Hesperian Health Guides

Pagkilos para sa pagbabago

Sa kabanatang ito:

Aktibidad para mapbuti ang kausugang sekswal

Para mapabuti ang kalusugang sekswal, kailangang alisin ang mga hadlang dito, pati ang mga nakakapinsala na gender role. Matagal na proseso ito na maaaring ilang henerasyon abutin, pero sa atin mag- sisimula ang pagbabago. Sa maraming komunidad, may mga babaeng bumuo ng mga grupo para pag-isipan at pag-usapan ang mga isyung ito. Narito ang 3 aktibidad para magbunsod ng pag-iisip at aksyon.

Aktibidad Paglalakbay sa nakaraan

Ang damdamin natin sa sekswalidad bilang babae ay naayon sa mga paniniwalang itinuro sa pagkabata at mga karanasan natin sa buhay. Para mapaunlad ang kasiya-siya at malusog na sekswalidad, importanteng maintindihan ang mga paniniwala at damdamin natin sa pagiging babae. Maaring gamitin ang aktibidad na ito kasama ang grupo ng mga babae para simulang pag-isipan ang mga papel batay sa gender.

Importanteng bigyan ang aktibidad na ito ng sapat na oras at payapang paligid. Baka lumabas ang mga matinding damdamin, kaya mas maige na lubos na magkakilala ang kalahok, o sanay sa pagtalakay ng personal na usapin ang grupo o ang tagapadaloy. Makakatulong din ang paggawa ng mga patakaran para mapalagay ang lahat (halimbawa, walang sasabad, o tatawa, o magsasabi sa iba ng mga napag-usapan ng grupo).

Iayos nang pabilog at komportable ang grupo. Sabihan na sila’y maglalakbay sa nakaraan. Ang tanawin ay ang kasaysayan ng kanilang sekswalidad. Pipikit, hihinga nang malalim, at iisipin noong sila’y mga maliit na batang babae. Sa malumanay na boses, magtanong ng mga katulad sa ibaba. (Ibagay sa grupo ang mga tanong). Hindi kailangang sabihin ang sagot, aalalahanin lang. Bigyan ng ilang minutong patlang ang bawat tanong:

  • Paano mo unang nakuha na iba ang pagiging babae sa pagiging lalaki?
  • Ano’ng naramdaman mo sa unang pagregla? Ano ang nasabi sa iyo bago dumating ito?
  • Kumusta ang una mong pakikipagtalik? Ano sana ang inaasahan mo?
  • Nag-aalala ka na ba na meron kang INP? Humingi ka ba ng tulong?
  • Nanganak ka na ba? Paano ito nakaapekto sa damdamin mo sa sekswalidad? Habang buntis ka, inasam mo bang maging babae o lalaki ang anak? Bakit?
  • Balik sa kasalukuyan, ano ang damdamin mo sa iyong sekswal na buhay?

Sabihan silang dumilat. Ngayong naala na nila ang ilang paghakbang sa kasaysayan ng sekswalidad, hikayatin silang ibahagi ito. Maghanda sa pagbigay ng emosyonal na suporta sakaling may mangailangan. Tapos ay ipasuri ito sa grupo:
  • Ano ang nagtatakda sa pagiging babae? Ano ang nagtatakda sa pagiging lalaki?
  • Paano mo natutunan ang kahulugan ng pagiging babae o lalaki?
  • Ano ang gusto mo sa pagiging babae? Ano ang hindi mo gusto?
  • Kung mapapanganak ka ulit na lalaki, gagawin mo ba? Bakit oo, bakit hindi?
Kung sobrang negatibo ang mga nasabi, bago matapos, hikayatin ang lahat na magbahagi ng kahit isang bagay na gusto nila sa pagiging babae. Mahirap man maging babae, hinuhubog tayo ng araw-araw na pagsisikap na maging malakas at matulungin sa iba. Tapusin sa tanong na ano ang gusto nilang baguhin para maiba ang hinaharap ng kanilang anak na babae. Ano’ng pagkilos ang gagawin nila?


