Hesperian Health Guides
Bakit seryosong problema sa kababaihan ang mga INP
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 16: Impeksyon na naihahawa sa pagtatalik (INP) at iba pang impeksyon sa ari > Bakit seryosong problema sa kababaihan ang mga INP
Mas mahirap makita ang palatandaan ng INP sa babae kaysa sa lalaki dahil sa babae, nasa loob ng katawan ang karamihan ng INP. Kaya madalas mas mahirap malaman kung may impeksyon ang babae sa ari—at lalong mahirap tukuyin kung ano ang impeksyon niya.
Mga nilalaman
Dagdag na impormasyon
sekswal na kalusuganpag-uusap tungkol sa mas ligtas na pagtatalik
Bakit maraming babae ang nagkaka-INP?
Puwedeng mahirap sa babae na protektahan ang sarili mula sa INP. Madalas, kailangan niyang makipagtalik tuwing gusto ng kapartner. Maaaring hindi niya alam kung may ibang katalik ang partner niya, o kung may INP ito. Kung may ibang katalik ang lalaki na may INP, maaaring mahawahan ang kanyang asawa.
Maaaring hindi makumbinse ng babae na gumamit ng condom ang partner niya. Latex na condom ang pinakamahusay na proteksyon sa magpartner, pero dapat bukas sa paggamit ang lalaki.
Maaring meron kang INP kung meron kang isa o higit pa sa mga senyales na ito:
- di karaniwan o mabahong discharge
- pangangati ng ari
- masakit na ari
- sugat o butlig sa ari
- pananakit ng puson o masakit na pakikipagtalik
Ano'ng gagwin kung may palatandaan ng INP o nasa panganib na magka-INP
Ang kakulangan ng mura at eksaktong test para sa mga INP ang isa sa malalaking problema ng kababaihan. Tumutungo ito sa paggamit nila ng gamot na hindi kailangan, mahal, at may side effects.
Kung may palatandaan ka ng INP o tingin mo ay nasa panganib kang mahawa, simulan mo kaagad ang paglunas. Kaya lang, ang mga test para sa INP ay wala sa maraming lugar, maaaring mahal, at hindi palaging tama ang resulta
- Gamutin agad ang impeksyon. Kung may mga palatandaan ka na nasa kabanatang ito, sundin ang nakasaad na paggamot.
- Huwag hintaying lumala ang sakit. Proteksyon sa iyo ang maagang paggamot para hindi magbunga sa huli ng mas seryosong problema, at makakapigil na kumalat ang impeksyon sa iba.
- Magpa-testing kung mayroon nito. Puwedeng may impeksyon ka pero walang palatandaan.
- Tulungan ang iyong kapartner na sumabay sa iyo sa pagpapagamot. Kung hindi, papasahan ka niya uli ng impeksyon kapag nagtalik kayo.
- Ugaliin ang mas ligtas na pagtatalik. Puwede kang magkaroon uli ng INP o HIV/AIDS kung hindi mo poprotektahan ang sarili.
- Sikaping matesting para sa HIV. Madalas magkasabay na may INP at HIV.
- Bilhin at gamitin ang lahat ng gamot ayon sa rekomendasyon dito. Kahit mawala na ang mga palatandaan, hindi ka gagaling kung hindi bibigyan ng tamang haba ng paggana ang gamot.
Kung hindi mawawala ang palatandaan matapos gamitin ang lahat ng gamot, magpatingin sa health worker. Puwedeng iba ang sanhi ng pananakit at discharge, halimbawa kanser.