Hesperian Health Guides

Pagkilos para sa pagbabago

Sa kabanatang ito:

Kung maiiwasan ang INP, mapoprotektahan kayong magpartner mula sa mga malalang sakit at pagkabaog.

Paano maiwasan ang mga INP

WWHND10 Ch16 Page 279-2.png
condom na panlalaki
WWHND10 Ch16 Page 279-1.png
condom na pambabae
Isa lang ang gamitin kung magtatalik—huwag pagsabayin.
  • Kung ayaw mag-condom ng partner mo, maaring gumamit ka ng diaphragm, na may kaunting proteksyon laban sa INP,laluna gonorrhea at chlamydia.
  • Hugasan ang labas ng ari pagkatapos makipagtalik.
  • Umihi matapos makipagtalik.
  • Huwag banlawan ng tubig (douching) o hugasan ng sabon ang loob ng puwerta, o gumamit ng halaman o powder para patuyuin ang puwerta. Sumisira ito sa natural na pamamasa na nagpapanatili sa kalusugan ng puwerta. Kapag tuyo ang puwerta, maaari itong mairita habang nakikipagtalik, kaya nagiging mas madali na maimpeksyon ng HIV at iba pang INP.
  • Puwedeng mag-oral sex (ari sa bibig) o iba pang sekswal na paghipo sa halip na ipasok ang titi sa puwerta.

Pagkilos para sa mas ligtas na pagtatalik sa komunidad

Isang problemang pangkalusugan para sa buong komunidad ang mga INP. Para makatulong na iwasan ang mga INP sa komunidad, maaaring:

  • magturo sa kalalakihan at kababaihan tungkol sa mga panganib sa kalusugan nila at ng pamilya mula sa mga INP. Tiyempuhan ang pagtitipon ng mga babae, halimbawa sa palengke o habang naghihintay sa health center, para magpaliwanag kung paano naipapasa ang mga INP, at paano ito maiiwasan.
  • makipagtulungan sa iba na maghanap ng pangkumbinse sa mga lalaki na mag-condom. Mag-ensayo sa grupo kung ano ang sasabihin sa kapartner para mag-condom siya

WWHND10 Ch16 Page 280-1.png
Maipapaliwanag mo kung ano ang condom at maeensayo ang pagsuot nito sa pamamagitan ng saging
apat na babaeng nakaupo nang magkakatabi; nagsasalita ang isa, tapos ang isa naman
Kung sabihin niyang hindi kasingsarap kung may condom...
Sasabihin kong mas tatagal ka nga, kaya pareho tayong masasarapan.

  • gawing abot-kamay ang latex na condom sa inyong komunidad. Sikaping magkaroon ng libre o murang condom sa mga lokal na tindahan, bar at kainan, health worker at health center.
  • magsanay ng mga lalaki na makakapagturo sa ibang lalaki sa komunidad tungkol sa condom.
  • mag-organisa ng grupo sa komunidad para pag-usapan ang mga problema sa kalusugan, kasama na ang mga INP, HIV at AIDS. Ipaliwanag na makakatulong din ang pag-iwas sa INP para mapigilan ang pagkalat ng HIV at AIDS.
  • suportahan ang edukasyon tungkol sa seks sa inyong mga lokal na paaralan. Tulungang maintindihan ng mga magulang na sa pagtuturo sa mga bata tungkol sa INP, kasama na ang HIV/AIDS, magagabayan sila na gumawa ng ligtas na desisyon sa hinaharap kapag magsimula na silang makipagtalik.
  • hikayatin ang mga kabataan na magturo sa kanilang kaibigan tungkol sa INP, kasama na ang HIV/AIDS.
Pagkatapos makipag-usap ng isang health worker sa grupo ng kababaihan sa komunidad tungkol sa mga INP at AIDS, nagsimula kaming magkuwentuhan tungkol sa aming buhay. Sa simula, nagsabi ang ilang babae na wala raw silang dapat alalahanin. Pero habang humahaba ang usapan, mas nakikita naming dapat mag-isip-isip ang bawat babae at lalaki tungkol sa INP at AIDS.
apat na taong umaarte sa isang dula sa entablado
Pinag-isipan namin kung paano mapagamit ng condom ang mga lalaki, at nagpasya kami na kailangang ituro sa buong komunidad ang panganib ng INP at AIDS, at kung paano ito maiiwasan. Nagbuo kami ng dula at kumuha ng mga tao sa komunidad para umarte. Gumawa kami ng ispesyal na tauhan— si “Kumander Condom”— na sasagip sa pamamagitan ng condom. Lahat ay pumunta para manood. Natuwa ang mga tao at natuto rin. Ngayon, nagbibiruan ang mga lalaki tungkol kay “Kumander Condom,” pero mas bukas na rin sila sa paggamit nito.


— Oaxaca, Mexico

Para sa health worker:
  • Alamin mula sa inyong lokal na health center, ospital o Kagawaran ng Kalusugan kung anong gamot ang pinakamabisang panlunas sa INP sa inyong komunidad.
  • Sikaping magtayo ng botika sa komunidad para mas madaling makakuha ang mga tao ng gamot, latex na condom at spermicides.
  • Makipag-usap sa mga taong natitingnan mo na may INP. Bigyan sila ng mahusay na impormasyon kung paano ito gagamutin, paano iiwasan na makahawa sa iba, at paano iiwasan na maimpeksyon muli. Tiyaking magamot din ang kapartner nila.
  • Isama ang impormasyon hinggil sa pag-iwas sa mga INP at HIV/AIDS sa mga programa sa pagpaplano ng pamilya.
  • Huwag husgahan o sisihin ang mga hihingi sa iyo ng tulong para sa INP.
  • Igalang ang privacy (o karapatang sarilinin ang impormasyon) ng mga taong may INP o iba pang problema sa kalusugan. Huwag na huwag ikuwento ang problema nila sa iba.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017