagipitan. Kaya kung may sakit ka o problemado, pinakamabuti sa iyo na gumamit ng ibang paraan ng kontrasepsyon hanggang sa gumaling ka at bumalik sa normal ang iyong siklo.

Paano gamitin ang pagbibilang ng araw na paraan: Para gumana ang paraang ito, hindi ka puwedeng makipagtalik mula ika-8 araw hanggang sa ika-19 na araw ng iyong siklo. Kung makikipagtalik ka sa panahong iyon, kailangan mong gumamit ng ibang paraan ng pagpaplano ng pamilya.

Puwede kang gumamit ng beads, chart, o iba pang pantulong para matandaan mo ang mga araw na mabunga ka. Gumawa ng kuwintas na may 32 beads na may 3 iba’t ibang kulay. Bawat kulay ay kakatawan sa ibang bahagi ng iyong siklo.
kuwintas na may 32 butil, na may pantanda sa unang butil na kulay asul
Isang pulang bead ang magmamarka sa unang araw ng iyong regla.
13 asul na beads ang palatandaan ng mga araw na karaniwan hindi tutungo sa pagbubuntis ang pagtatalik
6 na asul na beads ang magmamarka ng mga araw na karaniwan hindi tutungo sa pagbubuntis ang pagtatalik.
12 puting beads ang palatandaan ng iyong mabunga o fertile na panahon — kung kailan puwedeng magbuntis kung makikipagtalik.
babaeng may hawak na kuwintas ng mga butil na may iba’t ibang kulay
Sa unang araw ng iyong pagregla, lagyan ng nakapalibot na goma o tali ang pulang bead. Bawat araw, iusog ang nakapalibot nang isang bead. Kapag nakaabot sa puting bead ang nakapalibot na goma o tali, maaari ka nang mabuntis kung makikipagtalik. Tuwing magsisimula ulit ang regla mo, ilipat sa pulang bead ang nakapalibot na goma o tali.



Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017