Hesperian Health Guides
Kabanata 12: Sekswal na kalusugan
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 12: Sekswal na kalusugan
Matagal na kaming ignorante at puno ng pangamba tungkol sa aming katawan.
Bahagi ng buhay ang pagtatalik. Para sa maraming babae, paraan ito para makadama ng kasiyahan, magpahayag ng pagmamahal o sekswal na pagnanasa sa partner nila, o mabuntis at magkaroon ng pinapangarap na anak. O baka simpleng bahagi ng pagiging babae ang pagtatalik.
Puwedeng maging importante at positibong parte ng buhay ang pagtatalik, pero maaari ding tumungo sa seryosong mga problema, tulad ng pagbubuntis na di-ginusto o mapanganib sa buhay, delikadong impeksyon, o pinsala sa katawan at isip mula sa puwersadong pagtatalik.
Karamihan sa problemang ito ay maiiwasan. Pero sa maraming komunidad, hirap ang kababaihan na matamo ang magandang sekswal na kalusugan dahil sa nakakapahamak na mga paniniwala sa kahulugan ng pagiging babae. Para magkaroon ng magandang sekswal na kalusugan, kailangang kaya ng isang babae na:
- magpahayag ng sekswalidad sa paraang kasiya-siya sa kanya.
- pumili ng sekswal na kapartner.
- makipagkasundo kung kailan at paano makikipagseks.
- pumili kung magbubuntis, at kung kailan.
- iwasan ang mga INP, laluna ang HIV/AIDS.
- maging malaya mula sa sekswal na karahasan, kasama na ang sapilitang pakikipagseks.
Ang kabanatang ito ay nagbibigay ng impormasyon at mungkahi kung paano gawing mas ligtas at kasiya-siya ang pakikipagtalik. Nagmumungkahi din ito ng ilang paraan ng sama-samang pagkilos ng kababaihan para pangibabawan ang mga nakakapinsalang paniniwala at mapahusay ang kalusugang sekswal.