Hesperian Health Guides

Mga tumutubo (kulugo) sa ari

Sa kabanatang ito:

Ang kulugo ay dulot ng virus. Ang kulugo sa ari ay kamukha ng kulugo sa ibang bahagi ng katawan. Puwedeng magkaroon ng kulugo sa ari na hindi nalalaman, laluna kung nasa loob ng puwerta o sa loob ng dulo ng titi. Maaaring mawala lang ang mga kulugo kahit hindi ginagamot, pero puwedeng matagal bago mangyari. Madalas patuloy itong lumalala at dapat gamutin.

Palatandaan:
  • pangangati
  • maliit, hindi masakit, medyo maputi o kulay tsokolate na butlig na magaspang ang ibabaw.
maraming maliliit na butlig sa titi
maraming maliliit na butlig malapit sa puwerta o ari ng babae
Sa lalaki, madalas tumubo ito sa ibabaw ng titi (o sa loob nang kaunti), sa balot ng bayag, o sa puwit. Sa babae, madalas tumutubo ang mga butlig na ito sa mga tiklop ng vulva, sa loob ng puwerta, at sa palibot ng puwit.
MAHALAGA! Maaaring palatandaan ng syphilis ang malaki, patag (flat) at namamasa na tumutubo na mukhang kulugo (tingnan ang susunod na pahina). Sikaping ma-testing para sa syphilis, at HUWAG gamitin ang sumusunod na panlunas.

Dapat magcondom ang partner mo hanggang sa pareho kayong mawalan ng kulugo

Panlunas:
  1. Lagyan ng petroleum gel o iba pang malangis na ointment ang balat sa paligid ng bawat kulugo para proteksyon sa malusog na balat
  2. Gamit ang maliit na patpat o toothpick, maingat na lagyan ng maliit na maliit na patak ng trichloroacetic acid (TCA) hanggang sa mamuti ang kulugo. Puwede ka ring gumamit ng bichloracetic acid (BCA)

Mas mabilis tumubo ang kulugo habang nagbubuntis ka. Kung marami, maaaring magdulot ng problema sa panganganak. Makipag-usap sa isang health worker tungkol dito..

O KAYA:

Lagyan ng 20% podophyllin solution sa parehong pamamaraan hanggang magkulay tsokolate ang kulugo. Dapat hugasan para maalis ang podophyllin pagkalipas ng 6 na oras. Huwag gumamit ng podophyllin kung buntis ka.

Kung gumagana ang panlunas, mapapalitan ng masakit na sugat o sira sa balat ang kulugo. Panatilihing malinis at tuyo ang sugat. Umiwas sa pagtatalik hangga’t meron pa. Kung hindi makaiwas, magcondom. Asahang maghilom ang mga sugat sa loob ng 1 o 2 linggo. Matyagan ang mga ito at tiyaking hindi ma-impeksyon.

Madalas kailangan ng ilang gamutan bago matanggal ang lahat ng kulugo (balewala kung anuman ang gamiting solusyon). Puwede mong ulitin ang panlunas matapos ang isang linggo. Iwasang malagyan ng asido ang sugat na dating may kulugo. Kung sobra ang iritasyon, patagalin nang kaunti bago ang susunod na gamutan.


Huling binago ang pahinang ito: 05 Ene 2024