Hesperian Health Guides
Pagsusugat (sores) sa ari
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 16: Impeksyon na naihahawa sa pagtatalik (INP) at iba pang impeksyon sa ari > Pagsusugat (sores) sa ari
Mga nilalaman
Pangkaraniwang mga pagusugat sa ari
Naihahawa sa pagtatalik ang karamihan ng mga pagsusugat o ulser sa ari. Maaaring mahirap malaman kung anong sakit ang sanhi ng mga pagsusugat dahil madalas magkamukha yung mula sa syphilis at chancroid. Kaya pinakamabuti na mga gamot para sa dalawang INP na ito ang ibigay kung pagsusugat sa ari ang nilulunasan (tingnan ang kahon sa sa ibaba).
Syphilis
Isang malubhang INP ang syphilis. May mga epekto ito sa buong katawan at puwedeng tumagal ng ilang taon. Dulot ito ng bacteria na masusugpo ng gamot kung lulunasan kaagad.
Palatandaan:
- Unang palatandaan nito ang isang maliit, hindi masakit na sugat na puwedeng mukhang taghiyawat, patag (flat) at namamasang kulugo, o bukas na pagsusugat. Tumatagal ng ilang araw o linggo ang sugat at pagkatapos kusang nawawala. Pero patuloy na kumakalat sa buong katawan ang sakit.
Kung nagkaroon ka na ng bukas na pagsusugat sa iyong ari na hindi nagamot, sikaping magpatesting ng dugo para sa syphilis. May libreng programa ang ilang bansa para rito.
- Pagkaraan ng ilang linggo o buwan, maaaring magkaroon ka ng namamagang lalamunan, lagnat, pamamantal o rashes (laluna sa palad at talampakan), sugat o singaw sa bibig, o namamagang kasukasuan. Sa panahong ito, maaari kang makahawa ng iba.
Kung buntis ka, sikaping magpatesting ng dugo para sa syphilis.
Pagbubuntis at syphilis
Puwedeng magpasa ng syphilis ang buntis na babae sa isisilang na sanggol. Maaaring magdulot ito ng pagsilang na sobrang aga, may kapansanan, o patay. Mapipigilan ito ng pagpatesting ng dugo at pagpapagamot habang buntis. Kung makita sa test na may syphilis ang babaeng buntis at kapartner niya, dapat pareho silang gamutin ng benzathine penicillin, 2.4 million Units, iniiniksyon (IM), minsan bawat linggo sa loob ng 3 linggo.
Chancroid
Isang INP na dulot ng bacteria ang chancroid. Masusugpo ito ng gamot kung maagang lulunasan.
Palatandaan:
- isa o higit pang malambot, masakit na sugat o ulser sa ari o puwit na madaling dumugo
- namamaga at masakit na kulani (lymph nodes) malapit sa ari
- sinat (mababang lagnat)
Gamot para sa Pagsusugat sa Ari | ||
---|---|---|
Panlunas kapwa sa syphilis at chancroid ang mga gamot na ito. Kailangan mong pumili ng isa sa mga gamot sa ibabaw na kahon para sa syphilis AT isa sa mga gamot sa ilalim na kahon para sa chancroid para matiyak na epektibo ang panglunas. Iwasang sabay na gamitin ang erythromycin at azithromycin para sa pagsusugat sa ari. | ||
Gamot | Gaano karami | Kailan at paano gagamitin |
benzathine penicillin | 2.4 million Units | iniksyon sa kalamnan, isang beses lang |
o kaya doxycycline | 100 mg | iinumin, 2 beses bawat araw sa 14 na araw |
(huwag gumamit ng doxycycline kung buntis o nagpapasuso) | ||
o kaya tetracycline |
500 mg | iinumin, 4 na beses bawat araw sa 14 na araw |
o kaya erythromycin (gamitin lang ang erythromycin kung buntis o nagpapasuso at allergic sa penicillin) | 500 mg | iinumin, 4 na beses bawat araw sa 15 araw |
AT | ||
azithromycin | 1 gram (1,000 mg) | iinumin, isang beses lang |
o kaya ciprofloxacin (huwag gumamit ng ciprofloxacin kung buntis o nagpapasuso o mas bata sa 16) |
500 mg | iinumin, 2 beses bawat araw sa 3 araw |
o kaya erythromycin | 500 mg | iinumin, 4 na beses bawat araw sa 7 araw |
o kaya ceftriaxone | 250 mg | iniksyon sa kalamnan, isang beses lang |
Dapat panatilihing malinis ang mga sugat o ulser sa ari. Hugasan ito araw-araw ng sabon at tubig, at maingat na patuyuin. Huwag ipagamit sa iba ang tuwalya o telang ginagamit mo para patuyuin ang sarili.
Herpes sa ari
Ang taong may AIDS ay puwedeng magkaroon ng herpes sa buong katawan na higit na mas matagal bago mawala.
Virus ang sanhi ng herpes sa ari. Nagbubunga ito ng mga sugat o singaw sa ari o bibig na lumalabas at nawawala sa loob ng ilang buwan o taon. Wala pang gamot na nakakapagaling sa herpes, pero may panlunas para mas bumuti ang pakiramdam mo.
Hindi naihahawa sa pagtatalik ang lahat ng singaw ng herpes sa bibig. Madalas magkaroon ang mga bataât matanda ng singaw sa bibig na dulot ng ibang herpes virus kapag may sipon o lagnat.
Palatandaan:
- makati, masakit o parang may tumutusok na pakiramdam sa palibot ng ari o sa binti
- maliliit na paltos na pumuputok at nagiging masakit at bukas na sugat sa ari
Sa unang beses na magka-sugat ng herpes, tumatagal ito nang 3 linggo o higit. Puwede kang magka-lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, pangangatog at namamagang kulani sa palibot ng ari. Mas mahina ang susunod na impeksyon.
Pagbubuntis at herpes. Maaaring magpasa ng sakit sa sanggol ang isang buntis na babaeng may herpes at may mga sugat sa panahon ng panganganak. Puwede itong magdulot ng mapanganib na mga problema sa bata. Sikaping sa ospital manganak. Baka makapagopera sila para maisilang ang sanggol, o magbigay sa bata ng ispesyal na mga gamot pagkapanganak nito.
Hugasan ang iyong kamay ng sabon at tubig matapos humawak sa sugat.
Ingatan na huwag hipuin ang mata mo o ng iyong mga anak. Napakaseryoso ng herpes na impeksyon sa mata.
Iwasang makipagtalik sa panahong may sugat ka mula sa herpes. Madali mong maipapasa ang herpes sa iyong katalik.
Panlunas para sa herpes sa ari:
- Magbalot ng yelo sa malinis na tela. Idikit ito direkta sa sugat nang 20 minuto sa sandaling maramdaman mo ang sugat.
- Gumawa ng pantapal (compress) sa pamamagitan ng pagbabad ng tela sa malinis na tubig na may itim na tsaa, at paglapat nito sa sugat
- Umupo sa palanggana o batya na may malinis at malamig na tubig.
- Maghalo ng tubig at baking soda o corn starch hanggang maging malagkit, at ipahid ito sa mga sugat.
- Kung pabalik-balik ang mga palatandaan, subukan ang gamot na acylclovir. Kahit hindi nito mapapawi ang herpes, makakatulong ito
- Puwede mo ring subukan ang mga mungkahi sa "Paano bubuti ang pakiramdam".