Hesperian Health Guides

Papel batay sa kasarian at gender

Sa kabanatang ito:

Pinapanganak ang bawat tao na may katawan ng babae o ng lalaki. Ang pagkakaiba sa katawan ang nagtatakda sa kasarian (sex) ng tao.

Iba naman ang papel batay sa gender (gender role) ng isang tao. Pagtatakda ito ng komunidad kung paano ang pagiging babae at lalaki. Umaasa ang komunidad sa bawat tao na mag-isip, makadama at kumilos sa takdang paraan, dahil lang sa sila’y babae o lalaki. Sa maraming komunidad, halimbawa, babae ang inaasahang maghanda ng pagkain, mag-ipon ng tubig at panggatong, at mag-alaga sa mga anak at kapartner. Madalas naman, lalaki ang inaasahang magtrabaho sa labas ng bahay para suportahan ang pamilya at mga magulang sa pagtanda, at magtanggol sa pamilya mula sa kapahamakan.

Di tulad ng pisikal na pagkakaiba sa pagitan ng lalaki at babae, gawa ng komunidad ang gender role. Sa maraming komunidad, ang gawain tulad ng paglalaba at pagpaplantsa ay tinuturing na ‘pambabae’. Pero ang ibang gawain ay paiba-iba ang pagtrato— depende sa mga tradisyon, batas at relihiyon. Puwede pa ngang maiba ang mga papel na ito sa loob ng iisang komunidad, batay sa edukasyong naabot, katayuan o edad. Halimbawa, sa ilang komunidad, inaasahan sa gawaing bahay ang mga babaeng mula sa isang uri o katayuan, samantalang mas maraming trabaho ang puwedeng pagpilian ng iba.


lalaking nagtatrabaho gamit ang martilyo at mga pako Sa karamihan ng komunidad, inaasahang iba ang damit ng babae sa lalaki, at iba rin ang trabaho. Bahagi ito ng gender role (papel). babaeng naghahanda ng pagkain habang nakatalukbong ang ulo at mukha

Paano natututunan ang mga gender role

Ipinapasa mula sa magulang papunta sa anak ang mga gender role. Mula sa napakabatang edad, magkaiba na ang trato ng magulang sa babae at lalaki—sa paraang hindi na pinag-iisipan. Masusing sinusubaybayan din ng mga bata ang kanilang mga magulang—ang gawi, pagtrato sa isa’t isa, at mga papel sa komunidad.

Sa paglaki, tinatanggap ng mga bata ang mga naturang papel para pasiyahin ang mga magulang, at dahil mas may kapangyarihan ang mga ito. Tumutulong din ang mga gender role na malaman ng mga bata kung sino sila, at kung ano ang inaasahan sa kanila.

Habang nagbabago ang mundo, nagbabago rin ang mga papel batay sa gender. Maraming kabataan ang gustong mamuhay nang iba sa kanilang magulang. Mahirap nga minsan ang magbago. Pero habang inilalaban ng kababaihan na baguhin ang kanilang gender role, makakakuha sila ng higit na kontrol sa mga bagay na nagtatakda ng kalusugang sekswal.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017