Hesperian Health Guides

Pagkilos para sa pagbabago

Sa kabanatang ito:

Negosasyon sa paggamit ng condom

Para mas maraming lalaki ang mag-condom, dapat paniwalaan nila na para sa kapakanan nila at ng katalik ang pag-iwas sa INP, kasama na ang HIV. Pinakamahusay na sa komunidad gawin ang ganitong klase ng edukasyon.

Makakatulong ang lahat ng nagtatrabaho sa prostitusyon kung magkakaisa na gawing karaniwan o inaasahang ugali ang pag-condom. Sa gayon, gugustuhin na ng mga kustomer ang paggamit ng condom.

Para matuto sa pakikipagnegosasyon sa paggamit ng condom, makipagtulungan sa iba mong katrabaho. Maghatian kayo ng gaganaping papel at mag-ensayo ng sasabihin.

babaeng nagpapakita ng condom sa isang lalaking nakaakbay sa kanya

Kapag may kustomer ka, importante ang iyong paninindigan. Kung naniniwala ka sa sarili mo at alam mo ang sinasabi mo, mas malamang makumbinse mo ang lalaki na tama ang pag-condom. Eto ang ilang mga ideya:

  • Ipaliwanag na magagawa ng condom na
– protektahan siya at pati na ikaw mula sa sakit.
– mapababa ang tsansa na mapasahan niya ng INP ang kanyang asawa.
– mapatagal ang pagtatalik at kasiyahan niya.
  • Sabihan siya na gagawin mo pa ring kasiya-siya ang seks para sa kanya.
  • Kung ginagawa mo ang pagtatalik gamit ang bibig (oral sex), aralin ang paglalagay ng condom gamit ang iyong bibig.
Isang babaeng nagtatrabaho sa prostitusyon sa isang disco club sa Duala, Cameroon, ang nagsalaysay ng kuwentong ito:
Sa pinagtatrabahuhan ko, naiintindihan namin ang panganib sa aming kalusugan at buhay mula sa HIV at AIDS, kaya binibigyan ng condom ang lahat. Tinuturuan namin ang mga kustomer na para rin sa kapakanan nila ang proteksyon. Payag na ang karamihan ng kustomer ngayon. Ginagawa naming kasiya-siya ang pagtatalik, para bumalik pa sila.


Pero palaging may mga lalaking nag-aakala na ‘tunay na lalaki’ sila kung hindi magcocondom. Kapag wala raw ‘suot,’ tunay ang nalalasap nila. Sa karanasan namin, kapag 4 o 5 beses nang pumalya ang lalaki sa paghahanap ng papayag sa di ligtas na seks, umaalis na lang siya, o pumapayag na rin para maranasan kung pareho nga lang ang kasiyahan kapag may condom. Kung pinipilit ang di ligtas na seks, grupo naming itinataboy siya palabas.

Hindi namin gustong mawalan ng kustomer, pero pinapahalagahan namin ang aming buhay at kalusugan. Unti-unti, nagbabago rin ang kalagayan. Sa pinagtatrabahuhan namin, ang paggamit ng condom ay tanda rin ng paggamit ng utak.

apat na babaeng nag-iisip kung ano ang gusto nila
DISENTENG KITA
PAGKAIN at
TIRAHAN
MALAYA SA KARAHASAN
PROTEKSYON MULA SA
INP at HIV
Nag-oorganisa ang mga babaeng nagtatrabaho sa prostitusyon para mapabuti ang kanilang buhay. Pareho rin sa ibang babae ang gusto nila sa buhay

Lakas sa pag-oorganisa

“Nagtatrabaho dati ako sa isang club kung saan hindi kami palaging nagcocondom. Malakas ang pamimilit na HUWAG gumamit. Kaya umalis ako. Ngayon, dito ako sa isang bahay na KAILANGAN mag-condom. Nakakabawas ito ng maraming pangamba at pagtatalo.” ­—Anita

Dahil sa mababang katayuan bilang mahihirap na babae at nasa prostitusyon, minsa’y nakakadama sila na wala nang halaga at hindi na kayang baguhin ang buhay. Kung mag-isa siya, mahirap para sa babaeng nasa prostitusyon na igiit sa kustomer ang pag-condom, o ipagtanggol ang sarili mula sa karahasan.

Pero sa maraming lugar, natutunan ng mga babaeng nasa prostitusyon na kung magsasama-sama, mas may kapangyarihan silang mapabuti ang buhay. Sa ilang mga lugar, nag-oorganisa ang mga babae para mapahusay ang kalagayan sa trabaho—ginigiit nilang magcondom ang mga kustomer, o nilalabanan ang pagmaltrato ng mga pulis. Sa ibang mga lugar, nagsimula ng mga programa para matuto ng bagong kabuhayan nang di na gaanong umasa sa pagbebenta ng seks.

Eto ang ilang mga ideya na ibinahagi ng mga babaeng nagtatrabaho sa prostitusyon sa buong mundo kung paano sila nagtutulungan at nakikipagtulungan sa iba para mapabuti ang kanilang buhay.

