Hesperian Health Guides

Kabanata 20: Kababaihang nagtatrabahom sa prostitusyon

HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 20: Kababaihang nagtatrabahom sa prostitusyon

Sa kabanatang ito:

nakangiting mga babaeng may t-shirt na nagsasabing, “Condom mo, proteksyon mo”
Ang mga unyon ng mga babaeng nagtatrabaho sa prostitusyon ay nagdedemanda ng proteksyon sa mga legal at pantaong karapatan nila.

Tulad din ng ibang babae, ang mga babaeng nasa prostitusyon ay nagtatrabaho para mabuhay.

Ang pagtatrabaho sa prostitusyon ay pagbebenta ng pakikipagtalik kapalit ng pera o iba pang pabor. Akala ng karamihan, lahat ng mga babaeng nasa prostitusyon ay may katiting na damit, nakikipaglandian sa mga lalaki, at nagtatrabaho sa mga bahay-aliwan o sa kalsada. Pero magkakaiba ang katangian ng mga babaeng nagbebenta ng seks. Maaaring batang babae siya, o matandang babae na may 6 na anak sa bahay. Maaaring nagtatrabaho siya sa bahay-aliwan, sa bar o club, sa kalye na may bugaw, o sa sariling bahay. Magkatulad ang karamihan sa pagbebenta ng seks dahil sa desperadong pangangailangan sa pera.

Sa librong ito, hindi namin ginamit ang salitang ‘puta’. Para sa maraming tao kasi, nasa isip na nila na masamang babae na dapat parusahan ang puta. Dinidiin ng terminong ‘babaeng nagtatrabaho sa prostitusyon’ ang katotohanan na tulad ng ibang babae, nagtatrabaho sila para mabuhay. Ito rin ang rason na tinatawag ditong ‘kliyente’ o ‘kustomer’ ang mga lalaking bumibili ng seks.

Meron ding maraming babae na hindi tinuturing ang sarili na nagtatrabaho sa prostitusyon, pero nagbebenta paminsan-minsan ng seks para sa mga pabor, tulad ng tirahan o trabaho. Tinatawag namin itong ‘pakikipagtalik para mabuhay’. Hinaharap nila ang marami sa mga problema ng nagtatrabaho sa prostitusyon.

Layunin ng kabanatang ito na magbigay ng impormasyon sa problema sa kalusugan ng mga babaeng nagtatrabaho sa prostitusyon, at kung paano nila matutulungan ang isa’t isa. Makakatulong din itong maunawaan ng mga tao kung ano ang buhay para sa mga babaeng kailangang magbenta ng seks para mabuhay.


Huling binago ang pahinang ito: 05 Ene 2024