Aktibidad Imahe ng mga babae sa popular na kultura

batang babaeng nakatingin sa poster na may magandang babaeng naninigarilyo

Kung alam ng tao ang paraan ng paglaganap ng mga nakakapinsalang ideya sa sekswalidad at gender role, makakapag-isip sila kung paano ito babaguhin. Sa aktibidad na ito, masusuri kung paano nagtuturo ng gender role ang radyo, sine, sikat na kanta at patalastas.

  1. Makinig sa ilang sikat na kanta sa radyo (i-rekord na kung may tape recorder), o ipakanta o ipaarte sa grupo. Makinig mabuti sa sinasabi ng kanta. Paano nilalarawan ang mga babae’t lalaki? May kinakalat bang mga ideya tungkol sa papel at sekswalidad ng kababaihan? Magpasya bilang grupo kung nakakatulong o nakakasama sa kababaihan ang bawat mensahe tungkol sa gender.
  2. Bumuo ng maliit na mga grupo. Bigyan ang bawat grupo ng patalastas na ginupit mula sa magasin o dyaryo, o kinopya mula sa billboard (pumili ng may babae). Tutukuyin ng bawat grupo ang sinasabi ng patalastas sa papel at sekswalidad ng kababaihan. Pagkatapos, magsama-sama ulit at ibahagi sa lahat ang mensahe ng bawat patalastas. Magpasya bilang grupo kung nakakasama o nakakabuti ito sa kababaihan.
  3. Talakayin ang pagpalaganap ng mga mensahe tungkol sa kababaihan ng radyo, kanta at patalastas. Paano ito nakakaimpluwensya sa atin, sa ating mga asawa at anak?
  4. Tukuyin ang mga ideya tungkol sa papel at sekswalidad ng kababaihan na mahalaga at makakatulong na palaganapin. Paano masasabi ang mga ideyang ito sa mga patalastas, kanta at sine? Ipagawa sa maliliit na grupo ang pagdrowing ng patalastas, o paghanda ng kanta o maikling dula na nagtuturo ng nakakatulong at malusog na mga ideya tungkol sa kababaihan. Ipaprisinta sa bawat grupo ang kanilang ginawa.

Aktibidad Pagkilala sa mga balakid sa sekswal na kalusugan

Importanteng matukoy ang mga hadlang sa ligtas na pagtatalik. Sa aktibidad na ito, mapapakita ang ilang dahilan bakit hirap ang mga babae na protektahan ang sarili.

  1. Simulan sa pagkukuwento, tulad ng “Kuwento ni Fatima”. Talakayin ang buhay ni Fatima at Emanuel na parang nakatira sila sa inyong komunidad.
  2. nakangiting mga babae at lalaking may hawak na karatulang nagsasabi: “Paglarawan + pagkilos = pagbabago.”
  3. Magtalakayan sa kahalagahan ng pag-unawa sa mga peligro ng seks. Simulan sa pagtatanong, gaya ng: Bakit hindi nagproteksyon sa sarili si Fatima laban sa AIDS? Ano ang mga problema ng babaeng gaya ni Fatima kapag sinubukan nila ang mas ligtas na pagtatalik? Bakit hirap ang mga babae na makipag-usap sa kapartner tungkol sa mas ligtas na pagtatalik? Ano ang puwedeng gawin ng mga babae para kumbinsehin ang mga partner nila sa mas ligtas na pagtatalik?
  4. Pag-usapan kung ano ang magagawa sa inyong komunidad para matulungan ang mga babaeng tulad ni Fatima. Talakayin kung paano ninyo malalampasan ang mga balakid sa mas ligtas na pagtatalik sa inyong komunidad. (Tingnan sa mga ideya sa iba’t ibang paraan ng pagkilos para sa mas ligtas na pagtatalik).

Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017