Turuan ang isa’t isa kung paano maging mas ligtas ang trabaho. Puwedeng maggrupo at pag-usapan ang mga ito:

  • paano gumamit ng condom para mapigilan ang mga INP, kasama na ang HIV, at paano makapagpagamot ng INP kung kailangan.
  • paraan ng kontrasepsyon, paano ito makukuha, at paano ito gagamitin.
  • paano pumili ng kustomer at umiwas sa mga delikadong sitwasyon.
  • paano suportahan ang isa’t isa para harapin ang pamimilit ng isang kustomer.
  • paano malimita ang oras na ginugugol sa bawat kustomer

Mag-organisa para sa dagdag na kaligtasan. Sa sama-samang pagtatrabaho at pagsuporta sa isa’t isa, matutulungan na bumaba ang banta ng karahasan mula sa mga kustomer, pulis at bugaw. Sumama sa ibang babaeng nasa prostitusyon para magplano kung paano ninyo susuportahan at poprotektahan ang isa’t isa.

babaeng tinutulungan ang isa pa sa kanyang kakayahang magsulat

Matuto ng mga bagong kasanayan. Puwede ninyong pagsikapang mag-organisa ng programa na nagtuturo ng pagbabasa at pagsusulat, o mga kasanayang panghanapbuhay. Minsan puwedeng turuan ng mga babae ang isa’t isa ng bagong kasanayan, o magpatulong mula sa mga tao sa komunidad na maaaring magturo.

babaeng nagsasalita habang sinusuklay ang buhok ng isa pang babae
Sabi ko sa kanya, “Walang condom, walang seks.” At ngayong kumikita na ako sa pag-aayos ng buhok, puwede ko na siyang tanggihan—na may pambayad pa rin
sa mga gastusin.

Kapag may ibang kasanayan ang isang babaeng nasa prostitusyon, maaari siyang kumita sa ibang trabaho. Mas makakapili siya ng lalaking katalik, o puwede siyang tumanggi sa isang kustomer kung nakakadama siya ng panganib.

Magbuo ng pondong utangan o paluwagan. May isang grupo ng mga babaeng nagtatrabaho sa prostitusyon sa Nairobi, Kenya na nagtipon ng pera nila para makabuo ng pondong mauutangan ng mga miyembro. Marami ang gumagamit ng pondo para sa pag-aaral ng anak. Nagpapaluwagan naman ang ibang grupo para matulungan ang isa’t isa na magtayo ng maliliit na negosyo, para kumita sa ibang paraan maliban sa pagbebenta ng seks.

Maraming grupo ng mga babaeng nagtatrabaho sa prostitusyon ang nagsisikap na baguhin ang negatibong pananaw ng ibang tao sa kanila. Halimbawa, ipinagbabawal ng isang organisasyon sa Calabar, Nigeria na mag-away sa kalye o sa bahay-aliwan ang mga kasapi nila. Hindi rin pinapayagan ang mga miyembro na gumamit ng salita o magsuot ng damit na maaaring ikagalit ng komunidad. Sa pagbabago ng mga bagay na nagpapadali sa komunidad na punahin sila, umaasa ang mga babae na baka maunawaan ng mga tao na sila’y simpleng mga babae na nagtatrabaho para mabuhay.

Maaaring makatulong ang komunidad

isang lalaki at dalawang sex worker na nakatayo malapit sa karatula na nagsasabing, “dapat gumamit ng condom para sa kaligtasan mo at namin”

Maaaring tulungan ng komunidad ang mga babaeng nasa prostitusyon na mag-organisa para sa mas ligtas na kondisyon sa trabaho. Puwede kang:

  • magdemanda ng batas na paparusa sa mga nagsasamantala sa mga babaeng nasa prostitusyon. Kasama dito ang mga may-ari ng bahay-aliwan, bugaw, pulis, kustomer at drug pusher.
  • ipatigil sa mga pulis ang pagmaltrato sa mga babaeng nagtatrabaho sa prostitusyon.
  • ikampanya ang batas na hihimok sa pag-condom ng mga kustomer sa prostitusyon. Halimbawa sa Thailand, alituntunin ng Ministro ng Kalusugan na gumamit ng condom ang mga babaeng nasa prostitusyon. Kung hindi, puwedeng ipasara ang bahay ng prostitusyon o pagmultahin. Nakatulong ang batas na ito para igiit ng mga babae ang pag-condom. Proteksyon ito sa mga babaeng nasa prostitusyon, sa mga lalaking nagbabayad, at sa mga asawa nila.

Puwede ka ring kumilos para mapigilan ang pagbenta o pagpuwersa ng mga bata sa prostitusyon:

  • Kausapin ang mga magulang tungkol sa mga panganib ng pagbebenta ng mga batang babae na magtrabaho sa ibang bansa.
  • Magbigay ng tulong, tulad ng trabaho, pagpapayo, lugar na kukupkop sa mga batang lumalayas sa pamilya. Sa tulong mo, hindi sila mapipilitang magbenta ng seks para mabuhay.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017