Hesperian Health Guides
Paggamit ng gamot para sa INP
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 16: Impeksyon na naihahawa sa pagtatalik (INP) at iba pang impeksyon sa ari > Paggamit ng gamot para sa INP
Bago gumamit ng anumang medisina, basahin muna ito sa mga “Berdeng Pahina”. May dagdag na impormasyon doon na dapat mong malaman.
May mga babalang nilagay sa kabanatang ito kung hindi dapat gamitin ang isang gamot ng babaeng buntis o nagpapasuso. Kung walang babala ang gamot, ligtas itong gamitin.
Sa kabanatang ito, nagrekomenda kami ng mga gamot para sa iba’t ibang INP. Tandaan na sa karamihan ng tao, sabay-sabay ang pagkapit ng higit sa isang klase ng impeksyon, kaya madalas kailangan gumamit ng higit sa isang gamot. Anumang gamot ang piliin mo, tiyakin na tama ang paggamit.
Iba’t ibang klase ng gamot ang binebenta sa iba’t ibang bahagi ng mundo, at maaaring magkakaiba ang presyo. Dahil dito, puwedeng may mga gamot na wala sa inyong lugar, o may kapalit na gamot na mas mabisa at mas mura.
Maaaring kailangan mo rin ng ibang gamot kapag:
- buntis ka o nagpapasuso, at hindi ligtas gamitin ang gamot sa panahong ito.
- may resistensya na sa gamot ang INP na gustong lunasan.
- may allergy ka sa gamot. May allergy ang ibang tao sa gamot tulad ng penicillin o sulpha antibiotics. Tingnan "Mga klase ng gamot" kung paano magpalit ng mga antibiotics.
Resistensya sa gamot' at mga medisina para sa INP
Kung hindi ka tiyak kung anong gamot ang pinakamainam para sa isang problema, sikaping kumonsulta sa isang health worker o pharmacist na nakakaalam sa impormasyong ito.
Sa paggamit ng antibiotics para lunasan ang mga INP, HIV/AIDS at iba pang sakit, napakahalagang ubusin ang lahat ng gamot. Kung hindi gagamit ng sapat na tamang gamot—o hihinto bago matapos ang takdang gamutan—hindi napapatay ang lahat ng mikrobyong sanhi ng impeksyon. Natitira at dumarami ang pinakamalakas na mikrobyo, kaya tumutubo ang mas malakas na klase ng sakit.
Kaya nawawalan ng bisa ang gamot na dati’y tumatalab. Ito ang ‘resistensya sa gamot.’ Kaya sa maraming lugar, may resistensya na ang gonorrhea (tulo) sa mga gamot na karaniwang panlaban dito. Tanungin ang health worker kung may resistensya sa gamot sa inyong lugar, at anong gamot sa lokalidad ang pinakamahusay na panlaban sa INP.